Solitaire Garden TriPeak Story Review

Kinagigiliwan mo ba ang paglalaro ng classic na Solitaire games tulad ng Klondike, Pyramid, FreeCell, at Spider? Huwag nang mag-alala pa dahil pwedeng-pwede mo na itong laruin sa iyong mobile device! Patuloy na basahin ang article inihanda ng Laro Reviews upang malaman kung paano.

Tulad ng karaniwang solitaire games, kuhang-kuha ng Solitaire Garden TriPeak Story ang gameplay nito. Ang mas maganda pa rito ay maaari ka nang maglaro ng paborito mong card game kahit saan gamit lamang ang iyong mobile phone! Ito ay nilikha ng game developer na Casual Candy Match. Bukod pa rito, sinamahan pa ito ng kakaibang twist sapagkat mararanasan mo ring mag-harvest ng crops kasabay ng iyong paglalaro.

Features ng Solitaire Garden TriPeak Story

Easy Mechanics – Magandang irekomenda ang larong ito dahil hindi kumplikado ang mechanics nito kaya madali lamang maintindihan ng kahit sino. Mayroon din naman itong tutorial para magsilbing gabay sa mga manlalarong hindi pamilyar sa ganitong gameplay. Kaya naman hindi ka mai-stress sa paglalaro nito, sa halip ay mas mare-relax ka pa rito. Tamang-tama itong laruin habang ikaw ay nagpapahinga.

Harvest Crops – Kada dalawang oras, magkakaroon ka ng pagkakataong i-harvest ang crops. Sa pamamagitan nito, makakatanggap ka ng Basic Bonus at Harvest Bonus. I-click ang Claim button para ma-enjoy ang bonuses na makukuha mo rito. Kasama rito ang free tickets para libre kang makapaglaro ng levels.

Offline Mode – Hindi na nito kailangan maging konektado sa Wi-Fi o mobile data para malaro kaya mae-enjoy mo pa rin itong laruin kahit nasaan ka man. Maganda itong pampalipas-oras dahil makikita mo pa rin ang features nito kahit walang internet connection. Tuluy-tuloy lang ang pagkumpleto mo ng bawat level anumang oras!

Saan Pwedeng I-download ang Solitaire Garden TriPeak Story?

Sa section na ito ng article ituturo kung paano i-download ang Solitaire Garden TriPeak Story. Ito ay kasalukuyang available sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Solitaire Garden TriPeak Story on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.solitaire.garden.tripeaks

Download Solitaire Garden TriPeak Story on iOS https://apps.apple.com/us/app/solitaire-garden-tripeak-story/id1475745623

Download Solitaire Garden TriPeak Story on PC https://pcmac.download/app/1475745623/solitaire-garden-tripeak-story

Tips at Tricks sa Paglalaro

Umabot ka na ba sa pagkakataong hindi ka na umuusad sa laro dahil sa napakahirap na level? O kaya naman ay gusto mong lagi kang nakakakuha ng three stars? Narito ang Laro Reviews para magbigay ng tips at tricks na makakatulong sa iyong paglalaro. 

Bago tayo dumako sa mismong tips at tricks, papasadahan muna natin ang kaunting detalye tungkol sa laro. Para makapaglaro ng level, kailangan mong magbayad ng coins kung saan makikita mo ang Cost nito sa itaas ng Play button. Gayunpaman, may mga pagkakataong magkakaroon ka ng Free tickets na gagamitin mo para makapaglaro nang walang bayad.

Ang tip ko sa iyo ay sunud-sunod na i-clear ang limang cards para makakuha ka ng bonus streak. Pag nagawa mo ito, makakakuha ka ng extra na card. Makikita mo ang meter na ito sa kanang itaas na bahagi ng screen. Kailangang sunud-sunod ang pagtira mo dahil kapag naputol ito, mawawala lamang ang iyong progress sa meter na ito kaya uulit ka na naman. Bukod pa rito, makakatulong ang paggamit ng boosters sa laro. Pumili kung ano ang gagamitin mo sa tatlong boosters na matatagpuan bago simulan ang level. Ang gamit ng unang booster ay para magkaroon ka ng dalawang Wild cards na maipupwesto randomly sa likod ng cards na nasa board. Kung ang ikalawang booster naman ang iyong pinili, magkakaroon ka ng dalawang extra deck cards: isa para sa kahit anong Hearts o Diamonds card, at isa para sa anumang card na Clubs o Spades. Panghuli, ang ikatlong booster ay upang magsilbing magnet na mag-e-eliminate ng lahat ng cards na nakatihaya at nasa ibabaw.

Bukod sa tatlong boosters na nabanggit, pwede ka ring gumamit ng boosters habang nasa kalagitnaan ka ng iyong paglalaro. Matatagpuan ito sa kaliwang ibabang bahagi ng screen. Kung ang iyong pinili ay ang Tornado, magreresulta ito para manginig ang screen at tangayin ang ilang cards na nasa iyong board. Kapag naubusan ka na ng cards, maaari kang makakuha ng karagdagang cards. Nang sa gayon ay magkaroon ka pa ng pagkakataong malampasan ang nilalarong level. May dalawa kang opsyon para rito, magbayad ng coins para makakuha ng limang cards o manood ng ads para sa tatlong cards.

Pros at Cons ng Solitaire Garden TriPeak Story 

Nakakuha ng mataas na rating ang Solitaire Garden Tripeak Story kung saan 4.4 star-rating ito sa Google Play Store, samantalang 4.8 star-rating naman ito sa App Store. Available ang laro sa iba’t ibang wika tulad ng English, Spanish, French, Italian, Japanese, Portuguese, Traditional Chinese, Simplified Chinese, Thai, Vietnamese, at Dutch. Maganda ang graphics nito kung saan makakaramdam ang manlalaro ng maaliwalas na atmospera habang naglalaro. Kaakit-akit din ang makikita mong mga background scenery sa bawat level. Pagdating sa gameplay, madali lamang itong matutunan lalo na kung pamilyar ka na sa solitaire games. Mayroon naman itong tutorial sa umpisang bahagi ng laro kung saan iniisa-isa ang pagtuturo ng mechanics nito. Kaya kung baguhan ka sa ganitong laro, madali mo lamang itong maiintindihan habang tumatagal. Bukod pa rito, mayroon itong offline mode kaya maaari mo itong laruin kahit na wala kang internet connection.

Gayunpaman, kung ayaw mo ng pop-up ads sa kalagitnaan ng iyong paglalaro, may posibilidad na maasar ka sa iyong paglalaro. Sapagkat makakaranas ka ng madalas na paglabas ng ads pagkatapos ng level kaya kailangan mo munang hintayin itong matapos bago ka pwedeng tumuloy sa susunod na level. Mayroon ding isyung naranasan ang ibang mga manlalaro na dumarating sa punto pagdating sa mataas na level kung saan labis na mahirap malampasan ito kahit na paulit-ulit kang sumubok. Bukod pa rito, marami ka mang maiipon na Daily Quest bonuses, hindi mo naman ito makukuha hangga’t hindi ka bibili ng Royal Membership nito. Kaya bagaman masaya itong laruin, kapansin-pansin ang pagkakaiba ng progress kung magbabayad ka ng totoong pera para sa laro.

Konklusyon

Bilang kabuuan, magandang libangan ang Solitaire Garden TriPeak Story dahil madali lang ang mechanics nito at pwede itong laruin kahit walang internet connection. Kaya kung nasa labas ka at walang Wi-Fi o mobile data, hindi ka maiinip sa kahihintay dahil nakakalibang itong laruin. Mayroon pa itong nakakaakit na graphics kaya maganda itong irekomenda sa iba lalo na kung hilig nila ang ganitong laro. Kung nais mo itong subukang laruin, magagamit mo ang tips at tricks section ng article na ito dahil makakatulong sa iyong paglalaro ang inihanda ng Laro Reviews doon.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...