Solitaire TriPeaks – Card Game Review

Hindi na bago ang mga larong solitaire, mapa-card game man iyan o mobile game. Isa ang larong ito sa mga naunang built-in game sa ating mga computer. Samantala, noong hindi pa uso ang mga cellphone at tablet, madalas na natin itong nilalaro sa bahay kasama ng pamilya. Ngunit hindi tulad ng mga karaniwang laro ng solitaire, inihahandog ng Solitaire TriPeaks – Card Game ang mga kamangha-mangha at nakakatuwang graphics na rito mo lang masasaksihan. Bukod pa rito, nandiyan rin si Tiki, isang character guide na ginawa upang gawing mas masaya ang laro.

Paano ito laruin?

Katulad ng mga nakasanayan na nating solitaire game, simple lamang ang mechanics ng larong ito. Una, tanggalin ang lahat ng cards mula sa tableau sa pamamagitan ng pagpindot ng mga bukas na card na mas mataas ng isang puntos o mas mababa ng isa sa card na hawak mo mula sa mga reserbang cards sa ibaba. Paulit-ulit lamang ang gagawin hanggang sa tuluyang maubos ang mga card sa tableu. Mayroon lamang dalawang minutong limitasyon bawat game level kaya kailangan din ang bilis sa paglalaro.

Ang larong ito ay naglalaman din ng mga Joker card na nakakalat sa mga reserba at tableau. Ang Joker ay isang wild card na maaaring ilagay anumang oras at pagkatapos ay maaari mong laruin ang alinmang card na gusto mo sa susunod. Pumindot sa mga card para alisin ang mga ito sa playing field. Pumindot naman sa mga reserba upang makita ang susunod na reserbang card.

Sa karagdagan, sa itaas ng kanang column ay mayroong full screen mode button at game pause button. Sa ilalim ng dalawang button na iyon ay ipinapakita nito ang kabuuang points mo sa laro, ang iyong game level, at ang nalalabing oras mo sa paglalaro. Mayroon ding tatlong button sa ibaba ng kanang column para i-undo ang mga galaw at kontrolin ang tunog o musika ng laro. Maaari kang makapag-undo ng hanggang dalawang galaw bawat round ng laro. Ang bawat card na aalisin mo sa playing field ay nagkakahalaga ng 100 puntos at ang bawat hindi nagamit na reserbang card ay nagkakahalaga ng 450 puntos, samantalang ang bawat segundo na natitira mo kapag nakumpleto mo ang isang game level ay nagkakahalaga ng 50 puntos. Lahat ng mga puntos na ito ay madadagdag sa kabuuang puntos mo sa laro.

Saan maaaring ma-download ang Solitaire TriPeaks – Card Game?

Gamitin ang sumusunod na links upang mai-download ang laro:

Download Solitaire TriPeaks – Card Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.IskoGames.SolitaireSpecialCardSolitaireGame&hl=en&gl=US

Download Solitaire TriPeaks – Card Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/solitaire-tripeaks-card-games/id892521917

Tips para sa beginners:

  • Ang larong ito ay nangangailangan ng bilis at kahusayan kaya hangga’t maaari ay makapag-desisyon ka na kaagad sa mga galaw na gagawin mo. Ngunit dapat pa ring maging matalino sa pagpili ng card na tatanggalin dahil limitado lang din ang cards na magagamit mo.
  • Gamitin ang makukuhang Jokers nang mas maaga upang buksan ang alin mang card na nais mong buksan. Pero mas mabuting sa pinakaibaba maglagay dahil may mga pagkakataon na makakatagpo ka ng isang string ng mga magkakasunod na card na magbibigay-daan upang mas mabilis na matapos at maipanalo ang laro.
  • Mag-obserba ng mabuti, tandan ang mga kulay na lumabas na at hindi pa lumalabas maging ang mga numero dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay makakakuha ka ng wild cards o jokers. Maging mapagmatyag.

Features ng laro:

  • Mag-relax sa libu-libong game levels na idinaraos sa mga makapigil hiningang ganda ng mga baybayin
  • Friend Center kung saan maaari kang magpadala at tumanggap ng mga libreng coins mula sa mga kaibigan.
  • Mapanghamong mga panganib upang sanayin ang iyong utak at tulungan kang maging mas matalino.
  • Mga wild card at booster para tulungan kang makuha ang iyong mga panalo sa laro.
  • Sumali sa isang solitaire tripeaks club upang makipag tulungan sa iyong mga kaibigan, o makipag kompetensya laban sa kanila. 

Pros at Cons ng laro

Bukod sa guide na si Tiki, marami pang game characters ang makakasama sa laro habang pataas nang pataas ang iyong game level. Nariyan si Poi, ang sidekick na aso ng butiking si Tiki. Si Pele, ang diyosa ng Bulkan, si Marina na sirena at mayroon pang mga penguin, kuneho, unggoy, isang loro at marami pa. Hindi rin matawaran ang kaakit-akit na graphics na animo’y totoong ipininta ng mga tanyag na alagad ng sining.

Sakali namang malaro mo na ang lahat ng levels, ibabalik ka nito sa unang level ng laro, o sa halip na i-click ang button na “End Game,” ay maaari mong i-refresh ang window ng iyong browser, pagkatapos ay i-click ang “Continue Previous Game” para i-replay ang round na natalo mo.

Bukod pa rito, ang laro ay libre lamang ma-download at madaling maunawaan. Ang control naman ay maayos na naigagalaw at swabe lang sa kamay. Mayroon ding mahigit sa 600 game levels ang laro kaya hindi ito agad-agad na matatapos. Higit sa lahat, hindi titipirin ang mga manlalaro sa mga bonus card kagaya ng mga wild card at joker at pwede ring bumili ng mga special ability sa laro.

Sa kabilang banda, nanghihinayang lamang ang Laro Reviews na sa kabila ng mga magagandang katangian ng laro na nabanggit sa itaas, nagkakaroon pa rin mga technical problem sa laro kagaya ng glitching at lagging, paminsan-minsan kailangan mo pang pindutin ng ilang beses ang isang card upang mabuksan ito. Dagdag pa rito, may kamahalan rin ang mga special ability sa laro kaya kung hindi mo maiwasang bumili talaga ay pipili ka lang ng iilan na talagang kailangang-kailangan sa laro.

Konklusyon

Ayon sa mga pag-aaral, ang paglalaro ng solitaire ay may positibong epekto sa ating Mental Health. Nakakatulong ito upang pakalmahin tayo at upang ma-relax ang ating mga isip. Sa panahon natin ngayon kung saan patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga mental health related deaths, lubos na kinakailangan natin ang mga bagay na magbibigay sa atin ng kapanatagan, o para makalimutan saglit ang mga problema sa buhay. Kaya naman baka sa tulong ng Solitaire TriPeaks – Card Game, ang pinaka-upgraded, pinaka-makulay at pinaka-nakakatuwang online version, ay maaari itong maging isang scapegoat upang kalimutan saglit ang mga masalimuot na dinaramdam natin. Kung gusto mo ng mga larong hindi lamang nakaka-relax ngunit sadyang nakakaaliw rin, inirerekomenda ng Laro Reviews itong Solitaire TriPeaks – Card Game. Subukan at ibahagi na sa iba ang larong ito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...