Solitaire TriPeaks Card Games Review

Bukod sa pusoy, tongits at pares-pares na larong baraha, ang isa sa mga kilalang card game na nilalaro ng lahat ay ang solitaire tripeaks. Ito ay dahil simple at madali lang matutunan ang larong ito, bata ka man o matanda. Kaya kung ikaw ay naghahanap ng ganitong laro, tiyak kong magugustuhan mo ang nilikha ng GSN Games, Inc., ang Solitaire TriPeaks Card Games.

Ang Solitaire TriPeaks ay isang klasikong larong baraha na may mahigit 3,000 levels na pwede mong laruin. Maaari mo ring galugarin ang iba’t ibang isla tulad ng Tiki Island at manalo sa bawat laban. Pwede mo ring imbitahan ang iyong mga kaibigan para maglaro. Libre mo pang makukuha ang Solitaire TriPeaks Card Games mula sa Google Play Store o App Store.

Sa larong ito, kailangan mong magkaroon ng estratehiya at pamamaraan para manalo. Ipakita ang iyong husay at talento sa larong baraha. Magiging matalas rin ang iyong isipan dahil tuturuan ka nitong mag-isip at dumiskarte sa paglalaro gamit ang iyong sariling paraan. Kaya sigurado akong magugustuhan mo ito lalo na kapag natutunan mo na itong laruin. 

Para mas lalo pang maunawaan ang ibang impormasyon tungkol sa larong ito, narito ang ilan pang detalyeng makatutulong sa iyo. Basahin ang buong artikulo upang matuklasan kung ano ang mga features, tips at tricks, pros at cons ng larong Solitaire TriPeaks Card Games.

Features ng Solitaire TriPeaks Card Games

Maraming bagong levels – Hindi ka makakaramdam ng pagkabagot sa larong ito dahil umaabot sa mahigit 3,000 ang dami ng levels ng Solitaire TriPeaks Card Games. Mayroon din itong mga bagong lugar na pwede mong mapuntahan depende sa iyong level. Kaya kailangan mong galingan para manalo at makarating sa iba’t ibang level ng laro.

Maraming items at papremyo – Sa bawat panalo mo sa laban, naghihintay sa iyo ang limpak-limpak na salapi at mga papremyo. Maaaring doble o triple ang matatanggap mong items at papremyo. Kabilang dito ay ang mga wildcard at boosters na makakatulong para makamit mo ang iyong tagumpay. 

Solitaire tripeaks club – Hindi lang pang-single player ang larong ito dahil sa Solitaire TriPeaks Card Games ay makakapaglaro ka kasama ang iyong kaibigan. Para magawa ito, sumali ka lamang sa mga tripeaks club at makipaglaro laban sa kanila. Pwede rin kayong maglaro sa isang friendly competition. 

Friend Center – Sa larong ito, pwede mong ipadala sa kapwa manlalaro mo o kaibigan ang libreng coins mula sa’yo. Maaari ka ring makatanggap mula sa kanila sa pamamagitan ng friend center mode. 

Bagong update – Sa kanila ring bagong update, may mga event na pwede mong salihan upang makakuha ng iba’t ibang rewards. Halimbawa nito ay ang Lofty Leprechaun, na kailangan mong sumali at manalo nang limang beses para makuha ang Rainbow Chest. Mayroon ding tinatawag na Butterfly Bonanza na may premyong Chrysalis Chest kapag nakumpleto at nanalo ka sa walong trials. Maaari ka ring manalo ng mga club points sa bagong Mini-Tiki rescue. 

Saan pwedeng i-download ang Solitaire TriPeaks Card Games?

Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga links ng laro. I-click lamang ang mga links sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Solitaire TriPeaks Card Games on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.IskoGames.SolitaireSpecialCardSolitaireGame

Download Solitaire TriPeaks Card Games on iOS https://apps.apple.com/us/app/tripeaks-solitaire-card-game/id949295212

Download Solitaire TriPeaks Card Games on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.gsn.android.tripeaks-on-pc.html

Para mai-download ang laro, kailangan mo muna ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang install at hintayin umabot sa 100% ang pag-download. Kapag tapos na ito, maaari mo nang buksan ang Solitaire TriPeaks Card Games at laruin.

Tips at Tricks kung Nais Laruin ang Solitaire TriPeaks Card Games

Kung ikaw ay baguhan pa lamang at nagnanais na laruin ang Solitaire TriPeaks Card Games, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo. 

Para makapaglaro ng Solitaire TriPeaks Card Games, kailangan mong sumang-ayon sa terms at policy na isinasaad ng laro bago ka magsimula. Pinahihintulutan lamang na makapaglaro nito ang mga nasa edad 16 pataas.

Sa simula ng laro, mayroong gagabay sa iyo kung ano ang mga dapat mong gawin. Sundan lamang ang itinuturo at basahin ang sinasabi sa direksyon. Ito ay para malaman mo kung ano ang mga dapat mong pindutin kapag ikaw na mismo ang naglalaro. Ito ay para mas mabilis mong maunawaan ang daloy ng laro at maging pamilyar ka rito. 

Sa paglalaro ng Solitaire TriPeaks Card Games, katulad lang din ito ng mga tripeaks o three peaks na laro sa baraha. Mayroong tatlong bagay na dapat mong malaman at tandaan, ng tableau, waste pile at stock. Ang tableau ay ang mga barahang nakalatag sa harapan mong nakataob at nakabukas. Habang ang waste pile naman ay ang iyong baraha at basehan ng susundan mong card. Samantala, ang stock naman ay ang mga barahang bunutan kapag hindi na uubra ang hawak mong baraha. Kapag natutunan mo na ang tatlong iyan, madali mo nang malalaro ang solitaire tri peaks.

Madali lang laruin ang Solitaire TriPeaks Card Games. Tignan mo lang mabuti ang barahang hawak mo at ang mga barahang nakabukas. Piliin ang barahang una o susunod sa bilang ng hawak mo. Halimbawa, ang barahang nasa iyo ay king, ang dapat mong hanapin ay queen o alas. Pag-isipang mabuti ang iyong hakbang upang hindi ka maubusan ng moves sa laro.

Sa bawat barahang ilalagay mo sa waste pile, madaragdagan ang coins na mayroon ka. Bukod pa ang kabuuang premyong makukuha mo kapag ikaw ay nanalo. I-hit ang goal number ng bawat level, kumuha ng streak bonus sa pamamagitan ng sunud-sunod na moves at huwag hayaang abutan ng oras upang makakuha ng mataas na score sa speed. Sa ganitong paraan, ikaw ay mananalo sa laban.

Maaari mong gamitin ang iyong sariling pamamaraan at estratehiya sa paglalaro. Nakasalalay sa iyo ang pagkapanalo mo sa laro. Subalit tandaan, mag-enjoy lamang sa paglalaro at huwag masyadong malungkot kapag ikaw ay natalo dahil ang pangunahing layunin nito ay para malibang ka. Laruin ito upang maging kasiyahan at pampalipas lamang ng oras.

Ito ang ilan lamang sa mga tips at tricks para sa mga bagong manlalaro na nais subukan ang Solitaire TriPeaks Card Games. Kung nais mo pa ng ibang gabay para maunawaan ito, mas maganda kung ikaw na mismo ang dumanas na laruin ito.

Pros at Cons sa Paglalaro ng Solitaire TriPeaks Card Games

Para sa Laro Reviews, ang Solitaire TriPeaks Card Games ay isa sa magagandang larong pwede mong i-download nang libre. Katulad ng ibang card games, hindi ito boring dahil maayos ang graphics, visual at sound effects ng ginamit sa larong ito. Kakaiba rin ang tema ng larong ito dahil bukod sa paglalaro ng baraha, mayroon itong twist. Hindi lamang ito simpleng solitaire tri peaks na laro katulad ng ibang solitaire games. Nilagyan ng GSN Games, Inc., ang larong ito ng maraming features na wala ang ibang laro. Katulad ng mga hidden card, islands, boosters, clubs at maraming pang iba. 

Bukod pa riyan, ang Solitaire TriPeaks Card Games ay mayroon lamang 188MB at may 4.6 out of 5 ratings sa Google Play Store. Mayroon na rin itong mahigit sa 10 milyong downloads at may 718 na libong reviews. Nangangahulugan itong marami na ang naglalaro nito at tumatangkilik hanggang ngayon.

Ayon sa mga review, nakakaadik at masaya ang larong ito. Subalit may iba ring mga komento na maraming bugs at nakakaranas sila ng dismaya sa laro simula nang magkaroon ito ng bagong update. 

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app na produkto na mula sa halagang ₱52 at umaabot sa ₱10,450 bawat item. Ngunit maraming opsyon ang pwede mong gawin upang hindi na kailangan pang maglabas ng tunay na pera para makapaglaro. Maglaro lamang nang maglaro at ipanalo ang bawat level na lalaruin. 

Gayunpaman, ang Solitaire TriPeaks Card Games ay sulit na laro pa rin. Naghahatid ito ng kasiyahan at nakakapagtanggal ng pagkabagot sa mga manlalaro. Tiyak akong magugustuhan mo ito kapag naumpisahan mo na itong laruin. 

Konklusyon

Sa kabuuan, isa ito sa magagandang laro kumpara sa ibang card game. Marami ring iba pang likhang laro ang GSN Games, Inc., na pwede mong subukan. Subalit kung gusto mong malaman pa ang iba pang impormasyon sa larong ito, subukan mo muna ang Solitaire TriPeaks Card Games at i-download mo na sa iyong devices!

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...