Solitaire Adventures: TriPeaks Review

Noong hindi pa uso ang mga gadget, ang isa sa mga libangan ng mga Pilipino ay ang paglalaro ng baraha. Kahit ano mang masasayang okasyon ang iyong ipinagdiriwang, pwede kang maglaro ng baraha kasama ang iyong pamilya o kaibigan. Ikaw ba ay katulad kong mahilig ding maglaro ng baraha tulad ng pusoy, ungguy-ungguyan o di kaya’y solitaire? Kung oo, tiyak kong magugustuhan mo rin ang larong nilikha ng BRAMOL LIMITED, na maaari mo nang laruin sa iyong device, ang Solitaire Adventures: TriPeaks.

Ang Solitaire Adventures: TriPeaks ay isang classic card game na tungkol sa larong TriPeaks o three peaks na may paglalakbay. Ito ay isang single-player at offline game. Sa larong ito, ay may tinatawag na tableau, waste pile at stock ng mga baraha. Kailangan mong mabuksan ang lahat ng barahang naka-set sa tableau at ilagay ito sa waste pile nang sunud-sunod bago pa maubos ang stock mo. Maging madiskarte at maingat sa bawat galaw na pipiliin dahil nakasalalay sa gagamitin mong pamamaraan ang iyong pagkapanalo.

Kaya kung mahilig ka sa larong tulad ng Solitaire Adventures: TriPeaks, subalit walang oras para laruin ito gamit ang tunay na baraha, pwede mo nang malaro ito ngayon gamit ang iyong devices. Malalaro mo pa kahit nasaan ka man o anumang oras ang naisin mo.

Para mas lalo pang maunawaan tungkol saan ang larong ito, narito ang ilan pang detalye at impormasyon na makatutulong sa iyo. Basahin ang artikulo upang matuklasan kung ano ang mga features, tips at tricks, pros at cons ng larong Solitaire Adventures: TriPeaks.

Features ng Solitaire Adventures: TriPeaks

Mahusay at makulay na graphics – Ang pangunahing graphics na kinakailangan sa larong ito ay baraha. Maayos at mahusay ang ginamit na konsepto para sa pamantayan ng isang card game. Maganda ang pagkakagawa ng disenyo at tama ang kulay na mga pinili. Kaya mahihikayat ang sinumang laruin ito.

Mga bonus at papremyo – Maraming bonus at papremyo ang naghihintay sa iyo. Hindi ka lang makakakuha mula sa iyong napanalunan kundi pati na rin sa mga libreng lucky spin wheel, mula sa quests at bonuses.

Bagong level at lugar – Sa bagong update ng Solitaire Adventures: TriPeaks, nagdagdag sila ng bago at challenging na levels para sa mga manlalaro. Maaari mo ring mabisita ang iba’t ibang lugar habang ikaw ay naglalaro ng baraha tulad ng Paris, Venice, Courchevel, at marami pang iba. Nadagdag rin sa update nila ang bagong mini game at bagong game event.

Offline na laro – Hindi mo kailangang mag-alala kung ikaw ay walang Wi-Fi o data connection dahil ang Solitaire Adventures: TriPeaks ay isang offline na laro. Maganda itong bagay dahil maraming nakaka-access ng laro kapag ito ay offline

Saan pwedeng i-download ang Solitaire Adventures: TriPeaks?

Kung nais i-download ang larong ito, i-click lamang ang mga link sa ibaba depende sa iyong ginagamit na device:

Download Solitaire Adventures: TriPeaks on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.universeapps.solitaire

Download Solitaire Adventures: TriPeaks on iOS https://apps.apple.com/us/app/solitaire-adventure-journey/id1474365445

Download Solitaire Adventures: TriPeaks on PC https://appsonwindows.com/apk/4266534/

Para ma-download ang laro, kailangan mo muna ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang install at hintaying umabot sa 100 porsyento ang pag-download. Kapag tapos na ito, maaari mo nang buksan ang Solitaire Adventures: TriPeaks at laruin.

Tips at Tricks kung Nais Laruin ang Solitaire Adventures: TriPeaks

Kung ikaw ay baguhan pa lamang at nagnanais na laruin ang Solitaire Adventures: TriPeaks, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo. 

Madali at simple lang ang larong ito kaya sigurado akong mabilis mo itong mapag-aaralan. Para makapaglaro, sumang-ayon lang sa terms at policy ng laro. Kung gusto mong ma-save ang progreso mo sa laro at ipagpatuloy ang nasimulan, ikonek lamang ito sa iyong Facebook Account. 

Sa simula ng laro, mayroong gagabay sa iyo kung ano ang mga dapat mong gawin. Sundan lamang ang itinuturo at sinasabi ng direksyon sa tutorial stage. Ito ay para mas mabilis mong maunawaan ang daloy ng laro at maging pamilyar ka rito. 

Sa larong ito, mayroong tatlong bagay na dapat mong tandaan. Ang tableau, waste pile at stock. Unahin muna natin ang tableau. Ito ay tumutukoy sa kabuuang istilo ng baraha sa laro o ang TriPeaks. Ito ang mga barahang nakataob at nakabukas na naka-set sa tatlong hanay. Sumunod naman ay ang waste pile. Ito ang iyong baraha at ang magiging basehan kung saan ka magsisimula. Dito mo ilalagay ang mga barahang nakokolekta mo. Ang panghuling dapat na tandaan ay ang stock. Ito naman ang mga barahang bunutan kapag hindi na uubra ang baraha mo.

Simple at madali lang laruin ang Solitaire Adventures: TriPeaks. Kailangan mo lang tingnang mabuti ang tableau at ang iyong waste pile. Halimbawa, ang barahang nasa kamay mo ay pito. Ang kailangan mong hanapin ay numerong sunod o nauna rito at ito ay bilang walo o di kaya’y anim. Kung walang barahang ganito sa tableau, kailangan mong bumunot sa stock upang magkaroon ng panibagong barahang iyong pagbabasehan. Kaya naman kailangan mong maging maingat at madiskarte sa pagpili ng baraha upang hindi maubusan ng tira. Dapat mong mabuksan ang lahat ng barahang nasa tableau at ilagay ito sa waste pile upang manalo. Huwag hayaang maubos ang stock dahil magiging sanhi ito ng iyong pagkatalo kapag wala ka nang susunod na tira. Subalit nasa sa’yo pa ring mga kamay kung anong pamamaraan mo bilang isang manlalaro.

Ngunit tandaan, mag-enjoy lamang sa paglalaro at huwag masyadong malungkot kapag ikaw ay natatalo dahil ang pangunahing layunin nito ay para malibang ka. Gamitin mo ito bilang iyong kasiyahan at pampalipas oras.

Ang lahat ng nabanggit ay ilan lamang sa mga gabay, tips at tricks kung paano laruin ang Solitaire Adventures: TriPeaks. Mas maganda kung ikaw mismo ang makakaranas kung paano ito laruin upang malaman mo ang hatid nitong libang sa mga manlalaro.

Pros at Cons sa paglalaro ng Solitaire Adventures: TriPeaks

Kung pag-uusapan ang larong ito, ang Solitaire Adventures: TriPeaks ay pasok sa pamantayan ng isang card game. Hindi ito boring dahil sa ginamit na graphics ng laro, pati na rin sa visual at sound effects na nakaka-enganyo at relax laruin. Marami pa itong mga bonus at premyong coins na magagamit mo upang makapaglaro. Mayroon ding mga espesyal na regalong makakatulong para ikaw ay manalo.

Ang Solitaire Adventures: TriPeaks rin ay mayroong 227MB at may kasalukuyang 1.16 na bersyon. Umabot na rin sa mahigit sampung libo ang nag-download ng larong ito sa Google Play Store kahit noong taong 2021 pa lamang ito nagsimula.

Sa aking paglalaro, wala akong bugs, lags at errors na naranasan dahil ayon sa kanilang bagong update ay inayos nila ito. Kasabay nito ang mga improvement sa kanilang arts at animations ng laro, pati na rin ang mga bagong level, mechanics, mini game, game events at mas maraming papremyong inilaan ang laro sa kanilang bagong bersyon.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app na produkto na mula sa halagang ₱57 at umabot sa ₱4,400 bawat item. Subalit marami ka namang pwedeng gawin upang hindi na kailangan pang maglabas ng tunay na pera. Maglaro lamang nang maglaro at ipanalo ang bawat level na lalaruin. Buksan ang mga papremyo, bonuses at gamitin ang libreng lucky spin wheel.

Gayunpaman, ang Solitaire Adventures: TriPeaks ay sulit na subukan at bigyan ng oras bilang libangan. Nakakatanggal ito ng stress at naghahatid ng kasiyahan sa mga manlalaro. Tiyak akong magugustuhan mo ito kapag naumpisahan mo na itong laruin. 

Konklusyon

Sa kabuuan, para sa Laro Reviews, siguradong masaya at magandang libangan ang larong ito. Lalo na kapag nasimulan mo nang matutunan kung paano nga iba ito laruin. Kaya kung gusto mong malaman pa ang iba pang impormasyon sa larong ito at masubukan ang kanilang bagong update, i-download mo na sa iyong devices ang Solitaire Adventures: TriPeaks!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...