Sonic Dash – Endless Running Review

Sino nga ba naman ang hindi nakakakilala sa isang classic na karakter at naging kasama natin sa pagtanda – si Sonic the Hedgehog. Ang unang bahagi ng series na ito ay nilikha noong 1991 ng Sega. Ito ay isang multinasyonal na kumpanyang mula sa Japan. Mula sa mga laro at spin-offs na inilabas ng Sega, isa na rito ang larong itinatampok ng Laro Reviews sa artikulong ito. 

Ang Sonic Dash – Endless Running ay isang orihinal na Sonic game na nilikha ng Sega. Naging positibo ang pagtanggap ng mga manlalaro sa larong ito at kasalukuyan pa ring namamayagpag sa larangang kinabibilangan. Kung pamilyar ka na sa mga larong walang katapusang tumatakbo ang karakter, malamang ay hindi na bago sa iyo ang larong ito. Tumakbo at tumalon sa isang nakasisiya at nakaka-excite na 3D obstacle course gamit sina Sonic at ang kanyang mga kaibigan! 

Features ng Sonic Dash – Endless Running

Playable Characters – Laruin ang iyong paboritong karakter mula sa media franchise na Sonic the Hedgehog! Narito ang ilan sa mga karakter na iyong maaaring laruin. Ito ay sina Sonic, Knuckles, Amy, Charmy, at Tails. Nahahati rin sa limang stats ang lahat ng karakter. Ang mga ito ay ang Dash Boost, x2 Multiplier, Magnet, Shield, at Headstart. Maaaring ma-upgrade ito gamit ang rings na nalikom sa pagtakbo o kaya naman ay sa panonood ng ads. 

Running Zones – Maaaring pag-iba-ibahin ang lugar kung saan tatatkabo ang iyong karakter. Kailangan lamang i-upgrade ang kasalukuyang zone gamit ang iyong gems para ma-unlock ang susunod na lokasyon. Ang mga ito ay ang Island Zone, Beach Zone, Snow Mountain Zone, Green Hill Zone, Temple Zone, Sky Sanctuary Zone, at Mushroom Hill Zone.

Tasks – Ito ang iyong magsisilbing gabay kung ano nga ba ang iyong mga susunod na hakbang para umusad sa laro. Maganda rin ito maging batayan ng iyong abilidad kung ikaw nga ba ay nasasanay na sa kabuuang mechanics ng laro. Sa ibang salita ito rin ay ang Main Quest ng Sonic Dash – Endless Running. 

Character Events – Sa loob ng limitadong oras, maaaring makakuha ng panibagong karakter gamit ang feature na ito. Kailangan lamang kolektahin ang character tokens na matatagpuan sa iyong pagtakbo. 

Offline Mode – Kahit na ikaw ay walang access sa anumang uri ng internet connection, maaari mo pa ring malaro ang Sonic Dash – Endless Running! Gayunpaman, hindi mo maaaring madoble ang iyong rewards at manood ng ads kung hindi ka konektado sa internet. 

Global Leaderboard – Matutunghayan dito ang listahan ng mga manlalaro at ang kanilang kasalukuyang level base sa score na kanilang nalikom sa pagtakbo. Dito mo rin makikita kung pang-ilan ka sa lahat ng mga manlalaro mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. 

Saan Pwedeng I-download ang Sonic Dash – Endless Running?

Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users, at ilagay sa search bar ang Sonic Dash – Endless Running. Dahil isa itong free-to-play game, hindi mo na kailangan pang maglabas ng anumang pera para lamang makapagsimula. Hintayin itong ma-download at kumpletuhin ang sign-in details para makapaglaro.

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Sonic Dash – Endless Running on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.sega.sonicdash

Download Sonic Dash – Endless Running on iOS https://apps.apple.com/st/app/sonic-dash-endless-runner/id582654048

Download Sonic Dash – Endless Running on PC https://www.bluestacks.com/apps/arcade/sonic-dash-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Sonic Dash – Endless Running, dapat munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Sa Bluestacks ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos ma-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Kung nakapaglaro ka ng mga dash games gaya ng Temple Run, tiyak ay hindi na bago sa iyo ang mga larong kagaya nito. Ngunit may iba pa ring tampok ang Sonic Dash – Endless Running na nagpaangat sa kanya kung ikukumpara sa ibang laro. Narito ang Laro Reviews para isiwalat ang ilang tips na makakatulong sa iyo upang mas mapadali at tiyak na mapagtagumpayan ang mga level. 

Magsanay nang magsanay 

Sabihin na nating ikaw ay pamilyar na sa mga ganitong uri ng laro, mas mainam pa rin kung patuloy mo lang sasanayin ang iyong sarili sa paraan kung paano kontrolin ang iyong karakter, mga potensyal na balakid, at pagkuha ng rewards. 

Maging alerto sa lahat ng pagkakataon

Mahalagang sanayin ang sarili kahit sa umpisang bahagi pa lang ng paglalaro ang pagiging alerto sa anumang potensyal na balakid na maaring iyong makaharap. Dahil pabilis nang pabilis ang daloy ng laro habang tumataas ang bilang ng iyong natakbo, mas tataas din ang iyong tsansang mabundol, malaglag, o kaya naman ay masagi ng mga kaaway. Siguraduhin ding kumportable ang paghawak sa iyong mobile device dahil kailangan nakatutok ang iyong atensyon sa larong ito lalo na sa mga mas matataas na zones. 

Pag-upgrade ng mga karakter

Pangkaraniwang gawain na ito sa mga laro. Upang mas lalong mapalakas ang iyong karakter, kinakailangan mo itong i-upgrade sa tuwing sapat ang iyong resources. Unahin ang x2 Multiplier sa pag-upgrade dahil kailangan mo lamang manood ng ads para magawa ito. Isunod ang Magnet, Shield, Dash Boost, at panghuli, ang Headstart. May katumbas na dagdag na score multiplier sa tuwing ikaw ay nag-a-upgrade. 

Pag-level up ng score multiplier

Pataasin ang iyong score multiplier sa pamamagitan ng pagkumpleto sa mga mission, pag-upgrade ng mga karakter, at pagpapatayo ng mga gusali. Makakakuha ka ng red star rings bilang kapalit. Ito ay itinuturing ding premium currency sa laro. Magagamit mo ang red star rings kapag nais mong magpatuloy sa paglalaro kapag ikaw ay namatay at sa pagbili ng panibagong karakter. 

Sundin ang arrow tuwing Style Bonus

Ito ay ang puwang sa pagitan ng iyong pagtakbo kung saan tatalon nang napakataas ang iyong karakter na ginagamit ang pagsasagawa ng exhibition. Tiyaking sundin ang arrow para makakuha ng dagdag na rings na makakatulong sa iyong pag-usad. 

Kolektahin ang rings

Imposible mang makuha ang lahat ng rings sa iyong pagtakbo, mahalagang makalikom pa rin nito sa abot ng iyong makakaya. Magagamit ang rings bilang currency na pambili para ma-upgrade ang iyong mga karakter. 

Pros at Cons ng Sonic Dash – Endless Running

Sa tulong ng SEGA, muli nilang binuhay ang Sonic Dash – Endless Running. Para sa mga fan ng buong franchise ng Sonic the Hedgehog, iba ang dulot na nostalgia ng larong ito. Tila ba’y ibinalik tayo sa pagkabata dahil sa mga pamilyar na karakter na ating minahal noon pa man. Mula sa pagiging isang simpleng pagtakbo at pagtalon na laro, ngayon ay puno na ito ng hamon at mas naging kumplikado ang kalakhan ng obstacle course. Bukod pa rito, swabe rin ang graphics ng laro at nagtatampok ng mga makukulay na disenyo at matingkad na mga karakter at kapaligiran. Sinamahan pa ang iyong paglalaro ng isang mabilis na background music na talaga nga namang nakakadagdag sa kagalakang nadarama at mas lalong nagtutulak sa iyong bilisan ang pagkilos. Hindi lamang iyan, maaari pa itong laruin ng offline kaya madadala ito saan ka man magpunta.  

Sa kabila ng mga positibong katangiang nabanggit ukol sa laro, may mga kailangan pa rin itong pag-ibayuhin para mas lalong maging kasiya-siya ang karanasan ng mga manlalaro. Isa na rito ay ang teknikal na problemang makakaharap gaya na lamang ng bugs. May mga pagkakataong hihinto na lamang ang iyong camera habang nasa gitna ng track habang ang iyong karakter ay tumakbo na palayo. May pagkamabagal din ang touch gameplay kaya kung minsan ay may delay sa pagitan ng pag-swipe at pagkilos ng karakter. 

Marahil ang tunay na nakakadismayang aspeto ng Sonic Dash – Endless Running ay kung gaano karami ang ads na matutunghayan dito. Sa tuwing natatapos ang pagtakbo, kapag nag-a-upgrade ng karakter, at marami pang ibang pagkakataon, ay kinakailangang manood ng ad bago umusad. Bagama’t maliit na abala lamang ito sa umpisa ngunit kinalaunan ito’y nakakaapekto na sa sayang naidudulot ng laro. 

Konklusyon 

Hindi maikakailang simula pa noong 2013 at hanggang ngayon ay aktibo pa ring ang Sonic Dash – Endless Running at patunay na solido pa rin at marami pa rin ang nagmamahal sa larong ito. Sa kasalukuyan, mayroon itong 4.6 average star ratings sa magkaparehas na platform na Google Play Store at App Store. Tinatayang mahigit kumulang limang milyon ang nagbigay ng rating sa Google Play Store samantalang dalawang libo naman sa App Store. Itinanghal din itong Editors’ Choice Apps. Mula sa mga nabanggit na karangalan, masasabing sa kabila ng ilang pagkukulang ng laro, marami pa rin ang patuloy na nasisiyahan sa paglalaro nito. Marahil malaking sanhi ring nagdudulot ito ng nostalgia sa karamihan. Kaya ano pa ang hinihintay mo, i-download na ang Sonic Dash – Endless Running!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...