Cyber Surfer: Beat&Skateboard Review

Handa ka na bang maranasan ang isang larong nakaka-excite na punung-puno ng mga kasalukuyang sikat na kanta sa iba’t ibang parte ng mundo? Tampok ang mga kanta ng Blackpink, Imagine Dragons, KDA, at marami pang ibang mga tanyag na artist sa panahon ngayon!

Ang Cyber Surfer: Beat&Skateboard ay dinevelop ng Badsnowball Limited kung saan kokontrolin mo ang isang cyberpunk knight habang umiindak sa kanyang skateboard at bitbit ang lightsaber na kanyang ihahampas na tutugma sa bawat kumpas ng kanta. Ihanda na ang iyong earphones at simulan na ang paglalaro! 

Features ng Cyber Surfer: Beat&Skateboard 

Global Hit Songs – Nakapaloob dito ang mga kasalukuyang sikat ng kanta mula sa iba’t ibang parte ng daigdig. Mahilig ka sa EDM, Pop, Kpop, at iba pang mga genre? Orihinal din ang mga kopyang matatagpuan sa iyong library at hindi cover lamang ng mga kanta. 

Skins – Maaari mong baguhin ang suot ng iyong avatar, ang itsura ng iyong lightsaber, at ang anyo ng iyong skateboard. Mula sa mga pagpipilian, tiyak na may magugustuhan kang disenyo. Bukod pa rito, makakaapekto rin ang skins sa stats ng iyong avatar. 

Cyberpunk Style – Tunghayan ang isang futuristic na visual sa larong ito. Tiyak na mabubusog ang iyong mata sa mga matitingkad na kulay na tampok sa Cyber Surfer: Beat&Skateboard!

Gameplay ng Cyber Surfer: Beat&Skateboard

Upang mapagalaw ang iyong avatar, gamitin lamang ang iyong dominanteng kamay at i-drag ang cyber surfer sa tugmang ring. Kung ano ang kulay ng iyong lightsaber ang siyang tutukoy kung aling ring ang iyong hahampasin. Hindi pare-pareho ang kulay ng iyong lightsaber habang nagpo-progress sa level kaya maging alerto sa pagbabagong ito. Kunin din ang mga susi na makikita sa rings para mabuksan ang chests. Habang papatapos na ang kanta, may bulto ng diamonds kang makikita. Kunin din ang mga ito dahil kakailanganin mo ito sa pagbili ng skins at mga kanta. 

Saan Pwedeng I-download ang Cyber Surfer: Beat&Skateboard?

Para mai-download ang Cyber Surfer: Beat&Skateboard sa iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Hindi pa ito available sa PC at tanging sa mobile devices mo pa lang maaaring malaro ito. Ilagay ang pamagat ng laro sa search bar at hanapin ito sa search results. Pindutin ang Get o Install button. Free-to-play (F2P) ang laro kaya direkta itong maida-download nang walang anumang bayad na kailangang gawin. Pagkatapos makumpleto ang pag-download, kumpletuhin lang ang mga kailangan sa sign-up details. Ayan, maaari mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro: 

Download Cyber Surfer: Beat&Skateboard on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.dancing.smash.hop.game.tiles.beat.piano.surfer

Download Cyber Surfer: Beat&Skateboard on iOS https://apps.apple.com/sa/app/cyber-surfer/id1550224130

Tips at Tricks sa Paglalaro

Bago ka pa man magsimula, kailangan mo munang pumili ng isang kantang gagamitin sa kasalukuyang level. Para matukoy kung ano ang tono at kumpas ng bawat kanta, pindutin lamang ang play button na makikita sa icon ng kanta. Nasa kaliwang bahagi ito ng iyong screen. Matapos i-click, maglo-load ito nang bahagya at hintayin lamang hangga’t sa mapakinggan na ang kantang napili. Magagamit ito sa pamamagitan ng dalawang pamamaraan: bilhin ito gamit ang iyong diamonds o kaya naman ay manood ng isang video ad. Para sa Laro Reviews, mainam kung pipiliin na lamang ang panonood ng ads dahil may iba pang paraan para magamit ang diamonds. Ito rin ang premium currency ng laro kaya mainam na tipirin ito. 

Siguraduhin ding kunin ang bonus diamonds na makikita sa hulihang banda ng bawat level. Maaari mong paikut-ikutin ang iyong karakter para makuha ang lahat ng diamonds o kaya naman ay sundan ang isang linya para makatiyak kang makukuha ang mga ito. Bagama’t mas epektibo kung gagawin mo ang ikalawang paraan dahil mas marami pa ring diamonds ang makukuha kaysa kung magbaka-sakali ka sa unang nabanggit na paraan. 

Matapos mong makapili, tiyaking maigi ang kulay ng lightsaber na bitbit ng iyong karakter. Kung kailangan i-double check para makasigurado, gawin ito. Dahil oras na mahampas mo ang hindi tugmang kulay sa iyong lightsaber na dala, maaaring magdulot ito ng iyong pagkatalo. Ngunit huwag masyadong mag-aalala pa rin kung sakaling ito ay mangyari dahil pwede mong buhaying muli ang iyong karakter kung ikaw ay manonood ng ads. Gayunpaman, mas maganda pa rin ang maging maingat para sa isang swabeng karanasan sa paglalaro. 

Talasan ang iyong mata habang ikaw ay naglalaro. Asahang nakakalito ang mga kulay at makakaharap na mga balakid habang pahirap nang pahirap ang level. Tiyaking matibay ang pagkaka-long press sa iyong karakter para matiyak na makontrol ito nang maayos at madala sa ninanais na lugar. Madalas ay nasa ibabang banda ang kulay na dapat iyong hahampasin ngunit maganda ng maging maingat upang hindi ka magkamali. 

Higit sa lahat, marahil ang pinakaimportanteng tip na maibabahagi namin sa iyo ay ang paggamit ng iyong paboritong earphones o headset para ma-enjoy nang tuluyan ang mga kantang tampok sa Cyber Surfer: Beat&Skateboard. Mas magiging iba ang karanasan habang naglalaro kung ikaw ay naka-loudspeaker lamang. Mas dinig mo ang bawat base at kumpas ng kanta kaya mas magiging nakaka-enganyo ang paglalaro.

Pros at Cons ng Cyber Surfer: Beat&Skateboard

Ang pinakatampok ng Cyber Surfer: Beat&Skateboard ay ang kapanapanabik nitong mga kanta na talaga nga namang mapapaindak ka habang naglalaro. Bawat hampas ng iyong karakter gamit ang kaniyang lightsaber sa mga makukulay na rings ay damang-dama mo dahil sabay ito sa beat ng kanta. Kung activated din ang haptics ng iyong mobile device, hindi lamang ang pandinig mo ang maii-stimulate kundi maging ang iyong pandama rin. Dama mo ang bawat kumpas ng tugtog sa pamamagitan ng vibrations na siyang nagdudulot ng isang kasiya-siyang karanasan sa paglalaro. Orihinal din ang bawat kanta hindi kagaya ng ibang mga larong may similar na tema kung saan ang mga ito ay gumagamit ng cover lamang. Limitado lamang ang mga kanta sa loob ng library ngunit punung-puno ito ng mga sikat at kilalang kanta sa iba’t ibang parte ng daigdig. Dagdag pa rito, makulay rin ang kabuuang visuals ng laro. Swabe rin ang touch gameplay nito kaya ang dapat mo lamang gawin ay siguraduhing mahampas ang tugmang ring. 

Tunay ngang nakakaaliw at nakaka-enganyo itong laruin. Ngunit sa kabila nito, may ilang problemang napansin ang Laro Reviews. Isa na rito ay ang timing ng kumpas sa bawat kanta ay hindi sakto sa hampas ng iyong avatar. Hindi ito pansin sa iilang mga kanta ngunit kalakhan ng mga kantang tampok sa Cyber Surfer: Beat&Skateboard ay hayagan itong makikita. Bukod pa rito, ad heavy rin ang laro. Makakakita ka ng ad matapos ang isang kanta, sa tuwing pipindutin mo ang play button para laruin ang susunod na kanta, at sa tuwing nagbubukas ka ng chests. Wala ring masyadong hamong dulot ang mga level kahit ang mga nasa difficult at expert na level. Kaya tuloy madaling magsawa ang mga manlalaro. 

Konklusyon

Disente at magandang pampalipas oras ang Cyber Surfer: Beat&Skateboard. Tampok nito ang mga sikat na kanta sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kinakitaan din ito ng makulay na visuals. Kung mahilig ka sa mga larong may kalakip na mga kanta, tiyak na magugustuhan mo ito. Gayunpaman may mga aspeto pa ring kailangan pag-ibayuhin sa laro gaya na lamang ng pagiging ad heavy nito at ang kakulangan ng hamong makikita sa ibang laro. Masyadong madaling mapagtagumpayan ang mga kanta kahit na may indikasyong ito ay nasa expert at hard na level. Kung old school ka rin, malamang ay hindi ka rin masisiyahan sa mga tampok na kanta dahil puro mga sikat sa kasalukuyang panahon lamang ang nakapaloob dito. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...