Jelly Dye Review

Pagod ka na ba sa mga larong may komplikadong game mechanics? Naghahanap ka ba ng larong may simpleng gameplay? 

Tampok mula sa artikulong ito ng Laro Reviews, ang Jelly Dye ay larong dinevelop ng Good Job Games na naglalayong magdala ng simple ngunit kasiya-siyang karanasan para sa mga manlalaro. Sa larong ito, kukulayan mo ang iba’t ibang jelly models gamit ang isang syringe. Mainam ito para sa mga batang nagsasanay hasain ang kakayahan pagdating sa pagkakabisado ng kulay o kaya naman ay para sa mga mas may edad na manlalarong naghahanap ng pampalipas ng oras. 

Gabay para sa mga Bagong Manlalaro ng Jelly Dye

Ang layunin ng Jelly Dye ay bigyang buhay ang mga jelly base sa model na makikita. Ang ilan sa mga anyong iyong paggagayahan ay ang avocado, kidlat, sapatos, at marami pang iba. Gamit ang iyong dominanteng kamay, pumili sa mga kulay na nakahain sa ibabang banda ng iyong screen at pindutin ito. Kung iyong mapapansin, sinisipsip ng syringe ang dye base sa kulay na iyong napili. Matapos nito, pumunta sa jelly at i-inject ang dye ayon sa nakadestino nitong lugar. I-click lang ang syringe hangga’t sa tuluyang maubos ang laman nitong kulay. Huwag mag-alala dahil hindi mo na kailangang magpabalik-pabalik pa para kumuha ng pandagdag na dye dahil automatic itong nagre-refill. 

Marami ring pagpipiliang skin bukod sa tipikal na itsura ng isang syringe. Upang makuha ito, maaaring manood ng ads o maging miyembro ng kanilang VIP dahil parte na ito ng kanilang package bonus. Hindi lamang ito, tinatayang umaabot ng hanggang 200 levels ang Jelly Dye. Nangangahulugan lamang na mayroon itong samu’t saring jelly models na tiyak na iyong kahihiligan. 

Upang mas mapabilis ang pag-fill ng dye sa iyong jelly model, maaaring gamitin ang tampok na Epic Fill. Gamit ang feature na ito, lalabas ang iba pang syringe para magtulungan at maging mabilis ang pagkukulay sa iba’t ibang parte ng jelly model. Mas mapapadali ang iyong trabaho dahil isahang click lamang ang kakailanganin para makulayan ang buong espasyo ng jelly model. Hindi lamang ito, magiging pantay pa ang pagkukulay sa bawat sulok dahil mas magiging kontrolado ka sa pagkukulay. Subalit kailangan mong manood ng ad bago ito magamit. 

Saan Pwedeng I-download ang Jelly Dye? 

Maaring ma-download ang laro sa mobile devices at PC. ​​Sundin lang ang mga sumusunod na hakbang sa pag-download ng laro. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para iOS users. I-type ang Jelly Dye sa search bar. Pagkatapos ay i-click ang icon nito at ang Install o Get button. Hintaying makumpleto ang pag-download tsaka buksan ang app at kumpletuhin ang sign in details. Ayan, pwede ka nang makapagsimula ng paglalaro! 

Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Jelly Dye on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.game.colorslime

Download Jelly Dye on iOS https://apps.apple.com/us/app/jelly-dye/id1546855758

Download Jelly Dye on PC https://www.gameloop.com/game/simulation/com.game.colorslime

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Obserbahan muna ang model na paggagayahan mo para malaman kung anong kulay ang dapat ilagay sa jelly. Makikita ito sa itaas na bahagi ng iyong screen. Tiyakin kung naroon nga ba sa pagpipilian ang mga kulay na nakasaad base sa model. Paiba-iba ang anyo at hugis ng jelly model kaya mainam kung susuriin kung ano ba ito. 

Ang susunod namang iyong gagawin ay ang pag-extract ng kulay na nais sa iyong syringe. Huwag mabahala kung maling kulay ang iyong nakuha dahil madali naman itong palitan ng tamang kulay na nakasaad sa model. Pindutin lamang ito at agarang mapapalitan ng kulay na nais. Isunod naman ang pag-inject na gagawin sa iyong jelly. Habang ginagawa ito ay tiyaking nasisimot ang dye galing sa iyong syringe para maging siksik ang iyong pagkulay. Ang susi para makakuha ng 100% na accuracy matapos ang level ay kung wala nang makitang itim sa jelly. Kung iyong mapapansin, ang itim na ito ay ang iyong indikasyong hindi pa masyadong nailalagay nang maayos ang iyong dye at may puwang pa para sa dagdag na kulay. 

Hindi mo na kailangang pinduting muli ang kulay na iyong nais dahil automatic na nare-refill ang kasalukuyang kulay na nasa iyong syringe. Gaya ng nabanggit ng Laro Reviews, simutin na lamang ito hanggang sa masagad sa dulo. Mas mainam na ang sobra kaysa kulang para matiyak ang iyong 100% na accuracy.

Ang accuracy na nalilikom sa kada level ang tutukoy kung kailan mo makukuha ang skin ng susunod na syringe. Kaya kung nais mong ma-unlock ang susunod na skin, siguraduhin lang na makakuha ng 100% sa bawat level. 

Bilang panghuli, marahil ang pinakamahalagang tip na maa-apply sa iyong paglalaro ay enjoy-in lamang ang bawat level. Simple at hayag ang gameplay nito kaya hindi kailangang gamitan ng matinding pag-iisip. Ang Jelly Dye ay ang tipo ng laro na naglalayong maging stress reliever para sa mga manlalaro.

Pros at Cons ng Jelly Dye

Makulay ang ginamit na visual sa Jelly Dye. Mapapansin ito sa matingkad na kulay na masisilayan sa laro. Bilang ito naman ang pangunahing tampok ng laro, ang paglalagay ng dye sa mga jelly, nabigyang hustisya ang aspetong ito. May background music ding nakadagdag sa kabuuang karanasan sa paglalaro.

Sa kabila nito, mas nanaig pa rin ang mga negatibong aspeto ng laro na talaga nga namang nakakadismaya sa Jelly Dye. Marahil ang iyong unang mapapansin sa laro ay ang dami ng ads na mararanasan dito. Habang ikaw ay naglalaro o kaya naman ay kapag papunta na sa susunod na level, ay may biglaang ads na susulpot. Sa sobrang dami nito, umaabot na sa puntong nakakasagabal na sa mga manlalaro. Tinatayang umaabot ito ng hanggang 30 segundo at masasabi ring mas mahaba pa ang oras na ginugugol sa panonood ng ads kaysa sa aktwal na gameplay ng laro. Bukod pa rito, talamak din ang ang bugs na makikita sa laro. May mga pagkakataong bigla na lamang nagsa-shut down ang app o kaya naman ay nagfi-freeze ang laro sa ‘di maipaliwanag na pangyayari.  

Konklusyon

Nakakadismaya ang kabuuang karanasan sa paglalaro ng Jelly Dye dahil sa dami ng ads na matutunghayan dito. Naiintindihan ng Laro Reviews ang kahalagahan ng ads para sa mga game developer dahil ito ang isa sa pamamaraan para kumita ang kumpanya. Wala ring masama rito. Marami na ring ibang laro na nagtatampok ng ads sa kanilang laro ngunit kung may lalabas na ad habang ikaw ay naglalaro? Ibang usapan na ito. Bagama’t may option na bumili ng in-app purchase para matanggal ang ads, hindi ito sulit dahil sa laki ng halagang kailangang bayaran. Umaabot ng ₱199 kada linggo para lamang maging miyembro ng kanilang VIP. Makikitang talamak ang money-making scheme para lamang kumita sa laro. Dahil dito, mainam kung maghahanap na lamang ang mga manlalaro ng ibang larong may similar na tema ngunit mas organisadong sistema ng ads.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...