Sweet Crunch – Match 3 Games Review

Naghahanap ka ba ng isa na namang kapanapanabik na matching games? Huwag nang lumayo pa dahil narito ang Laro Reviews para ihatid ang susunod na larong susuriin at hihimayin! Alamin kung dapat nga ba itong pagtuunan ng pansin o dedmahin na lang at lumipat sa ibang matching games. 

Ang Sweet Crunch – Match 3 Games ay nilikha ng Infinigames. Dito ay dapat pagsamahin at pagtambalin ang iba’t ibang mga dessert para ma-unlock ang iba pang modes. Mula sa samu’t saring hamong mayroon ito, na sinamahan pa ng mga kasiya-siyang animation ng boosters at makulay nitong graphics, layunin ng larong ito na magdulot ng kakaibang karanasan sa paglalaro ng puzzles. 

Gabay para sa mga Baguhang Manlalaro ng Sweet Crunch – Match 3 Games

Kung bago sa iyo ang matching games gaya ng Sweet Crunch – Match 3 Games, huwag mag-alala dahil narito ang Laro Reviews para ipaliwanag sa iyo ang mechanics ng laro!

Bilang ito ay isang matching game, ang pundasyon ng gameplay ng larong ito ay nakabatay sa pagtatambal ng mga dessert na makikita sa gameboard. Ang pinakamababang numerong maaari mong pagsamahin ay tatlo at ang pinakamataas naman ay lima. Maaaring pahiga o patayo ang istilong gagamitin. Walang mabubuong booster kung tatlong dessert lamang ang iyong napagtambal. Ang kailangan mong pagsamahin ay ang mga dessert na magkakatulad ang pisikal na anyo – mula sa uri ng dessert hanggang sa kulay nito. Magkakaroon na ng booster kung ang pagsasamahing desserts ay apat o lima. Ibang booster ang mabubuo kung parisukat ang pamamaraan ng iyong pagtatambal. Para naman sa panlimang combo, iba rin ang booster na mabubuo kung mala-letrang T ang iyong ginagawa kumpara sa isang diretsong linya. 

Para i-activate ang mga nabuong booster, maaari itong i-double tap o kaya naman ay i-swipe sa direksyon ng dessert na iyong target. Mas malakas ang impact ng iyong tira kung isa-swipe ang dalawang nabuong combo. Makikitang nadaragdagan ang iyong star meter sa bawat pagtatambal na nagawa. Ang layunin mo ay makuha ang pinakamataas ng score para makatanggap ng tatlong stars kada level. Iba-iba rin ang iyong mission na kailangang gawin bawat level kaya siguraduhing masusunod ito para masiguro mo ang iyong pagkapanalo. 

Saan Pwedeng I-download ang Sweet Crunch – Match 3 Games?

Sa bahaging ito ng article ituturo kung saan at paano i-download ang Sweet Crunch – Match 3 Games. Kasalukuyang available ang laro sa Android at iOS devices, maging sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Sweet Crunch – Match 3 Games on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.cookie.match3.casual

Download Sweet Crunch – Match 3 Games on iOS https://apps.apple.com/kg/app/sweet-crunch-match-3-games/id1597696999

Download Sweet Crunch – Match 3 Games on PC https://www.mumuglobal.com/en/games/casual/sweet-crunch-matching-blast-puzzle-game-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Nais mapanatili ang pagkuha ng tatlong stars kada level? Sa bahaging ito ng artikulo ilalahad ng Laro Reviews kung paano makakuha ng mataas na scores habang pinapaganda ang siyudad na bubuuin. 

Alamin ang layunin kada level

Bago pa man magsimula ang level, tukuyin mo muna ang layuning hinihingi ng laro. Makikita ito sa tuwing pipindutin ang Play button para makapasok sa susunod na level. Ito ay nasa itaas na bahagi ng pop-up box. Magandang malaman ito para hindi bara-bara at walang direksyon ang magiging takbo ng iyong paglalaro. Dahil limitado rin ang moves kada level, importanteng matukoy ito sa umpisa pa lang. 

Obserbahan ang gameboard 

Matapos matukoy ang layunin ng level, ang susunod na gawin ay tingnan ang kulay at kasalukuyang balakid na maaari mong kaharapin. Alamin din ang lokasyon ng iyong layunin para mas madali mong matapos ang round. Halimbawa, kung may takdang bilang ng tiles na kailangang maabot para manalo, tingnan ang mga dessert na nasa ibabaw nito kung posibleng mapag-match ang mga ito o hindi. Huwag ding kakaligtaan na pagmasdan ang mga dessert na nasa paligid nito dahil maaaring magsunud-sunod ang mga natambal na dessert at maapektuhan ang tile na ninanais. 

Suriin ang mga potensyal na combo

Bumuo na agad ng mental pictures ng mga posibleng mangyari kapag isinagawa ang isang partikular na tira. Paganahin ang imahinasyon upang malaman mo kung magdudulot ba ito ng combo o hindi. Malaki ang ambag ng mga combo upang makuha ang three stars na inaasam kada level. Isa sa pinakamalakas na combo ay kung mapagtatambal mo ang limang magkakatulad na desserts. 

Huwag sagarin ang bilang ng tira!

Bawat level ay may nakalaan na limitadong bilang ng moves. Ito ang nagdagdag-hamon sa laro. Gayunpaman, maipapayo naming huwag itong sagarin hangga’t maaari dahil malaki ang matatanggap na bonus points kapag marami-rami ang natirang moves. Mako-convert ang mga ito bilang mga combo kaya matitiyak nito ang pagtaas ng iyong score na magdudulot ng pagtanggap mo ng tatlong stars. 

I-maximize ang boosters 

Makikita ang mga pagpipiliang boosters sa pop-up box kasama ang layunin ng kasalukuyang level. Malaking tulong ang hatid ng mga booster ngunit mainam kung hindi bara-bara ang paggamit nito lalo na sa mga F2P na manlalaro. Makakatanggap man ng libreng boosters sa ilang mga level, tiyaking gamitin lamang ito sa oras ng matinding pangangailangan. Gaya ng clutch moments kung saan kapos na ang iyong tira at kaunti na lamang ay matatapos mo na ang level. 

Pros at Cons ng Sweet Crunch – Match 3 Games

Ang unang mapapansin sa Sweet Crunch – Match 3 Games ay ang matingkad at makulay nitong graphics. Cute din ang disenyo ng mga karakter na ginamit at talaga namang hindi magsasawa ang iyong mata pagdating sa bahaging ito. Mula sa mga gusaling ipapatayo sa iyong siyudad hanggang sa mga dessert na ginagamit sa pagtatambal, makikita ang effort na ginugol ng game developers para mapaganda ang laro. Bukod pa rito, nakadagdag rin ang background music na ginamit sa kabuuang tema na nais ihatid ng laro. Hindi rin kumplikado ang mechanics ng Sweet Crunch – Match 3 Games kaya mainam itong pampalipas-oras lalo’t pwede rin itong laruin offline. Wala ring bahid ng pop-up ads na makakasagabal sa iyong paglalaro kaya ang tanging kailangan mong alalahanin ay kung paano maipapanalo ang bawat level. Base sa mga nabanggit, masasabing ligtas itong laruin maging ng mga bagets. Mahahasa pa ang kanilang isipan sa pagtukoy ng iba’t ibang mga kulay at pagbuo ng mga estratehiyang makakatulong na maabot ang itinakdang layunin. 

Sa kabila nito, may ilang aspeto pa ring kailangan pag-ibayuhin sa laro para mas maging swabe ang karanasan ng mga manlalaro. Isa na rito ang kawalan ng dagdag na content para sa mga matagal ng naglalaro ng Sweet Crunch – Match 3 Games. Hindi rin balanse ang antas ng kahirapan sa pagitan ng mga level dahil karamihan sa mga ito ay madaling matapos. Matapos ang ilang oras sa paglalaro ay maaabot mo na ang 100+ na level at mabubuo na ang ilang mga siyudad na tampok ng laro. Bukod sa mga nabanggit, ang pinakanakakadismaya sa larong ito ay ang mga teknikal na isyung kakaharapin habang naglalaro. May mga naitalang isyu ng pagla-lag at glitches na nakakasagabal sa gaming experience ng iilang manlalaro. Hindi rin naglo-load nang maayos ang ads sa tuwing nais na makatanggap ng libreng bonus o spin.

Konklusyon

Kung naghahanap ka ng larong may simple at madaling mechanics, swak na swak para sa iyo ang Sweet Crunch – Match 3 Games! Nagtatampok ito ng gameplay na gaya ng Candy Crush na kung saan kailangan mo lamang pagtambalin ang magkakatulad na desserts. Iba-iba ang kulay at hugis nito kaya madaling matukoy ang kanilang pagkakaiba. May mga nakasaad na layunin kada level na kailangan mong maabot para makalipat sa susunod na yugto ng laro. Kinakitaan din ito ng cute na aesthetics at makulay na graphics. Bagama’t may mga teknikal na isyung maaaring kaharapin habang naglalaro, mainam pa rin itong laruin para sa mga nais magpalipas ng oras dahil may offline mode feature rin ito. Pwede ito para sa mga batang may edad apat pataas dahil mas akma para sa kanila ang ang antas ng kahirapang makikita sa larong ito. Kaya ano pa ang hinihintay mo? I-download na ang Sweet Crunch – Match 3 Games! 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...