The Legacy 1 Review

Malalim na ang gabi at halos wala ng tao sa loob ng isang museum maliban na lamang kay Diana na abala pa rin sa kanyang trabaho. Makalipas ang ilang sandali, may narinig na kakaibang tunog si Diana kaya tumayo ito, at gamit ang lente ay tumungo siya papunta sa pinanggagalingan ng ingay. Ngunit noong makalapit na ang babae, nagulantang ito sa kanyang nasaksihan dahil ang isang artifact ay bigla na lamang nagliliwanag. Sa sobrang takot nito, hindi na nagawang makagalaw ni Diana hanggang sa tuluyan na itong hinatak ng ilaw papunta sa loob ng isang portal. Ilang sandali lamang pagkatapos nito, namalayan na lamang ni Diana na wala na siya sa loob ng museum kung saan siya nagtatrabaho. Sa halip, dinala siya ng portal sa sa isang sinaunang sibilisasyon. Layunin mo ngayon sa laro na tulungan si Diana na makabalik sa kanyang mundo bago pa tuluyang malagay sa peligro ang kanyang buhay.

Sa karagdagan, ang The Legacy 1 ay isang uri ng hidden object game. Ibig sabihin, ang gameplay ng larong ito ay iikot sa paghahanap ng mga bagay-bagay na ipinapahanap ng laro. Ngunit hindi kagaya ng mga klasikong hidden object game, dadalhin ka pabalik sa nakaraan ng larong ito kaya dapat mong ihanda ang iyong sarili sapagkat hindi magiging madali ang paglalakbay ninyo ni Diana. Asahan ding mas level-up ang mga hamon sa larong ito.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Kung iniisip mong maghahanap ka lamang ng mga bagay sa larong ito, pwes, nagkakamali ka sapagkat hindi lamang ito ang iyong gagawin sa laro. Ikaw ang tutukoy kung anu-ano ang gamit ng mga makikita mong bagay, paano sila gamitin at kung kailan sila gagamitin. Maliban pa rito, mayroong storyline ang laro kaya bukod sa paghahanap ng mga bagay, kailangan mo ring bigyan ng pansin ang kwento ni Diana.

Sa unang chapater ng laro, mapapadpad ka sa The Main Hall kung saan mayroon kang matatagpuang kalansay ng isang tao. Hindi ituturo sa iyo ng laro kung ano ang gagawin mo, kaya ikaw mismo ang tutuklas sa mga hakbang na dapat mong gawin. Pero hayaan mong ibahagi ko sa iyo kung ano nga ba ang dapat mong gawin sa unang chapter na ito ng laro. Pindutin ang machete na makikita sa sahig at gamit ito at pumunit ng kapirasong tela sa suot na damit ng kalansay. Pagkatapos nito, pumutol din ng kapirasong tuyong sanga ng kahoy at balutin ng tela ang isang dulo nito. Sunod, sindihan ito gamit ang nagliliyab na apoy katabi ng nawasak na portal upang makagawa ka ng isang torch na magbibigay ng liwanag upang madali mong makita ang iba pang mga bagay na nakakalat sa paligid, malaman ang kanilang mga gamit, hanggang sa makaalis ka na nang tuluyan sa chapter na ito.

Sa pagkakataong makalabas ka na ng The Main Hall, ang bubungad naman sa iyo ay isang Deserted Village kung saan may makikilala kang isang bata roon. Tulungan mo siyang iligtas ang kanyang alagang nahulog sa malalim na hukay. Ngunit magagawa mo lamang ito kapag natuklasan mo na kung paano gamitin ang mga bagay sa paligid. Sa chapter na ito, unti-unti mo nang magagamay kung ano ang gameplay ng laro kaya ang kailangan mo na lang bigyang-tuon ay malaman ang mga gamit ng iyong makikitang mga bagay. Gamit ang magnifying glass, i-zoom-in at i-zoom-out ang screen ng iyong device upang higit mong makita ang mga bagay na bahagyang natatabunan ng iba pang bagay, at iyong mga naka-camouflage sa kanilang paligid.

Sa paglalakbay niyo ni Diana, makikilala niyo si Shaash, ang gatekeeper ng sibilisasyong Maya. Ngunit bago niyo siya matagpuan, haharap muna kayo sa napakaraming hamon kagaya ng pag-unlock sa mga code at puzzle sa labas ng templo. Sakaling narating mo na ang bahagi ng larong ito, tiyak na hindi mo maiiwasang mapakamot ng ulo dahil sa pagiging komplikado ng mga pagsubok dito. Pero huwag agad susuko dahil kagaya nga ng isang tanyag na kasabihang “lahat ng bagay ay may solusyon”. Kaya kailangan mo lamang lawakan ang iyong pag-iisip upang matuklasan ang mga kasagutan sa likod ng mga code at puzzle.

Sa karagdagan, habang parami ng parami ang mga chapter na iyong nabubuksan, kailangan mo ring paghandaan ang mga mas mahihirap pang mga pagsubok na kailangan mong malampasan. Huwag ring sayangin ang mga hint dahil hanggang sampu lamang ang iyong makukuha at wala nang iba pang paraan para i-replenish ito kung hindi ka gagastos ng totoong pera.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at i-download naman ito sa PC gamit ang Microsoft Store. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download The Legacy 1 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.fivebn.tl1.f2p

Download The Legacy 1 on iOS https://apps.apple.com/kn/app/the-legacy-1-f2p/id1567189450

Download The Legacy 1 on PC https://www.microsoft.com/en-us/p/the-legacy-forgotten-gates-free-to-play/9p02mk27m926?activetab=pivot:overviewtab

Features ng Laro

  • Breathtaking Places Hindi mo na kailangan pang magsagawa ng pananaliksik upang malaman kung ano nga ba ang itsura ng sinaunang sibilisasyon dahil itinatampok sa larong ito ang iba’t ibang nakakamanghang mga tanawing posibleng hinango talaga sa sinaunang Sibilisasyong Maya.
  • Unlimited Challenges – Hindi kagaya ng ibang hidden object games, ang mga hamon sa larong ito ay hindi paulit-ulit. Bagkus ang bawat chapter ng larong ito ay nagtatampok ng magkakaibang mga palaisipan.
  • Fascinating Artifacts – Mula sa pinakamaliliit na uri ng mga bato hanggang sa mga naglalakihang sandata ng mga sinaunang tao, tiyak na hindi mo mapipigilang mamangha sa mga sinaunang bagay na rito mo lamang sa larong ito matatagpuan.
  • Superb Storyline – Simula umpisa hanggang sa dulo ng laro, tiyak na hindi mo magagawang i-skip ang mga dialogue dahil tiyak na mawiwili ka rin sa daloy ng kwento ng paglalakbay ni Diana.
  • Challenging Puzzles – Siguradong sa larong ito mo lamang mararanasang maglaro ng iba’t ibang uri ng laro kagaya ng snake puzzle, block sliding at iba pang uri ng puzzle game.

Pros at Cons ng Laro

Baguhan man o matagal ka nang naglalaro ng hidden objects, nakatitiyak ang Laro Reviews na sa The Legacy 1 mo lamang mararanasang mawili hanggang sa pinakadulo ng laro. Sino nga ba naman ang hindi matutuwa kung binubusog ka ng larong ito ng iba’t ibang mga hamong tiyak na susubok sa iyong logic. Masasabi ring talagang pinaghandaan ng developer ang konsepto ng The Legacy 1 dahil mula dialogue, visual effects, graphics hanggang sa mga puzzle game, siguradong wala ka nang maipipintas sa mga ito.

Hindi rin maaaring kalimutan ang sound effects ng laro dahil nakakasiguro ang Laro Reviews na walang manlalaro ang hindi tatayuan ng balahibo sa ganda ng mga musikang iyong maririnig lalo na ang nililikhang tunog ng mga instrumental music na talagang magbibigay sa iyo ng pakiramdam na muli kang bumalik sa nakaraan.

Sa kabilang dako, may ilang katangian lamang ang larong ito na hindi kanais-nais. Una, mayroong lamang sampung hints na libreng makukuha sa laro kaya kung ayaw mong gumastos ng pera kailangan mong ilaan sa mga huling chapter ng laro ang iyong mga hint. May ilang pagkakataon ding makakaranas ka ng glitching kagaya ng awtomatikong pag-exit ng laro. Hindi rin minsan naibibigay ang rewards kapalit ng panonood ng ads. Gayundin, kapag bumili ka ng mga upgrade, paniguradong maghihintay ka pa ng ilang minuto bago matapos ang loading ng laro.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, buong pusong naniniwala ang Laro Reviews na ang The Legacy 1 ang isa sa mga pinakamagagandang laro sa lahat ng genre ng mobile games. Maliban sa mga nabanggit na ilang negatibong katangian ng larong ito, hindi pa rin maaaring itanggi ang napakaayos at napakagandang gameplay ng larong ito na tiyak na magbibigay-kaligayahan sa iyo at sa iyong mga kaibigan.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...