The Simpsons™: Tapped Out Review

Pamilyar ka ba sa The Simpsons? Ito ang isa sa pinakasikat at pinakamatagal nang animated shows. Kung fan ka nito, ikakatuwa mong malaman na may laro para rito dahil matutunghayan mo ang paborito mong mga karakter sa iyong device. Patuloy na basahin ang article na ito mula sa Laro Reviews para malaman ang mga detalye.

Ang The Simpsons™: Tapped Out ay isang casual at adventure game na ginawa ng Electronic Arts. Mararanasan mo ritong magtayo ng city at gumawa ng sarili mong Springfield! Sa simula nito, matutunghayan mo si Homer na mag-isa habang magulo ang kanyang paligid. Aksidenteng naipol ang Springfield matapos sumiklab ang isang atomic bomb. Handa ka bang tulungan siyang muling itayo ang siyudad?

Features ng The Simpsons™: Tapped Out 

Collect Characters – Kolektahin ang paborito mong mga karakter sa The Simpsons! Tulungan mo si Homer na hanapin ang kanyang minamahal na pamilya at si Bart. Simulan ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng tahanan ng The Simpsons at baka may matagpuan ka sa loob nito. Dagdag pa rito, matutunghayan mo rin ang eksklusibong animated scenes at mga istorya mula mismo sa writers ng The Simpsons.

Build Your Own Springfield – Sa paglalaro nito, mabibigyan ka ng pagkakataong magtayo ng sarili mong Springfield! Kaya nasa sa iyo kung paano mo ito isasaayos at kung ano ang mga magiging bahagi nito. Mayroon ka ring kontrol sa mga mamamayan ng Springfield! Ikaw ang bahala kung nais mong pahabain ang shifts ng trabaho ni Apu sa Kwik-E-Mart, at marami pang iba.

New Contents – Hindi ka magsasawa sa paulit-ulit na nilalaman ng laro sapagkat consistent ang pagri-release nito ng panibagong content. Ilan sa mga posible mong maranasan ay ang pagsalakay ng Halloween monster, pag-aamok ng mga superhero, pati na ang pagkasira ng town dahil sa ideya ni Homer. Bukod sa mga ito, marami ka pang pwedeng abangan sa laro kasama na ang walang-katapusang opsyon na iyong ita-tap!

Saan Pwedeng I-download ang The Simpsons™: Tapped Out?

Sa bahaging ito ng article ituturo kung saan at paano i-download ang The Simpsons™: Tapped Out. Kasalukuyang available ang laro sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro! 

Bilang paalala, kapag binuksan ang laro, mayroon itong additional content sa unang launch kung saan maaari itong umabot ng 1.5GB o higit pa, depende sa gagamiting device. Bukod pa rito, mayroon din itong karagdagang downloads sa tuwing mayroong content updates.

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download The Simpsons™: Tapped Out on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ea.game.simpsons4_row

Download The Simpsons™: Tapped Out on iOS https://apps.apple.com/us/app/the-simpsons-tapped-out/id497595276

Download The Simpsons™: Tapped Out on PC https://www.bluestacks.com/apps/casual/simpsons-tapped-out-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng The Simpsons™: Tapped Out, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa official website nito. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong Google Play account.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Kahit na nagsisimula ka pa lamang sa paglalaro ng The Simpsons™: Tapped Out o matagal ka nang naglalaro nito at nalilito ka pa rin kung ano ba ang dapat mong gawin, hindi ka nagkamali ng page na pinuntahan. Narito ang tips at tricks na inihanda ng Laro Reviews upang matulungan ka sa iyong paglalaro.

Sa simulapa lamang ng laro, makakaharap mo na ang unang tasks na kailangan mong gawin. Dito pa lang ay magkakaroon ka na ng ideya na kabilang sa larong ito ang pagsasagawa ng iba’t ibang klase ng tasks. Sa pagpili mo ng tasks na gagawin ng iyong mga karakter, mainam kung ikokonsidera mo kung gaano ito katagal gawin at ang magiging reward nito. Kapag mas mahaba ang oras para matapos ang isang task, kadalasan ay mas mataas na halaga ng dolyar o donut ang matatanggap mo rito. Ang maipapayo ko sa iyo ay piliin ang ganitong klase ng tasks kapag titigil ka na sa paglalaro. Nang sa gayon ay kukumpletuhin ito ng mga karakter habang wala ka. 

Pero kung aktibo ka naman sa laro at kasalukuyang nagtatayo ng mga bagay rito, mas mainam na magpokus sa maiikling tasks. Huwag mag-alala kung maliit na halaga ng pera ang matatanggap mo sa paggawa nito dahil makakapag-interact ka naman sa mga karakter. Minsan nakakakuha ka rin ng pera o donuts sa mga ganitong pagkakataon. Bukod pa rito, maipapayo ko rin na isaalang-alang nang mabuti ang itatayo mong buildings sa Springfield. Bagaman may potensyal na kumita ka ng pera at XP sa bawat property, mas maganda kung aalamin mo kung gaano kalaki ang makukuha mo sa mga ito. Mahalagang timbangin mo rin ang magiging benepisyo nito sa iyong progress.

Huwag kalimutang bisitahin ang iyong friends at magsagawa ng friend actions. Ang maipapayo ko sa iyo ay gawing araw-araw ang pagbisita sa kanila. Nang sa gayon ay dalawang layunin ang maisasakatuparan mo rito: bukod sa magmumukha kang mabait na kapitbahay, makakatanggap ka rin ng Friend Points! Kailangan mong mangolekta nito para ma-unlock ang eksklusibong prizes at para tumaas ang halaga ng iyong cash rewards mula sa paggawa ng friend actions.

Pros at Cons ng The Simpsons™: Tapped Out

Nakakamangha ang graphics ng laro. Kung tagahanga ka ng palabas na The Simpsons, tiyak na magugustuhan mong makita ang mga paborito mong karakter dito. Kabilang ito sa Editors’ Choice sa App Store at ito rin ay ika-81 sa kategoryang Adventure. Ang maganda sa laro ay consistent at maraming idinadagdag na bagong content tulad ng karakter, features, at storyline.

Gayunpaman, maraming manlalaro ang nakakaranas ng pagka-crash kapag nagla-log in sa laro. Kahit na i-reinstall uli ang app ng ilang beses, wala pa rin itong improvement. Bukod pa rito, napansin nilang sa tuwing nag-a-update ang laro, hindi ito nabubuksan sa loob ng ilang araw. Napakatagal din ng aantayin sa pag-download ng mahigit na 2GB para rito, kung saan hindi pwedeng mag-exit sa app dahil hindi ito gagana. May iba naman na ang lumalabas sa screen tuwing binubuksan nila ang app ay “Server not Found” o kaya ay bigla na lang sila nadi-disconnect sa laro kahit stable naman ang internet connection. Nakakapanghinayang na ang progress sa laro pagkatapos ng ilang taon ay mawawala lamang. Lalo na kung isa ka sa mga nagbayad ng totoong pera para sa in-app purchases. Dahil sa mga negatibong feedback sa laro, hindi nakakapagtakang hindi ganoon kataas ang ratings nito sa Google Play Store kung saan nakakuha ito ng 3.8 star-rating. Kumpara sa App Store na mayroong 4.7 star-rating. Kung hindi lamang nakakaranas ng iba’t ibang problema ang manlalaro, maganda sana itong laruin.

Konklusyon

Kung pamilyar ka sa The Simpsons, mararanasan mo ang kanilang pamumuhay sa larong ito. Magkakaroon ka rin ng pagkakataong kolektahin ang mga karakter nito. Kaya tamang-tama ito lalo na sa mga tagahanga ng palabas. Hindi lang iyan, iba’t ibang panibagong content din ang nag-aabang sa iyo rito! Gayunpaman, bagaman maganda ang gameplay nito, asahan ang mga isyu na binanggit sa pros at cons section ng article na ito mula sa Laro Reviews. Maraming kumplikasyong nararanasan ang mga manlalaro tulad na lamang ng pahirapan sa pagkakaroon ng access sa laro.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...