Tower Defense: Galaxy Legend Review

Kung naghahanap ka ng larong susukatin ang iyong galing sa pagbuo ng estratehiya sa pakikipaglaban, sigurado akong magugustuhan mo ang isang ito. Ito ay nilikha ng Glubox at apat na taon na ang nakalilipas simula nang opisyal itong inilabas subalit hanggang ngayon ay patuloy na tinatangkilik ng mga manlalaro.

Ang Tower Defense: Galaxy Legend ay isang tower defense at strategy game. Ibig sabihin sa larong ito ay kailangan mo ng kaalaman sa pagbuo ng estratehiya sa pakikipaglaban. Ang mga manlalaro ay dapat mayroong malawak na kaisipan tungkol sa mga posibleng resulta ng kanilang gagawing hakbang sa laro. Kadalasan sa mga strategy game ay dapat mayroon kang kamalayan sa sitwasyon upang ikaw ay makapagplano ng iyong pamamaraan sa pag-atake sa kalaban.

Bukod pa riyan, ang larong ito ay stylised at offline game. Hindi mo na kailangan ng data o internet connection para malaro ito. Kahit nasaan ka man o anong oras mo ito nais laruin ay pwede mong magawa. Ito rin ay single-player mode lamang at walang multiplayer mode. Kaya hindi ka maaaring makipaglaro laban sa iba o mag-imbita ng mga kaibigan para makipaglaban.

Sa larong ito, matutuklasan mo ang iyong kakayahan sa pagbuo ng iyong sariling pamamaraan sa pakikipaglaban. Diskubrehin ang iyong talento at maging magaling sa mga strategy game. Handa ka na ba sa isang matinding laban? Kung handa ka na, basahin ang artikulo upang malaman ang iba pang impormasyon ng larong Tower Defense: Galaxy Legend.

Features ng Tower Defense: Galaxy Legend

HD Graphics – Ang larong ito ay may mahusay na disenyo ng graphics. Malinaw at maayos ang inilapat na visual effects, animation at sound effects na ginamit sa laro.

Maraming level – Ang larong ito ay mayroong mahigit 100 mapa na maaari mong laruin. Kaya naman hindi ka mababagot dahil sa dami ng lugar na maaari mong mapuntahan at labanan. Ang mga mapa na ito ay katumbas sa dami ng level na iyong malalaro. Bago ka makapunta sa susunod na level kailangan mo munang maipanalo ang iyong laban.

Game modes – Ang Tower Defense: Galaxy Legend ay mayroon dalawang game mode. Ito ang campaign mode at endless mode. Kung nais mong makapunta sa bawat level, laruin mo ang campaign mode. Subalit kung nais mo namang masukat ang iyong husay sa tagal at haba ng pakikipaglaban, maaari mong laruin ang endless mode.

Upgrade items – Maaari mong i-upgrade ang mga tower na ginagamit mo upang mas lalo itong tumibay at lumakas. Pumunta lang sa tower upgrade mode ng laro at hanapin ang item na nais mong i-upgrade. Kailangan mo lang ng sapat na coins upang magawa ito.

Saan pwedeng i-download ang Tower Defense: Galaxy Legend?
Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga link ng laro. I-click lamang ang mga link sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device. Sa ngayon, hindi pa ito available sa iOS.

Download Tower Defense: Galaxy Legend on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.citrusgame.Legend.tower.defense
Download Tower Defense: Galaxy Legend on PC https://napkforpc.com/apk/com.citrusgame.Legend.tower.defense/

Para ma-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang Install button at hintaying umabot sa 100% ang pagda-download. Kapag tapos na, maaari mo nang buksan at laruin ang Tower Defense: Galaxy Legend. 

Tips at Tricks kung Nais Laruin ang Tower Defense: Galaxy Legend

Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Tower Defense: Galaxy Legend, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo. 

Kung ikaw ay bagong manlalaro at hindi alam kung paano magsisimula, mayroong gabay para sa iyo sa umpisa ng laro. Sundin lamang ang mga itinuturo at basahing mabuti ang sinasabi sa direksyon. Kapag nalagpasan mo na ang tutorial stage, magkakaroon ka na ng ideya tungkol saan ang larong ito at mabilis mo nang maiintindihan kung paano ito laruin.

Pagkatapos mong matutunan ang kung paano ito laruin, maaari ka nang mag-log-in upang mai-save mo ang progreso na nagawa mo sa paglalaro. Gamitin ang iyong Google Account at ikonekta ito sa Tower Defense: Galaxy Legend. Upang kahit anong device ang iyong gamitin o i-uninstall mo man ang laro maaari mo pa rin itong mabuksan at ituloy ang level na iyong natapos.

Madali lang laruin ang Tower Defense: Galaxy Legend. Kailangan mo lang mag-isip at bumuo ng estratehiya kung paano mo madedepensahan ang iyong tore. Ipamalas ang iyong kakayahan gamit ang mga pamamaraan na iyong naisip at isakatuparan ito sa mga kalaban. Gamiting mabuti ang iba’t ibang uri ng tore sa laban. Ang mga tore na maaari mong pagpiliang gamitin ay ang Gun Machine, Slow Tower, Missile Tower, Laser Tower, Power Tower, Ice Tower, at maraming pang iba. Ang bawat tore ay may kanya-kanyang katangiang taglay. Alamin ang mga detalye tungkol sa tore upang malaman mo kung paano mo ito gagamitin sa laro. Ibigay ang lahat ng iyong makakaya upang hindi makapasok ang kalaban sa toreng iyong pinoprotektahan.

Kung nais mo pa ng ibang tutorial, maaari kang manood sa YouTube ng mga videos tungkol sa gameplay ng laro. Sigurado akong mas mabilis mo nang maiintindihan kung paano ito laruin dahil sa napanood mo at nabasang artikulo.

Pros at Cons ng Tower Defense: Galaxy Legend

Para sa Laro Reviews, ang Tower Defense: Galaxy Legend ay isang maganda at mahusay na strategy game. Mahahasa nito ang iyong kaisipan sa pagbuo ng mga estratehiya at pamamaraan sa pakikipaglaban. Hindi ka lang naglalaro kundi nasasanay mo rin ang iyong kaisipan na maging madiskarte at malikhain. Maaari rin itong laruin ng mga batang edad tatlo pataas dahil wala anumang nilalaman na nakakaapekto sa isipan ng bawat indibidwal. Sigurado akong masisiyahan ang sinumang maglaro nito, bata man, kabataan o matatanda. 

Libre mo lang ring makukuha ang larong ito sa Google Play Store at kahit sa isang Personal Computer. Maliit lang rin ang MB ng larong ito na umaabot sa 120 MB. Kaya hindi mo kailangan mag-alala dahil hindi ito kumokonsumo ng malaking storage space sa iyong device para ma-download at malaro mo ang Tower Defense: Galaxy Legend.

Dagdag pa rito, nakatanggap rin ang larong ito ng iba’t ibang reviews sa Google Play Store. Ayon sa mga komento, simple lang ang larong ito subalit masaya raw laruin.Maraming din daw tower na mapagpipilian at pwede mo pang i-upgrade. Tinawag din ng ibang manlalaro ang Tower Defense: Galaxy Legend na ‘excellent’, ‘addictive game’ at ‘one of the best tower defense games.’ Ilan lang ito sa mga reviews na natanggap ng laro dahil marami pang ibang magagandang komento ang inilahad ng mga manlalaro tungkol dito.

Bagama’t magaganda ang reviews ng mga manlalaro, mayroon din silang mga problemang nararanasan dito. Nagkaroon daw ng maraming bug at lag sa kanilang paglalaro. Wala rin daw itong opsyon upang mahinaan o i-off ang background music dahil ayaw ng ibang manlalaro nito. Masyado rin daw maraming ads na lumalabas na nakakaabala sa paglalaro. Subalit hindi naman nagbigay ng komento ang developer ng laro hinggil sa nasabing isyu.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app na produkto gamit ang tunay na pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱51 hanggang ₱5,100 kada item. Subalit pwede mo namang i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting ang in-app na pagbili kung ayaw mong gumastos.

Konklusyon

Sa ngayon, mayroong itong 4.4/5 stars rating sa Google Play Store at may mahigit 14,000 reviews. Umabot na rin sa mahigit 100,000 downloads ang naitala. Kaya kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong update at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong device ang Tower Defense: Galaxy Legend! 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...