Truck Simulator – Truck Games Review

Saang bahagi man tayo ng bansa pumunta, lagi nating mapapansin sa daan ang mga naglalakihan at naghahabaang uri ng mga trak. Mayroong nagkakarga ng mga gamit sa construction, nag-aangkat ng mga produktong gulay at prutas, naglalaman ng mga produktong langis at marami pang iba. Marahil marami sa atin ang nagtataka kung paano nga ba patakbuhin ang isang malaking sasakyan? Kaya naman, kung hindi mo pa nasusubukang magmaneho ng malalaking sasakyan, ito na ang pagkakataon mong imaneho ang mabibigat na trak. Tungkulin mo sa larong ito ang matagumpay na transportasyon ng langis at gasolina mula sa mga refinery ng langis patungo sa iba’t-ibang istasyon ng gasolina.

Kamangha-mangha ang pagdadala ng nasabing mga kargamento sa huling destinasyon ng mga ito, kaya imposibleng maiinip ang isang manlalaro dahil mararamdaman nitong nagmamaneho siya ng totoong trak dahil bukod sa steering wheel, mayroon din itong brake at accelerator. Isa itong libreng kasanayan sa pagmamaneho. Isa pang magandang balita, ang Truck Simulator- Truck Games ay hindi na nangangailangan ng koneksyon sa internet dahil maaari mong laruin itong driving simulation game na ito kahit offline.

Hindi lamang ang ihatid sa mga gasolinahan ang tanging hamon sa larong ito dahil nagtatampok din ito ng liko-likong daanan, maraming kurbada, ibang mga sasakyan, mga sirang daan at mga taong naglalakad o nagja-jog sa mga sidewalk. Kinakailangan mo silang maiwasan hangga’t maaari. Nag-iiba rin ang mga misyon sa bawat game level na nabubuksan at kapag napagtagumpayan mong makumpleto lahat ng mga gawain, mahahandugan ka ng pagkakataong makakuha ng mga bagong trak. Ang mas nakakatuwa pa ay may kalayaan kang mag-customize ng sarili mong sasakyan, maaari kang pumili ng gusto mong kulay ng trak at uri ng tanke ng langis.

Matutunghayan mo rin sa larong ito ang kakaibang karanasan sa pagmamaneho kung saan mapapadpad ka sa iba’t-ibang bahagi ng lugar. Mararamdaman mo talagang nasa loob ka ng sasakyan kung saan ikaw ang may hawak ng manibela.

Saan pwedeng i-download ang larong ito?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user. Kung gusto mong malaro ito sa PC, kailangan mo munang i-download ang MEmu installer. Sa kasamaang palad, ang larong ito ay hindi pa rin available para sa mga iOS user. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba

Download Truck Simulator- Truck Games on Android here

Download Truck Simulator- Truck Games on PC here

Mga Feature ng Laro

Offroad – Sa feature ng larong ito, literal na pagmamay-ari mo ang buong kahabaan ng kalsada dahil ikaw lamang ang tanging sasakyan na makikita sa laro. Kay ganda rin ng tanawin rito dahil tanaw na tanaw ang berdeng kagubatan, mga bundok at mga thrilling na tunnel.

City Mode – Kung ayaw mo namang nag-iisa sa laro, piliin mong maglaro sa mode na ito dahil marami kang makakasama sa kalsada. May iba’t-ibang uri ng sasakyan, mga eroplano sa himpapawid, mga taong naglalakad at mga taong tumatakbo sa sidewalk. Dito mo rin mararanasan ang mga misyong maghatid ng langis.

Free Mode – Kung gusto mo ng walang katapusang byahe, ito ang dapat mong laruin. Makakarating ka sa iba’t-ibang lugar na may iba’t-ibang tanawin. Dito ka rin sa mode na ito makakatanggap ng malaking halaga ng pera sa laro na maaari mong ibili ng mga bagong trak at tangke.

Under Construction Roads – Sa iyong pagmamaneho, hindi maiiwasang madaanan mo ang mga parte ng daan na kasalukuyan pang inaayos, kaya kailangan mong magdahan-dahan upang hindi ka bumangga at ma-stuck.

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Truck Simulator – Truck Games

  • Una sa mga dapat tandaan ng mga manlalaro ay may dalawang uri ng steering wheels ang larong ito, mayroong kagaya ng mga nakikita sa mga karaniwang sasakyan at mayroon ding dalawang arrow lamang na may direksyong pakanan at pakaliwa. Dapat na piliin kung alin sa dalawang ito ka komportableng maglaro;
  • Ang daan ay hindi perpektong tuwid kaya kapag malapit na sa mga likuan, kinakailangang bagalan ang pagmamaneho upang hindi bumangga sa mga harang sa daan;
  • Dapat ring iwasan ang iba pang sasakyan upang hindi ka makatanggap ng mga mura at masasakit na salita mula sa ibang drayber at hindi ka maantala sa pagmamaneho.
  • Mabibigat ang mga uri ng trak na imamaneho kaya mahirap na ibalanse ang pagtakbo nito sa daan. Nararapat na sakto lamang ang bilis para hindi ma-stuck at magsayang ng oras.

Pros at Cons ng Laro

Bukod sa mga nabanggit na feature ng laro, ang Truck Simulator – Truck Games ay nagtataglay rin ng 3D animation kaya bawat bagay na makikita sa screen ng inyong mga device ay detalyado at naka-High Definition. Maliban pa rito, makararanas rin ang mga manlalaro ng iba’t ibang klima ng panahon tulad ng bagyo, ulan, fog at snow kaya hindi mo mararamdamang nagmamaneho ka ng parehong trak sa parehong lugar at sa ilalim ng parehong kondisyon ng panahon. Ang iyong karanasan sa paglalaro ay patuloy na mare-refresh.

Ang mga kontrol ay masasabi ring intuitive dahil kahit na wala kang karanasan sa paglalaro ng iba pang katulad na mga laro sa pagmamaneho ng trak, napakadaling gamitin at sauluhin ang mga parte ng track na dapat hawakan. Maaari mong kontrolin ang accelerator at ang mga pindutan ng preno na matatagpuan sa kanang bahagi ng screen at sa kaliwang bahagi naman ng screen, makikita mo ang dalawang pindutan ng direksyon. Kung pipindutin mo ang kaliwang arrow, tatakbo ang iyong trak patungo sa kaliwang bahagi at ang kanang arrow naman ay papunta sa direksyong kanan.

Mayroon ding mga arrow na nagtuturo ng direksyon kaya kung magmamasid ka, imposibleng maliligaw ka sa daan. Susundan mo lamang ang direksyong itinuturo nito o tumingin sa GPS location map na makikita sa itaas na bahagi ng screen. Kukumpletuhin din ng mga kulog at kidlat at maging huni ng mga ibon ang buong karanasan mo sa pagmamaneho ng sasakyan.

Habang nagmamaneho, pwede ka ring makinig sa mga sikat na kanta sa ngayon dahil katulad ng mga totoong sasakyan, mayroon ding radyo ang larong ito at ilaw sakaling madilim ang daan at horn kapag may mga sasakyang malapit sa’yo. Sa City mode at Free mode, wala ring limitasyon sa oras, kaya hindi mo kailangang magmadali.

Sa kabilang banda, hindi maikakaila ng Laro Reviews na sa kabila ng magagandang katangian ng larong ito, nagtataglay rin ito ng mga hindi kanais-nais na bagay tulad na lamang ng masasakit at bastos na salitang maririnig mula sa ibang drayber sakaling masagasaan mo ang mga ito. Hindi ito mainam na ipalaro sa mga bata. Kahit offline, hindi rin nawawala ang presensya ng mga ad na palaging lumalabas sa bawat game level.

Maliban pa sa mga nabanggit, kulang na kulang sa challenges ang larong ito, dahil kahit pa maganda ang graphics nito at mayroong mga harang sa kalsada, wala ng ibang pagsubok pa ritobukod sa marating ang huling destinasyon ng trak.

Konklusyon

Hindi lamang aliw ang makukuha mo sa paglalaro ng Truck Simulator – Truck Games dahil kahit walang karanasan sa pagmamaneho, magkakaroon ka ng ideya kung paano patakbuhin ang isang totoong sasakyan. Matututunan mo rin ang mga alituntunin sa pagpapatakbo ng isang sasakyan at magagamay ang mga mahahalagang bahagi ng sasakyang ginagamit sa pagpapatakbo nito.

Sa larong ito, hindi mo na rin kailangan pang gumastos ng totoong pera para i-customize ang lakas ng motor, ang tangke ng gasolina, ang kapasidad ng motor, ang gulong at ang mga ilaw ng iyong trak. Maaari itong mabili gamit ang mga perang nakukuha sa bawat tagumpay sa laro. Habang umuusad ang laro, maaari ka ring magkaroon pa ng higit pang mga pagpipilian sa uri ng iyong sasakyang gagamitin. 

Naniniwala rin ang Laro Reviews na kahit isa lamang itong virtual simulation na laro, malaki ang posibilidad na ma-addict ka sa larong ito, dahil napakaraming available na customization at walang masyadong mahigpit na mga rule. I-enjoy lang ang iyong libreng biyahe hanggang sa dulo ng destinasyon. Hindi mo rin kailangan ng karanasan sa pagmamaneho dahil itong laro mismo ang magtuturo sa’yo kung paano. Kaya i-download na ang larong ito at ibahagi sa iyong mga kaibigan.

Leave a Comment

Login
Loading...
Sign Up
Loading...