Ultimate Football Club Review

Bukod sa basketball, football na yata ang sports kung saan nakakalibang ang video games na ginawa para rito. Hindi talaga ako naglalaro o nanonood ng football. At bago pa man ako magsulat ng game reviews dito sa Laro Reviews, may football games na akong nalaro sa aming Family Computer noong ako ay bata pa. 

HIndi naman ako ganoon kakritikal pagdating sa review ng football games para sa mobile kasi hindi ako nakapaglaro ng de-kalibreng football games gaya ng FIFA ng Electronic Arts. Subalit, appreciated ko naman ang football games kahit na hindi ko madalas kilala ang mga manlalaro nito. Bukod siguro kina Messi, Leonardo, at Pele, ay wala na akong kilalang iba pa. 

Ngayon, ang mobile game na tatalakayin natin sa Laro Reviews ay Ultimate Football Club. Titingnan natin ang mga detalye sa football game na ito. 

Ultimate Football Club 

Ang Utlimate Football Club ay isang 3D football game na available sa mga Android at Apple devices. Sa Ultimate Football Club, mayroon kang pagkakataon upang makalaro ang iyong mga paboritong football stars. Sa larong ito, maaari ka ring magkaroon ng mga kakaibang kumbinasyon ng players, strategy, at skills. Sa Ultimate Football Club, para ka ring isang totoong football superstar. 

Game features ng Ultimate Football Club

Marahil ang pinakamalaking feature at paandar ng Ultimate Football Club para sa mga manlalaro nito ay ang official license ng FIFPro upang gamitin ang official players ng Juventus at Bayern sa football game na ito. Isa itong malaking feature dahil hindi mo na kailangang bumili ng latest edition ng FIFA upang malaro mo na ang iyong dream matches. 

Isa pang feature ng Ultimate Football Club ang team formations kung saan may mga tactics kang kailangan isipin sa laro. Bawat isang kalaro mo rito ay maiiba sa nakaraan kaya dapat magkaroon ka ng iba’t ibang diskarte sa iyong playbook. Ang magandang balita ay hindi ka mauubusan ng mga posibleng taktika sa Ultimate Football Club. 

Sa Ultimate Football Club, may daan-daang mga posibleng taktika, lineup ng players, at estratehiya, mapaopensa man o depensa. Hindi gaya ng ibang football games para sa mobile, hindi ka magiging isang football manager sa Ultimate Football Club. Ikaw mismo ang kokontrol sa mga manlalaro at gagawa ng mga krikital na desisyon sa gitna ng field. 

Ang isa pang feature na gusto ng karamihan sa mga video games na tungkol sa sports ay ang pagiging competitive nito. Ang Ultimate Football Club ay may Player vs Player system upang mapatunayan mo sa sarili mo na isa kang magaling na football player. Maaari ka ring makipaglaro kasama ng iyong mga kaibigan sa Ultimate Football Club. 

Pagdating sa graphics, gumagamit ng 3D graphics ang Ultimate Football Club at hindi mukhang tinipid ang budget para rito. Para sa isang mobile game na libre mo lang malalaro, ang graphics ng Ultimate Football Club ay nahahawig sa mga lumang FIFA games na malalaro sa mga lumang gaming consoles.

Hindi rin mawawala sa Ultimate Football Club ang feature kung saan maaari kang mag-customize at upgrade ng mga manlalaro. Sa ganitong paraan, mas magiging mataas ang stats ng iyong mga manlalaro at mas gagaling sila sa football. 

Saan maaaring i-download ang Ultimate Football Club 

Gamitin ang sumusunod na links mula sa Laro Reviews upang mai-download ang laro:

Download Ultimate Football Club on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.hoolai.ufc.ggsea&hl=en&gl=US

Download Ultimate Football Club on iOS https://apps.apple.com/ph/app/ultimate-football-club/id1488718315

Download Ultimate Football Club on PC https://www.gameloop.com/ph/game/sports/ultimate-football-club-on-pc

Tips at tricks para sa Ultimate Football Club 

Ang isa sa mahahalagang tips na kailangan mong malaman kapag naglalaro ng Ultimate Football Club ay ang pagtitipid ng stamina. Hangga’t maaari huwag mong pataasin ng sobra ang lebel ng players na nakuha mo sa simula ng laro dahil papalitan mo rin ang mga ito oras na makakuha ka na ng players na mas malalakas ang base stats at skills. 

Magkakaroon ka ng daily tasks sa Ultimate Football Club at syempre, hindi mo dapat palampasin ang pagkakataon na ito. Gawin mo lagi ang daily tasks at siguradong magkakaroon ka ng maraming rewards. Kadalasan, mga bagong players ang reward kapag natatapos mo ang 12 daily tasks sa Ultimate Football Club. 

Mas maganda rin kung lagi kang sasailalim sa daily training upang masanay ang iyong mga manlalaro. Ang kailangan mo lang ay 80 points upang makuha ang rewards kaya huwag mong papalampasin ang isang araw ng walang training. Pagdating naman sa tournaments, kailangan mong mag-hire ng tamang coach upang magkaroon ng tamang stats ang iyong team. 

Pros at Cons ng Ultimate Football Club 

Ang pinakamagandang feature ng Ultimate Football Club para sa akin ay ang pagkakaroon ng lisensya upang gamitin ang mga totoong football players sa mundo bilang characters. Kung wala kang FIFA, maaari itong maging alternatibo kahit na papaano. Masarap sa feeling na magamit ang ilan sa pinakasikat na football players sa isang mobile game. 

Bukod sa licensing, sobrang nagustuhan ko rin ang graphics ng laro. Para sa isang mobile game, masyadong maganda ang graphics ng Ultimate Football Club. Siguro, kaya ko pinupuri masyado ang graphics nito ay dahil hindi ako masyadong umasa bago ko ito laruin. Subalit, nagkamali ako. Kahit papaano, lumampas rin sa average ang rating ng graphics nito para sa akin. 

Hindi rin mahirap unawain ang gameplay ng Ultimate Football Club. Sa tutorial pa lang, masasabi mo nang madaling laruin ang mobile game na ito. Ang paborito kong bahagi sa gameplay ng Ultimate Football Club ay tuwing gagawa ka ng isang crucial na desisyon at may ilang segundo ka para magdesisyon. Sobrang nakakatuwa ang feature na iyon. 

Ang isa pang positibong katangian ng larong ito ay hindi umaasa sa mismong pangalan ng player ang kanilang stats. Kung papapiliin mo ako sa pagitan ng isang Level 1 Christiano Ronaldo at isang random player na mas mataas ang level, mas pipilin ko yung random player dahil mas nakabase ang larong ito sa kung paano mo sasanayin ang manlalaro. 

Ang tanging problemang nakita ko sa larong ito ay ang sound dahil paulit-ulit lang ang commentary ng announcers sa Ultimate Football Club. 

Konklusyon 

Sa pangkalahatan, magandang laruin ang Ultimate Football Club. Maayos ang pagkakagawa ng larong ito sa lahat ng aspeto mula graphics hanggang gameplay. Kung may improvement na maaaring gawin sa laro, ito ay ang commentary na sobrang repetitive oras na nakabisado mo na ang script nito. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...