Wanted Fish Review

Ang Wanted Fish ay isang Casual Game na inilabas ng MondayOFF upang mabigyan ang bawat susubok na maglaro nito ng pagkakataong pasukin ang mundo ng pangingisda at maranasan kung paano ang ginagawa ng bawat mangingisda upang makahuli. Sa oras na pasukin mo ang larong ito, mapapagtanto mong hindi ito ang tipo ng larong pahuhulihin ka ng maraming isda hanggang sa mabutas ang iyong lambat. Bagkus, laman nito ang gameplay na talagang susubukin ka pagdating sa pag-iisip ng iba’t ibang klase ng stratehiya kung paano mo tatarget-in ang isang uri ng isda na nasa isang malawak na karagatang puno rin ng iba’t ibang uri ng isda; malaki man o maliit, sa mababaw man o sa malalim. Hahasain ka nitong maghanap ng mabuti, maging matalino sa paggamit ng harpoon upang mahuli ang kailangang hulihin at kalaunan ay ibenta.

Features ng Wanted Fish

Dahil patungkol ang Wanted Fish sa panghuhuli ng isda, siyempre ay hindi mawawala ang iba’t ibang klase ng isda na nilikha para rito. Sa Book na section ng laro, makikita ang kumpletong listahan ng mga ito at ilang impormasyon tungkol dito gaya ng kanilang pangalan, halaga ng bawat isa kung ibebenta at kung anong level ng mga ito. Sa katunayan niyan ay kahit pa may nakalagay na level ang bawat isda ay makikita mo na agad ang lahat ng ito sa oras na simulan mo ng laruin ito. Sa kabuuan ay mayroong 45 na bilang ang narito at hindi lamang iyon puro isda dahil mayroon din ditong gaya ng pagong, sea horse, jellyfish at marami pang iba na kung titingnan mo ay para bang hindi naman makikita sa ilalim ng dagat sa totoong buhay.

Hindi ka na rin naman malilito sa kung ano ang tatarget-in mo dahil makikita mo ang larawan niyon sa bandang gilid ng laro at napupunta naman sa gitna oras na nasa ilalim ka na ng karagatan. Sa tuwing nahuhuli mo ang iyong target ay mayroon kang malaking reward na matatanggap na tunay na triple o higit pa sa tunay na presyo nito. Kung sakaling mahirapan ka naman sa kakahanap ay maaari kang tulungan ng dalawang special item na makikita mo sa kaliwang bahagi at siyang magagamit mo nang segundo lamang. 

Mayroon ang laro na malawak na karagatan na siyang maaari mong libutin upang mahanap at mahuli mo ang target mong isda. Mayroon ka na ring nakahandang bangka at harpoon na siyang magagamit mo na sa simula pa lang ng laro. Ngunit kung mangyaring nais mong palitan ang mga ito ay maaari kang magtungo sa Shop ng laro kung saan makikita mo ang iba’t ibang klase ng Harpoon. Mayroon itong limang klase kung saan nadadagdagan din ang kayang mahuli nito. Maaari mo ring i-upgrade ito depende sa layo na mararating nito. Mayroon ding limang klase ng bangka kung saan kaya naman nitong dagdagan ang layo ng iyong mapupuntahan, mahuli lang ang iyong tinatarget na isda. Kasama rin dito ang bait o patibong at ilan pang mga item gaya ng No Ads, cash na currency ng laro na siyang mabibili gamit ang tunay na pera.

Saan maaaring i-download ang Wanted Fish?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 84MB sa Google Play Store habang 284.8MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng NoxPlayer para naman sayong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Wanted Fish on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.mondayoff.wantedfish

Download Wanted Fish on iOS https://apps.apple.com/us/app/wanted-fish/id1606318335

Download Wanted Fish on PC https://www.bignox.com/appcenter/com-mondayoff-wantedfish-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Wanted Fish

Katulad ng pagtatanim, hindi rin biro ang pangingisda. Nang simulan itong laruin ng Laro Reviews, isa ito sa mga bagay na aming napagtanto. Kaya naman, narito ang ilang mga tips na handog namin sa inyo upang kahit papaano ay may kaunting gaan ang paglalaro ninyo ng Wanted Fish.

Una, humuli lang nang humuli ng isda. Maraming iba’t ibang klase ng isda na mayroon sa ilalim ng karagatan ngunit ang trabaho mo lamang dito ay hulihin ang sinasabing target mo sa bawat laro. Kung papansinin pa lamang ang ilalim ng dagat ay tila mararamdaman mo na kaagad ang pagod. Kaya naman bilang tip para rito, hindi mo kailangang magmadali para hulihin ang iyong target. Mainam na gamitin lamang nang gamitin ang iyong harpoon upang makahuli ng iba’t ibang klase ng isda dahil mapapakinabangan mo pa rin naman ang mga ito sa parte kung saan nabebenta rin ito at magagamit mo ang iyong mga kinita upang mapa-upgrade pa ang iyong mga gamit. Sa ganito, unti-unti ring nagiging madali ang paggawa ng task o tunay na magiging mabilis ang paghuli mo sayong target dahil gumaganda rin ang iyong mga gamit panghuli.

Pangalawa, kung pagdating sa paghuli ng iyong target at hindi mo ito napapansin dumadaan sa may bandang gitna, subukan lamang ang random na paggamit ng harpoon sa magkabilang gilid. Maaari kasing nagtatago lamang ang mga ito sa kaliwa o sa kanan na siyang hindi nahahagip ng mismong screen ng iyong phone. Gawin lamang ito nang gawin hanggang sa tuluyan mo nang makuha ang iyong target. Isa ring mabisang paraan ito upang malaman mo kung ang hinahanap mo ba ay nasa paligid lamang ng kasalukuyan mong pwesto o wala. Kung wala, ito na ang tamang pagkakataon mo upang lumipat ng pwesto.

Pros at Cons ng Wanted Fish

Nakakatuwa na kahit sa napakasimple lamang na gameplay na taglay ng larong ito ay kayang-kaya nitong aliwin ang kanyang mga manlalaro. Paulit-ulit man ang mechanics ng bawat level at tanging ang target mo lamang na isda ang nagbabago, hindi malabong panggigilan mo pa rin ang paghuli sa bawat isda. Masasabi mo talagang pwedeng-pwede ang larong ito bilang isang libangan, kahit pa saan ka man magpunta. Hindi nakakaburyong ang paulit-ulit na pagsubok sa iyong harpoon, paglipat-lipat sa iba’t ibang pwesto para lamang mahuli ang kaisa-isang uri ng isda. Mahirap man ngunit sulit sa tuwing dumadating na ang pagkakataong mahuli mo na ito.

Isa rin sa bagay na masasabing kalamangan ng larong ito ay ang graphics na mayroon dito. Hindi man naiiba sa lahat ng laro ngunit akma ang ginamit dito upang malinaw mong makita ang ganda ng bawat disenyong nilagay para sa bawat isda. Nakakatuwang tingnan ang mga ito lalo na sa tuwing sabay-sabay silang lumalangoy. May mga nakakatuwa ring isda na idinagdag dito kung saan may isdang parang rocket, may kapa at marami pang iba. Bukod pa rito ay ang tunog na nilapat dito na kung papakinggan mo ay kayang magbigay ng magaang na mood sa laro kahit pa may pagkakataong damang-dama mo ang hirap ng panghuhuli ng isda.

Kung may masasabi lang talagang kakulangan ang Laro Reviews para sa larong ito, iyon ay ang pagkakataong nakikita mo ang specific na uri ng isda ngunit kapag kailangan mo na siya ay doon naman ito nawawala na para bang naging endangered species ito noong naging target na. Hindi naman ito problema dahil tunay na nakakadagdag ito sa level of difficulty ng laro ngunit paminsan-minsan, nagiging isa itong dahilan upang kainisan ng bawat manlalaro.

Konklusyon

Alam natin kung gaano kahalaga ang pangingisda ngunit hindi natin malalaman kung gaano ito kahirap gawin hangga’t hindi natin ito nararanasan. Kaya naman, isa na rin malaking bagay maituturing na mayroong Wanted Fish na talagang tuturuan ka kung paano ang mga ginagawa ng bawat mangingisda, makahuli lamang ng isda. Sa larong ito, tunay na tutulungan ka nitong maghintay nang matagal ngunit magalak sa oras na makuha mo na ang nais mong makuha. Tunay na walang pagpupursigi ang hindi nagbubunga.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...