World Cricket Championship 3 Review

Ang cricket ay isang laro na nagmula sa bansang Inglatera. Sa larong ito, kailangan mong gumamit ng isang bat at bola gaya ng baseball. May dalawang team na magkalaban sa cricket at bawat team ay may 11 na miyembro. Ang dalawang koponan ay nasa isang field sa gitna kung saan ay isang 20-meter pitch na may wicket sa bawat dulo, bawat isa ay binubuo ng dalawang bails na balanse sa tatlong stumps. 

Sa cricket, ang pangunahing layunin ay makaiskor ng pinakamaraming run hangga’t maaari laban sa oposisyon. Bago magsimula ang laro, ang mga kapitan ng magkabilang koponan ay magto-toss coin sa field at ang panalong team ay ang mauunang mag-bat sa field. Masyadong mahaba ang rules ng cricket at sa bansang gaya ng Pilipinas, mahirap maunawaan ang larong ito dahil wala namang naglalaro ng cricket dito. 

Kung gusto mong matutunan ang cricket, mas maganda kung maglalaro ka mismo nito. At dahil nga walang cricket sa Pilipinas, mas mainam na sa mobile phone ka na lang maglaro. Para sa artikulo natin ngayon sa Laro Reviews, ang tatalakayin nating laro ay ang World Cricket Championship 3. 

World Cricket Championship 3

Ang World Cricket Championship 3 ay isang sports mobile game kung saan maaari kang maglaro ng cricket. Noong 2020, nagawaran ang World Cricket Championship 3 ng Google Best of 2020 – User’s Choice Award. Sa World Cricket Championship 3, may pagkakataon kang maging pambato ng isang national cricket team. 

Game features ng World Cricket Championship 3 

Ang isang feature na na-improve ng World Cricket Championship 3 mula sa mga nakaraang installments ng series ay ang motion controls nito na angkop para sa batting, bowling, at fielding ng cricket. Ang isa pang feature na mas pinaganda ng World Cricket Championship 3 ay ang commentary sa larong ito. 

Sa sports games, nandyan lagi ang commentary. Sa World Cricket Championship 3, maririnig mo ang boses nina Mathew Hayden at Akash Chopra. Sa mga hindi nakakakilala sa mga ito, si Hayden ay isang alamat pagdating sa cricket sa Australia samantalang isa naman sa mga pinakasikat na commentators ng larong cricket si Chopra. 

Pagdating sa mga liga, maaari kang makipagtagisan ng galing sa cricket sa mga tournament formats gaya ng World Cup, ODIs, Tri Series, Ashes, Test Cricket, at iba pa. Mas ramdam mo rin na isa kang world-class cricket player dahil sa mga stadiums na available sa World Cricket Championship 3. 

Gaya ng ibang sports games, may career mode din ang World Cricket Championship 3. Magsisimula ka bilang isang manlalaro na nangangarap na maging international cricket player at nasa iyo ang pagkakataon upang maging alamat sa sport na ito. May cutscenes din ang career mode ng larong ito at mga desisyon na kailangan mong pag-isipan. 

Kung gusto mo namang makipaglaro sa ibang cricket players sa mundo, ang League of Champs ang para sa iyo. Sa game mode na ito, kailangan mong matalo ang mga manlalaro sa buong mundo upang umangat sa leaderboard. May badges ka rin na maaaring makuha dito mula vulnerable hanggang godly para malaman ng mga manlalaro kung gaano ka kahusay.

May opsyon ka rin sa larong ito na bumuo ng sarili mong team. Sa World Cricket Championship 3, maaari kang gumawa ng sarili mong jersey, mag-customize ng mga manlalaro, magtalaga ng mga coach, at iba pang ginagawa ng isang team manager. 

Saan maaaring i-download ang World Cricket Championship 3?

Gamitin ang sumusunod na links mula sa Laro Reviews upang mai-download ang laro:

Download World Cricket Championship 3 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.nextwave.wcc3

Download World Cricket Championship 3 on iOS https://apps.apple.com/au/app/world-cricket-championship-3/id1514775424

Download World Cricket Championship 3 on PC https://www.bluestacks.com/apps/sports/world-cricket-championship-3-on-pc.html

Tips at Tricks para sa World Cricket Championship 3 

Syempre, ang pinakaunang kailangan mong malaman bago maglaro ng World Cricket Championships 3 ay ang basic rules ng cricket. Maaari kang manood ng videos online upang mapag-aralan ito. Pagdating sa batting, may tamang timing para mapuno ang power meter. At kapag mas malakas ang power, mas maganda ang hit. 

Samantala, mas mainam na gumamit ng fast bowlers kung hindi ka pa marunong maglaro ng cricket. Kapag naman nasa proseso ka na ng bowling, mas maganda kung matatapat sa green line ang meter. Ang isa pang mahalagang tip na kailangan mong gawin sa larong ito ay pagpahingahin mo ang iyong pinakamagaling na mga manlalaro. 

Gaya sa totoong buhay, nauubos ang stamina ng mga manlalaro kapag sobrang dami ng kanilang playing time. Mas maganda kung balanse ang playing time nila upang mas marami silang maiambag sa laro. 

Pros at Cons ng World Cricket Championship 3 

Sa World Cricket Championship game franchise ay hindi kailanman nabigo ang mga manlalaro sa mga tuntunin ng gameplay. Sa ikatlong ulit, muling pinatunayan ng larong ito kung bakit ito ang may pinakamagandang mechanics sa lahat ng cricket games para sa mobile phones. Madali lang ang game mechanics at sobrang smooth ng gameplay ng World Cricket Championship 3. 

Isa pang nakakaadik na feature ng larong ito ay ang career mode. Hindi man kasingganda ng NBA 2K ang career mode ng World Cricket Championship 3, pero masasabi mong sobrang ganda ng ginawa nila para sa isang laro sa mobile phone. Nakakatuwang pagmasdan ang pagsikat ng iyong player sa career mode ng larong ito. Wala akong alam sa cricket at hindi ko talaga ito hilig pero kahit kaunti ay na-appreciate ko ang sport na ito. 

Pero sa aking palagay, ang pinakamagandang feature sa World Cricket Championship 3 ay ang commentary nito. Ang pagsubok sa sports game commentaries ay kung paano hindi magmumukhang paulit-ulit ang komentaryo sa laro. Kung gagawa ka ng isang sports game, gusto mong magkaroon ng commentary gaya ng sa NBA 2K o MADDEN NFL at hindi WWE 2K. 

Sa kabutihang palad, napagtagumpayan ng World Cricket Championship 3 ang pagkakaroon ng commentary na parang nanonood ka mismo ng isang cricket game. Sobrang laking bonus din na mga kilalang tao sa larangan ng cricket ang nasa likod ng mikropono. 

Konklusyon 

Para sa Laro Reviews ang World Cricket Championship 3 ang pinakamagandang sports video game tungkol sa cricket. Sa gameplay, graphics, at sound nito, tiyak na tatangkilikin mo ito kung ikaw ay naglalaro ng cricket. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...