KickOff 22 Football Manager Review

Sa likod ng bawat matagumpay na team ay may isang mahusay na manager, at mararanasan mo ang kanilang point of view sa larong ito. Ang KickOff 22 Football Manager ay isang multiplayer coaching sports game ng Reveo Sp. z o.o. Sa larong ito, maaari kang makipagkumpitensya sa iba pang mga koponan nang hindi naglalaro ng isang football match.

Dahil maglalaro ka bilang manager sa larong ito, kailangan mong pamahalaan ang iyong team. Sanayin ang iyong mga manlalaro at tulungan silang mapabuti ang kanilang mga kahinaan. Bukod dito, ima-manage mo rin ang lahat ng mga imprastraktura na nagbibigay sa iyo ng income. Lahat ng nangyayari sa labas ng football match ay nakasalalay sa iyo.

Features ng KickOff 22 Football Manager 

Dashboard – Ang pangunahing tab na makikita mo sa iyong screen habang binubuksan mo ang laro. Naglalaman ito ng mga detalye tungkol sa susunod at huling laban, lingguhang liga, at iyong team.

Team – Ito ang iyong mga manlalarong sasali sa liga, at bawat isa sa kanila ay kinakatawan ng mga shirt. Hindi tulad sa ibang mga laro, hindi mo sila makikitang naglalaro dahil ang kanilang laban ay nangyayari nang real-time. Gayunpaman, maaari kang magpasya kung sino ang maaaring sumali sa squad o sa bench.

Training – Ang lugar kung saan mapapahusay mo ang stats ng iyong team. Maaari mong hatiin ang mga ito sa apat na grupo, at bawat isa ay may hindi bababa sa dalawang drills na maaaring ma-practice. Ang pagsasanay ng grupo ay maaaring magmula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na intensity.

Season – Ipinapakita nito ang lahat ng detalye tungkol sa mga laban.

  • Continental Cups – Isang elite na kompetisyon kung saan maaaring maging kwalipikado ang isang team kung nanalo sila sa kanilang unang liga at ito ay nahahati sa iba’t ibang kontinente. Halimbawa, ang iyong team ay kakatawan sa Pilipinas habang nakikipaglaban ka sa iba pang mga team mula sa ibang mga bansa sa isang Asian Cup.
  • Cup – Isang football tournament sa pagitan ng iba’t ibang team sa iisang bansa.
  • League – Ipinapakita nito ang mga detalye ng kasalukuyan at nakaraang mga laban ng lahat ng teams.
  • Fixtures – Naglalaman ito ng listahan ng mga nakaraan at paparating na laro ng iyong team.

Stadium – Ang sports arena kung saan ginaganap ang football matches.

Club Facilities – Ito ang mga imprastraktura na maaari mong pamahalaan sa pamamagitan ng pag-upgrade. Bawat isa sa mga ito ay nagbibigay ng iba’t ibang points. Ang mga gusali ay:

  • Club Office – nagdaragdag ng slots ng mga manlalaro.
  • Training Center – nagpapalaki ng training bonus.
  • Medical Center – binabawasan ang posibilidad ng injuries.
  • Fan Store – pinapataas ang kita sa araw ng match.
  • Transport – itinataas ang attendees sa laban.
  • Youth Academy – nagbibigay ng slots ng youth players.

Saan pwedeng i-download ang KickOff 22 Football Manager?

Pumunta sa Google Play Store gamit ang iyong smartphone kung Android user ka o sa App Store kung iOS device naman ang iyong gagamitin. I-type ang KickOff 22 Football Manager sa search bar. Dahil libre ang laro, i-click at i-install lamang ito at hintaying matapos ang pagda-download.

Narito ang mga link kung saan mo maaaring ma-download ang laro:

Download KickOff 22 Football Manager on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.kickoff_manager

Download KickOff 22 Football Manager on iOS https://apps.apple.com/us/app/kickoff-22-football-manager/id1517404811

Download KickOff 22 Football Manager on https://www.gameloop.com/ph/game/sports/com.kickoff_manager

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Dahil ikaw ang magiging manager sa larong ito, ang tips sa artikulong ito ay magbabahagi kung paano pagbubutihin ang pamamahala sa iyong koponan.

I-upgrade ang stadium.

Kung gusto mong madagdagan ang iyong income, gamitin ang cash para i-upgrade ang mga ito. Matapos ang upgrade, madaragdagan din ang kapasidad ng stadium at bilang ng inaasahang attendees.

I-upgrade ang mga pasilidad.

Kapag alam mo na kung ano ang maaaring magawa ng bawat bagay ayon sa  features na nakasaad sa laro, matutong mag-level up upang magkaroon ng mataas na  points.

Sanayin ang iyong mga manlalaro.

Ito ay isa sa mga mahahalagang bagay na dapat mong unahin. Gayunpaman, dapat kang mag-focus sa kung sino ang sasanayin at kung ano ang dapat nilang pagbutihin. Halimbawa, piliin ang manlalarong may pinakamababang overall score at suriin ang status nito. Kung may mababang stats para sa Crossing, Acceleration, at Speed, maaari mo silang sanayin kung paano mag-counter attack.

Pumili ng angkop na manlalaro.

Suriin ang kulay na makikita sa kanang-itaas na bahagi kung nasaan ang iyong player kapag hindi ka sigurado kung sino ang ilalagay sa iyong team. Bilang karagdagan, tinutukoy din nito kung sino ang may mas matataas na stats at kung sino ang dapat mag-training. Kung ito ay pula, ilipat ang mga ito sa ibang mga manlalaro. Kung ito ay dilaw, sanayin ang mga stats na kailangan nilang pagbutihin. Gayunpaman, ihambing ang bawat stats o numero kung ang lahat ng iyong mga manlalaro ay nagpapakita ng kulay berde.

Pros at Cons ng KickOff 22 Football Manager 

Maganda ang pagkakagawa ng Reveo Sp. z o.o. sa UI design para sa larong ito. Mayroon itong standard menu, kaya hindi ka malilito kung anong mode ang gagamitin. Bilang karagdagan, mas napapadali ang pamamahala sa iyong team dahil sa nakagrupo ang parehong feature sa isang tab.

Maaari mong i-customize ang mga shirt at emblem ng iyong club sa una mong pag-download. Nakakatulong ito sa mga manlalarong ipakita ang kanilang pagkamalikhain at personalidad habang nakikipaglaban sa ibang mga manlalaro. Bukod dito, maaari kang bumili ng mas magagandang disenyo habang umuusad ka sa paglalaro, gamit ang credits.

Ang pagtuturo ng kinakailangang impormasyon ay makakatulong sa mga manlalarong malaman kung ano ang gagawin sa laro. Maaari silang malito kung sobra-sobra ang dapat nilang malaman. Sa kabilang banda, magiging clueless naman sila kung hindi maituro sa kanila ang mga dapat gawin. Sa kasamaang palad, walang tutorial ang KickOff 22 Football Manager. Maaaring gabayan ka nito sa pag-customize ng iyong club sa unang beses mong pag-download, ngunit kailangan mong malaman kung paano ito laruin nang mag-isa.

Dahil ito ay isang online game, kailangan mo ng isang stable internet connection upang ma-enjoy ito dahil ang lahat ng mga liga at training ay nangyayari ng real-time. Sa kabutihang-palad, wala namang mga lag o pagka-crash sa pagsusuri ng Laro Reviews. Nangangahulugan ito na hindi ka makakaranas ng anumang mga problema kung ang gagamitin mong gaming device ay hindi bababa sa 6.0 OS sa Android at 10.0 os sa iOS.

Konklusyon

Ang KickOff 22 Football Manager ay hindi tulad ng iba pang mga larong sports tulad ng FIFA Soccer ng Electronic Arts. Dahil sa mechanics nito, magkakaroon ka ng perspective ng isang manager. Nangangahulugan ito na hindi ka maglalaro sa football field, ngunit pamamahalaan mo ang iyong team. Ang buong premise ng larong ito ay iba sa kung ano ang iyong inaasahan, ngunit hindi kumplikado ang gameplay. Para sa Laro Reviews, ito ay isang mahusay na coaching game dahil ginagaya nito kung ano ang gagawin ng mga coach habang nilalaro mo ito. Maaaring hindi mag-enjoy ang ilang players sa larong ito, ngunit sulit itong subukan.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...