2 Player Games: The Challenge Review

Dahil sa pandemya, nagkaroon ng lockdown bilang tugon para supilin ang pagkalat ng virus. Dahil dito, mas nagkaroon ng oras ang mga tao na makasama ang kani-kanilang pamilya sa bahay. Iba’t ibang pamamaraan na rin ang nauso para makapag-bonding. Ilan na rito ay ang pagbi-bake, sabayang paglilinis, at marami pang iba. Kaya kung naghahanap ka ng isang mobile game na naglalayong mapagtibay ang iyong bond sa mga kasamahan, itong laro ay swak na swak para sa iyo!

Ang 2 Player Games: The Challenge ay dinevelop ni Moreno Maio, isang Italyanong game developer. Binubuo ito ng iba’t ibang mini-games na maaari mong ma-enjoy at ng isa pang kasamahan dahil pandalawang tao ito! Walang kasamang maglaro? Huwag mag-alala dahil may AI ito na pwede mong kalabanin.  

Features ng 2 Player Games: The Challenge

Handa ka na bang makipagtunggali sa kapwa manlalaro o sa system-generated na kalaban? Samu’t sari ang mini-games na makikita rito at nandito ang Laro Reviews upang talakayin ang mga ito!

  1. Ping Pong – Kung pamilyar ka sa table tennis, gano’n lang din ang takbo ng laro. Kailangan mo lang tamaan ang ping pong ball gamit ang iyong raketa. Kapag na-miss mo ang tira, isang puntos sa kalaban. Kung sino ang unang makakuha ng pitong puntos ang siyang tatanghaling panalo. 
  2. Rock Paper Scissors – Isang classic game! Paunahan sa pagkuha ng tatlong puntos! 
  3. Memory – Kabilang ito sa mga premium game na nakapaloob sa laro. Kailangan mong pagtambalin ang mga card sa tamang kaparehas nito. Salitan ang pagtira sa pagitan mo at ng iyong kalaban. Kapag nakapag-pair ng isang card, may isa ka pang pagkakataon para tumira. 
  4. Pull the Rope – Hilain ang lubid hangga’t mapunta sa iyong teritoryo sa pamamagitan ng mabilisang pag-tap ng iyong screen ng ilang beses. 
  5. Happy Hippos – Isa rin itong premium game. Kailangan mo lamang kainin ang iyong kulay ng bilog na lumalabas sa field. May dagdag na dalawang puntos sa tuwing nakakain ang tamang bilog at may isang puntos naman na nababawas sa iyong score kapag aksidenteng nakakain ang bughaw na bilog ng kalaban. Kung sino ang may pinakamataas na puntos matapos ang ilang segundo, ang siyang mananalo. 
  6. Hand Slap – Ang layunin ng mini-game na ito ay mapalo ang kamay ng kalaban. Ngunit, may dagdag na puntos sa kalaban kapag umiwas ka nang hindi siya nagtatangkang pumalo. Kung sino ang unang maka-limang puntos ang siyang mananalo.
  7. 4 in a Row –  Premium game din ito, Paunahang makabuo ng apat na magkakasunod na bilog. Pahiga, patayo, o patagilid man ito. 
  8. Spin War – Itulak ang iyong kalaban palabas ng bowl! Gamitin ang iyong daliri para kontrolin ang joystick at nang mapagalaw ang spinner. Apat na puntos para manalo.
  9. Pool – Isa na namang classic game! Ilagay ang iyong kulay ng billiard ball sa butas. Matapos nito, i-shoot ang itim na lucky 8 para tanghaling panalo. 
  10. Tic Tac Toe – Ang pula ay cross at ang bughaw naman ay bilog. Tic tac toe! 
  11. Sumo – Bilisan lamang ang pag-tap ng iyong screen para matulak ang iyong kalaban. Manati lamang sa loob ng ring. 
  12. Air Hockey – Subukang makapuntos sa kabilang goal. Gamit ang iyong daliri, pagalawin ang paddle at manalo ng tatlong goal.
  13. Penalty Kicks – I-swipe ang iyong daliri para sipain o i-dive ang bola. Kung sino ang unang makalimang puntos ang mananalo. 
  14. Snakes – Huwag hayaang madikit ang iyong ahas sa ahas ng kalaban. Pahaba nang pahaba ang iyong ahas kaya subukang mabuhay habang iniiba-iba ang direksyon nito!
  15. Money Grabber – I-drag ang pera papunta sa iyong safe. I-swipe ito gamit ang iyong daliri. 
  16. Pinball – I-tap ang kaliwa’t kanang controller at ipadala ang bola sa goal ng kalaban. 
  17. Racing Cars – Makipagkumpitensya sa iyong kalaban! Sikaping mauna sa paligsahan ng mga sasakyan. Unang makapitong ikot sa lap ang mananalo. 
  18. Tanks – Sirain ang tangke ng kalaban. Gamitin ang kaliwang stick para gumalaw at ang kanang stick naman para umatake. 
  19. Basket Ball – Kunin ang bola kapag ito ay nasa iyong teritoryo at i-shoot. Hangga’t hindi nadidikit ang bola sa sahig, hindi ito pwedeng agawin ng kalaban!
  20. Sword Thrower – Hawakan ang iyong espada at tantsahin ito upang matamaan ang iyong targets. Gamitin din ang sandata sa pag-cancel out ng kanilang tira. 
  21. Chess – Panatilihing buhay ang iyong King!
  22. Mini Golf – Ang manlalarong may lamang na dalawang puntos sa kalaban ang siyang tatanghaling panalo. 
  23. Ship Battle – Protektahan ang iyong ship laban sa canon shot ng iyong katunggali. Galawin ang iyong daliri upang kontrolin ang iyong shield. 
  24. The Last Sashimi – Mahilig sa mukbang? Ang sashimi ay nagkakahalaga ng isang puntos at ang onigiri naman ay tatlong puntos. Paunahang makakuha ng 15 puntos ang mananalo. 
  25. Star Catcher – Paunahang makakuha ng pitong bituin ang mananalo! Iwasan ang black hole. 
  26. Mini Soccer – Gamit ang iyong daliri, kontrolin ang iyong team at mag-goal! Ang may pinakamataas na puntos matapos ang 90 segundo ang siyang mananalo. 
  27. Whack A Mole – Tamaan ang mole na kaparehas ng iyong kulay. Mananalo ang unang makakuha ng 30 puntos. 
  28. Shuriken Bamboo – Putulin ang bamboo canes ng iyong kalaban gamit ang iyong shuriken!
  29. Checkers – Hulihin ang lahat ng piece ng iyong kalaban!
  30. Crabby Volley – Ilaglag ang bola sa field ng kalaban. Limang puntos para manalo. 
  31. Paint Fight – Pinturahan ang iyong screen ng iyong kulay. Kung sino ang may mas malawak na lugar na napinturahan sa loob ng 45 segundo ang siyang tatanghaling panalo. 
  32. Unfair Fishing – Itapon ang iyong fishing rod sa pamamagitan ng pag-swipe at drag sa screen. Unang makahuli ng 25 na isda ang panalo. Siguraduhing iwasan ang mga jellyfish! 
  33. Light Fingers – Pabilisan sa pagnakaw ng diamond. Unang maka-limang puntos ang siyang mananalo. 
  34. Traffic Jam – Patumbahin ang kalaban habang sinisiguro ang iyong kaligtasan. Huwag magpapalaglag sa tubig. Gamitin ang joystick para imainobra ang iyong sasakyan.
  35. Guard and Thief – Kokolektahin ng magnanakaw ang coins, samantalang kailangan namang hulihin ng guard ang magnanakaw. Kung sino ang may pinakamaraming coins na nalikom ang mananalo. 
  36. Frogs Fight – Tumalon sa water lilies habang nanghuhuli ng mga insekto! Ang dragonfly ay nagkakahalaga ng limang puntos. Unang maka-score ng sampu ang mananalo. 
  37. Robot Arena – Matira matibay! Pagtagumpayan ang mga balakid sa deadly arena. Iwasan ang cannonballs, lasers, at spinning blades. 
  38. Explosive Festival – Atakihin ang teritoryo ng iyong kalaban. I-press ang spinning wheel para i-fire ang rocket. 
  39. Archery Master – I-load ang iyong palaso at paunahan sa pagkuha ng 70 na puntos.
  40. Disco Battle – Tantsahin at i-press sa tamang pagkakataon sa tuwing papunta ang nota sa iyong platform. Kung pamilyar ka sa tap tap dance, similar ang gameplay nito rito. 
  41. Frozen Breaks – Mangolekta ng 30 isda! Gamitin ang iyong daliri para kontrolin ang penguin. Huwag itong hayaang malaglag sa butas. 
  42. Fatal Siege – Harangan ang hukbo ng mga kalabang papunta sa iyong teritoryo. I-launch ang iyong cannonball para magapi sila. 
  43. Bowling – I-drag ang iyong daliri para matumba ang bowling pins. Tatanghaling panalo ang kung sino ang may pinakamataas na puntos matapos ang apat na round. 
  44. Sticky Tongues – Gamitin ang iyong dila para hulihin ang dragonfly. Kapag tira naman na ng kalaban, kontrolin ang dragonfly gamit ang joystick para hindi makain ng katunggali. 
  45. Dung Battle – Galawin ang iyong beetle at dalhin ang bolang brown sa iyong base. Iwasan ang ladybugs! 
  46. Rat Race – Tumakbo papalayo sa paw ng pusa. Kolektahin ang pira-piraso ng keso bago makuha ng kalaban. 
  47. Pizza Memory – Panoorin ang pagkakasunod-sunod at gawing muli kung paano inayos ang pizza. Kapag tapos ka na, patunugin ang bell. 
  48. King of the Yard – Kunin ang korona at panatilihing nakalagay sa iyong ulo. Huwag  hahayaang maagaw ng kalaban. 
  49. Piranha Rush – Tumakbo papalayo sa mga piranha! Iwasan din ang coral reefs. 

Saan pwedeng i-download ang 2 Player Games: The Challenge? 

Sa kasamaang palad, hindi pa available ang larong ito sa PC. Ngunit huwag mag-alala dahil pwede naman itong laruin sa iyong mobile devices. ​​Sundin lang ang mga sumusunod na hakbang sa pag-download ng laro. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para iOS users. I-type ang 2 Player Games: The Challenge sa search bar. Pagkatapos ay i-click ang icon nito at ang Install o Get button. Hintaying makumpleto ang pag-download tsaka buksan ang app at kumpletuhin ang sign in details. Ayan, pwede ka nang makapagsimula ng paglalaro! Kung interesado kang malaman pa ang tungkol sa laro, patuloy na basahin ang artikulo. Inihanda ng Laro Reviews ang tips, tricks, pros, at cons nito para makatulong sa iyo. 

Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download 2 Player Games: The Challenge on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.JindoBlu.TwoPlayerGamesChallenge

Download 2 Player Games: The Challenge on iOS https://apps.apple.com/us/app/2-player-games-the-challenge/id1465731199?msclkid=857212b6a85411ec8c921cb88aacdbb1

Download 2 Player Games: The Challenge on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.JindoBlu.TwoPlayerGamesChallenge-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Kung gusto mong mas maging pamilyar sa takbo ng mini-game bago magsimula, may tutorial videos na available para iyong panoorin. Mula rito, maaari ka nang bumuo ng estratehiya at diskarte para sa mga mini-game na nangangailangan nito. Kung kakalabanin ang AI ng 2 Player Games: The Challenge, pula ang default mong kulay. Ngunit kung may kasama kang ibang manlalaro, kayo na ang bahalang magdesisyon kung sino ang grupo ng pula o bughaw. 

Kung system-generated naman ang iyong magiging katunggali, maaaring baguhin ang level of difficulty ng Easy, Normal, at Hard. Kung sa tingin mo ay mahihirapan ka pa o nais munang tantasahin ang touch gameplay, magsimula ka muna sa Easy mode. Habang nasasanay ka, maaari nang pataasin ang level hangga’t sa makaya na ang Hard mode.  

Pros at Cons ng 2 Player Games: The Challenge

Nakakaaliw laruin ang 2 Player Games: The Challenge dahil iba-iba ang mini-games na ino-offer ng laro. Madali lang ang gameplay ng karamihan sa mini-games ngunit may iba na mapapaulit ka talaga dahil sa hamon na dala nito. Makulay rin ang graphics sa laro at swak sa kabuuang atmospera nito. Pasok din itong laruin anuman ang edad dahil masasabing pampamilya ang 2 Player Games: The Challenge. 

Sa kabila nito, ang bilang ng ads ang isa sa maaaring rason para umayaw ang mga manlalaro. Dahil may sumusulpot na ads matapos ang isang round ng paglalaro, may option na ibinigay ang laro para mahinto ang ads at automatic na ma-unlock ang lahat ng premium games sa pamamagitan ng in-app purchase. Sa halagang $1.89, makukuha ang lahat ng ito. Bukod pa rito, may technical difficulties ding kinakaharap ang ibang mga manlalaro sa touch gameplay nito. Nakakasagabal ang ganitong problema lalo na’t kung intense ang labanang nagaganap. 

Konklusyon

Bilang pagbubuod, nakakaaliw laruin ang 2 Player Games: The Challenge dahil sa iba’t iba nitong mini-games. Kung naghahanap ka ng laro na simple ngunit exciting, swak na swak ito sa iyo! Mainam itong laruin kasama ang iyong kapatid, magulang, pamilya, kaibigan, o kasintahan dahil pandalawang manlalaro talaga ang larong ito. Walang kasamang kalaro? May option din ang 2 Player Games: The Challenge para kalabanin ang AI ng laro nang sa gayon ay hindi maudlot ang iyong paglalaro. Ano pa ang hinihintay mo? I-download na ang 2 Player Games: The Challenge! 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...