Fill The Fridge Review

Bilang parte ng ating adulting life, mas enjoyable na ang pagpunta sa grocery store kaysa ang pag-party. Mas nagiging kasiya-siya na ang simpleng bagay tulad ng paglilibot sa grocery para tingnan ang iba’t ibang brands ng mga pagkaing maaaring subukan at tikman. Sikat din ang mga bultuhang pamilihan gaya ng S&R at Landers Superstore. Hindi kagaya ng pangkaraniwang grocery store, mas mainam kung pang-isang buwan ang iyong bibilhin dahil maramihan ang packaging dito. Taliwas sa nakasanayang tingi-tingi, masasabing mas makakatipid sa ganitong pamamaraan. Dahil dito, naging tanyag din ang mga content gaya ng “What’s in my fridge?” at reels at Tiktok videos kung paano ino-organize ang kanilang pantry. Kung kaya’t hindi na rin nakapagtataka kung may mga larong umuusbong na may ganitong tema. 

Isa na rito ang Fill the Fridge na nilikha ng game developer na Rollic Games. Itinayo noong Disyembre 2018, ang Rollic ang isa sa pinagpipitagang kumpanya na may tinatayang isang bilyong downloads mula sa iba’t ibang free-to-play na laro para sa iOS at Android. Kaya para malaman ang features, tips, pros, cons, links kung saan pwedeng i-download ang Fill The Fridge, siguraduhing basahin hanggang dulo ang artikulong itong mula sa Laro Reviews! 

Gameplay ng Fill The Fridge

Mahilig ka bang mag-organisa ng mga bagay-bagay? O ‘di kaya ay nare-relax sa ASMR videos? Kung oo ang sagot mo sa mga tanong na iyan, malamang ay nababagay sa iyo ang larong ito!

Simple lang ang gameplay ng Fill The Fridge. Ayusin lang ang mga pinamili sa grocery store. Malaki at malawak ang ref at mapapansin ang mga box sa loob nito. Gagamitin ito para mas lalong maging organisado ang iyong mga pinamili. Para matapos ang level, kailangan lamang ilagay nang maayos ang mga pinamiling pagkain. Samu’t sari ang mga bagay na makikita rito. Ilan sa mga produkto na iyong aayusin ay coke, gatas, prutas, canned goods, frozen foods, pringles, at marami pang iba. Kung iyong mapapansin, iba-iba ang hugis at laki ng mga ito kaya nasa iyong diskarte na kung paano ito aayusin. Gamit ang iyong hinlalaki, i-drag lang ang mga pinamili sa plastic box kung saan nais itong ilagay. Patayo itong i-swipe kung nais mong pahaba at pagpatung-patungin ang mga produkto. Pa-horizontal naman, kung nais na pahiga ang maging ayos ng mga pagkain. Pindutin ang check button kung tapos ng i-organize ang isang plastic box. Kung hindi ka naman na-satisfy at nais ibahin ang pagkakaayos ng mga pinamili, may option para dito. I-click lang ang curved arrow na nakaturo pababa. Mapapansing gagalaw nang bahagya ang mga produkto sa plastic box. I-tap lang ang mga pagkaing nais tanggalin at ipalit ang mga pagkaing gustong ilagay. Para naman makatanggap ng tatlong stars kada level, kailangan lamang ubusin ang mga pinamili at ilagay ang mga ito nang maayos sa ref. 

Saan pwedeng i-download ang Fill The Fridge? 

Dahil hindi available ang larong ito sa PC, narito ang instruksyon sa pag-download ng Fill The Fridge para sa Android at iOS users. Hindi na kailangang magbayad para mai-download ang laro sapagkat ito ay free-to-play (F2P). Kung ikaw ay iOS user, gamit ang iyong smartphone, pumunta sa App Store at i-search ang Fill The Fridge. Samantalang kung ikaw naman ay Android user, pumunta sa Google Play Store at i-search ang pamagat ng laro. Hanapin ang laro sa search results at pindutin ang Get button. Kapag nahanap na ito sa search results, pindutin ang Install button para mai-download ang laro. Buksan ang app pagkatapos itong mai-download at kumpletuhin ang mga kailangan sa sign-in details. Kapag natapos mo na ang lahat ng ito, pwede ka na magsimula sa paglalaro! 

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Fill The Fridge on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.GybeGames.FillTheFridgeTest

Download Fill The Fridge on iOS https://apps.apple.com/us/app/fill-the-fridge/id1605936806

Download Fill The Fridge on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.GybeGames.FillTheFridgeTest-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro

Ang susi para laging makakuha ng tatlong star bawat level ay mailagay lahat ng mga produkto sa ref. Bagamat madali ito sa umpisa, masasabing pahirap pa rin ito nang pahirap kada level. Dahil iba-iba ang hugis at sukat ng iyong mga pinamili, kailangang isipin kung paano magkakasya ang lahat ng ito sa lalagyan. Ang ibang box organizer ay malalim ngunit maliit ang hugis. Samantalang ang iba naman ay malawak ang sukat ngunit maiksi ang tangkad. 

Unahin ang mga malalaking pinamili na ilagay sa iyong ref. Dahil bulky ang mga ito, mas madali nang matatantsa ang sasakupin nitong lugar sa box organizer. Tuwing naglalagay ng mga pinamili, magsimula sa dulong bahagi ng box para siguradong nasasakop ang kabuuang area hanggang sa kasuluk-sulukan nito. Kung may mga box na may malaking puwang, tanggalin ito at subukang ilagay ang ibang produkto. Mas organisadong tingnan kung mas siksik at sakto ang pagkakalagay. 

Kung may mga box organizer na nakandado, pindutin lamang ito at hintaying matapos ang video ad na ipapakita. Magagamit ito kung sakaling kulang ang espasyo para mailagay ang lahat ng iyong mga pinamili. Pwede ring i-skip ang kasalukuyang level sa pamamagitan ng panonood ng ads ngunit hindi ko ito mairerekomenda dahil kaunti lamang ang stars at perang makukuha. Importanteng makalikom ng maraming pera dahil ito ang iyong gagamitin para makabili ng iba pang mga produktong maaaring i-organize sa iyong ref. Kapag magke-claim ng awards, tantyahin ang arrow sa x5 dahil ito ang pinakamalaking multiplier na maaaring matanggap. 

Pros at Cons ng Fill The Fridge

Simple man sa unang tingin ang gameplay ng laro, masasabing may pagka-challenging pa rin ito. Dahil iba-iba ang hugis at sukat ng box organizer at mga produktong nabili, kailangang eksaktong masakop ang lahat ng espasyo. Mainam ito para sa mga batang edad 13 pababa dahil sinasanay nito ang kakayahan nila sa pag-iisip at pag-e-estimate. Makulay at disente rin ang graphics at audio na ginamit. 

Sa kabila nito, masasabing mas matimbang pa rin ang mga negatibong aspeto ng laro. Sandamukal ang bilang ng ads na makikita sa larong ito. Naiintindihan ng mga manlalaro ang kahalagahan ng ads sa game developers dahil mapagkukunan din ito ng pagkakakitaan. Subalit sa kaso ng Fill The Fridge, maiirita ka dahil sa dami ng pop-up ads. Nakakailan ka pa lamang sa paglalagay ng mga pinamili sa ref, sunod-sunod ang mga hindi inaasahang ads. May in-app purchase na nagbibigay ng option sa mga manlalaro para matanggal ito, ngunit para sa Laro Reviews, hindi ito sulit. Dahil kahit matanggal man ang ads, wala ng ibang pwedeng gawin dito. Paulit-ulit lang ang game mechanics ng laro kaya madaling mababagot ang mga manlalaro. 

Konklusyon 

Ang Fill The Fridge ang isa sa mga halimbawa ng larong malaki ang potensyal ngunit nasasayang dahil sa dami ng pop-up ads. Ang simple at madali nitong gameplay ay masasabing parte ng charm ng laro. Ngunit patuloy na nasisira ito dahil walang-humpay ang paglabas ng mga hindi inaasahang ads. Naiintindihan ng karamihan sa mga manlalaro ang importansya ng ads sa game developers dahil pandagdag ito sa kanilang kinikita. Ngunit sa kaso ng mga larong kagaya ng Fill The Fridge, masasabing mas nananaig ang pagkairita dahil nasisira ang konsentrasyon mo sa paglalaro. Bukod pa rito, kung hindi pag-iibayuhin ng Rollic Games ang larong ito at hindi bibigyan ng panibagong content, patuloy lamang itong magiging nakadidismayang laro. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...