Darts of Fury Review

Ang paglalaro ng darts ay isang simple ngunit nakakaaliw na aktibidad. Sa katunayan, itinuturing din itong isang uri ng sports. Maaari mo rin itong gawing libangan kasama ang mga kaibigan at kakilala. Kahit walang masyadong aksyon at ganap dito, napaka-competitive pa rin ng larong ito. 

Ipinakikilala ng Laro Reviews ang isang gaming app na maaari mong gamitin upang makapaglaro ng darts sa iyong mobile gadget. Ang Darts of Fury ay isang sport game app mula sa Yakuto na inilabas noong 2017. Sa pamamagitan ng natatangi nitong features at kapanapanabik na gameplay, pwede ka ng maglaro ng darts na hindi gumagamit ng aktwal na darts at dartboard. 

Ang mga manlalaro rito ay sasabak sa pandalawahang real-time matches. Sa simula ng laro, ang bawat isa ay magkakaroon ng 101 initial points. Ang manlalarong unang makakuha ng eksaktong zero ang ituturing na panalo sa match. Upang magawa ito, kailangang makipagsalitan sa pagtira ng darts. Ang dartboard ay nahahati sa mga bahaging may bilang na 1 hanggang 20. Ang katumbas na bilang ng matatamaan ng bawat tira ay ibabawas sa initial points ng mga manlalaro. 

Paano I-download ang Laro?

Ang Darts of Fury game app ay libreng maida-download mula sa Play Store at App Store para sa iOS o Android device. Kung gusto mo namang maglaro gamit ang isang gadget na may mas malapad na screen, maaari mo rin itong i-laruin gamit ang laptop o desktop. I-download lang ang app at i-run ito gamit ang isang Android emulator. Para hindi kana mahirapan pa, maaari mo ring gamitin ang mga sumusunod na link:

Download Darts of Fury on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=uk.co.yakuto.DartsOfFury

Download Darts of Fury on iOS https://apps.apple.com/us/app/darts-of-fury/id1098189391

Download Darts of Fury on PC https://pcmac.download/app/1098189391/darts-of-fury

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Sa pamamagitan ng multiplayer game na ito, maaari mong pasukin ang larangan ng darts at makipagkumpitensya laban sa mga manlalaro mula sa iba’t ibang sulok ng mundo. Sa solid na gameplay nito at physics-based dynamics, makasisiguro ka na ang bawat minuto ng iyong paglalaro ay puno ng kakaiba at nakakaaliw na gaming experience. 

Maaari kang maglaro bilang isang guest dito, subalit mas mainam pa rin kung magsa-sign in ka sa laro upang siguradong masi-save ang iyong game data. Bukod dito, magkakaroon ka rin ng eksklusibong game rewards. Ang kailangan mo lang gawin ay i-link ang iyong Facebook account sa laro. 

Ang mga sumusunod ay mahahalagang bagay tungkol sa laro na kinakailangan mong malaman. Basahin ang gabay na ito mula sa Laro Reviews upang maging mahusay at matinik na manlalaro sa dart game na ito. 


  • Game Mechanics

Inaanyayahan ka ng Darts of Fury sa isang competitive sports game na magbibigay-daan para ikaw ay maging isang ultimate dart master. Ito ay nagtatampok ng mabilisang game matches na mainam gawing libangan tuwing break time. Sa bawat match ay makakatapat mo ang isang random na manlalaro. Ang bawat isa sa inyo ay may tig-tatlong pagkakataon para tumira sa bawat salitan. Ang unang manlalaro na magkakaroon ng zero points ang magwawagi, makakakuha ng mas malaking reward at magpapatuloy sa susunod na level. 

  • Game Controls at Scoring System

Ang game controls nito ay simple at madaling matutunan. Kailangan mo lang i-press at i-release ang dart icon patungo sa dartboard. Maaari mo ring ilipat o ibahin ang posisyon nito upang ma-target ang matataas na numbers sa dartboard. Ang katumbas na number ng bahaging matatamaan mo ay mababawas sa iyong total points. Kung gusto mong manalo kaagad, sikaping tamaan ang number 20 sa bawat pagtira. 

  • Darts

Hindi tulad ng aktwal na laro, pwede mong palitan at i-upgrade ang darts na ginagamit sa larong ito. May dalawang paraan para makakuha ng bagong darts. Ang una ay sa pamamagitan ng pag-level up. Ang pangalawang paraan naman ay sa pamamagitan ng pagbili ng premium darts mula sa Shop. Ang mga ito ay may iba’t ibang stats, kapag mas mataas ang stats ng darts, tumataas din ang accuracy level nito. Ang pinaka-basic na uri ng dart ay ang Flea at ito ang ginagamit ng mga baguhang manlalaro. 

May customization feature din ang larong ito kung saan pwedeng i-personalized at i-upgrade ang darts na pagmamay-ari mo. Para magawa ito, i-click ang Dart section at piliin ang customization feature at baguhin ang type, shape, flight at style ng iyong dart. 

  • Game Mode

May tatlong game modes ang larong ito na pwede mong pagpilian: League Matches, Featured Seasons at Training Mode. Kung nais mong mai-unlock ang mas magagandang uri ng darts at makapag-level up sa mas mabilis na paraan, kinakailangan mong sumabak sa League Matches. Sa pamamagitan naman ng paglalaro sa Featured Seasons, maaari kang manalo ng special rewards. Gayunpaman, ang game mode na ito ay available lang para sa premium players. Kung gusto mo namang magsanay at maging eksperto sa laro, ang Training Mode ang para sa’yo. 

Pros at Cons ng Darts of Fury

Maraming manlalaro ang humahanga sa kamangha-manghang kalidad ng graphics at animations ng larong ito. Ang moderno at detalyadong disenyo ng darts at dartboard ay takaw-pansin din at talagang nakakaakit. Kuhang-kuha ng gameplay nito ang actual na dynamics ng dart game. Ang game controls ay napakadaling gamitin at gumagana ng maayos. Ang real-time matches nito ay kahanga-hanga rin dahil puno ito ng kapanapanabik na kompetisyon. Kakaunti lang ang lumalabas na ads dito at hindi naman masyadong nakakaabala sa paglalaro. 

Sa kabilang banda, ang larong ito ay may mga kapintasan din. Mahirap makakuha ng sapat na halaga ng coins dito. May kamahalan mag-upgrade ng darts at kung gusto mo talaga ay kinakailangan mong gumastos ng pera para dito. Marami ang nagsasabi na ang scoring system nito ay hindi patas at mas pinapaboran nito ang mga manlalarong may mas mataas na level. Bukod sa mga nabanggit, mayroon din itong technical issues tulad ng bugs at glitches. May mga pagkakataon ding bigla na lamang nagfi-freeze ang app. Medyo nakakadismaya rin na ang Training Mode ay limitado lamang. Kinakailangan mong magbayad para magkaroon ng unlimited access dito.

Konklusyon

Ang Darts of Fury ay nakakuha ng average rating ng 4.5 stars mula sa mahigit 200,000 reviews sa Play Store. Samantala, mayroon naman itong 4.7-star rating mula sa 50,000+ reviews sa App Store. Walang pag-aalinlangan na ang Darts of Fury ay isa sa mga pinakamainam na alternatibo para makapaglaro ng darts. Sa pamamagitan ng high-precision gameplay at nakamamanghang visuals nito, tiyak na malilibang ka talaga lalo na sa simula. Subalit, huwag kaligtaan na sa katagalan ay nagiging pay-to-win na ang sistema nito at kung gusto mong magpatuloy pa ay kinakailangan mong gumastos. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...