Marahil ay naging pamilyar ka na sa mga larong ang game mechanics ay atakihin ang teritoryo ng kalaban upang sirain ang mga naipundar nilang gamit o ‘di kaya naman ay simpleng kumupit ng kanilang yaman dito. Kung natatandaan mo pa, may nai-feature na kaming ganitong laro noon gaya ng Animal Kingdom: Coin Raid ng Innplay Labs kung saan kailangan mo lamang lumikha ng isang tulay upang kumita ng coins at makalikha ng kaharian. Sa paggawa rin ng tulay nakadepende kung kaninong kaharian ka maaaring magtungo upang manira at magnakaw. Ganito rin ang mayroon dito sa Dice Dreams™️ ng SuperPlay na siyang itatampok natin ngayon. Ang kaibahan lamang ay nakasalalay ang iyong swerte sa larong ito sa pamamagitan ng pagpapagulong mo ng tatlong dice. Sa mga dice na ito nakasalalay kung gaano karami ang iyong makukuhang coins upang makalikha ng sariling kaharian at makapagtungo sa iba’t ibang klase ng lugar. Halina’t subukin natin ang iyong swerte at galing. Pagulungin ang dice, umatake o ‘di kaya naman ay kumupit ng coins sa ilang manlalaro upang makapagtayo ng sariling kaharian.
Contents
Features ng Dice Dreams™️
Ang Dice Dreams™️ ay mayroong tatlong bilang ng dice na maaaring pagulungin ng bawat manlalaro. Sa oras na pare-pareho ang lumabas sa tatlong dice na ito, ito ang maaaring makuha ng bawat manlalaro. Ang isang dice ay may iba’t ibang klase ng side gaya ng coin, attack, shield, jackpot, free, at question mark. Bawat isa ay may kanya-kanyang gamit na siyang maaari mong mapakinabangan bilang isang manlalaro. Mayroon ka lamang limampung tyansa upang mapagulong ang iyong mga dice ngunit may pagkakataon din namang maaari itong madagdagan kung patuloy mo itong lalaruin.
Kalimitang nangyayari ang laro sa mismong lugar kung saan kailangan mong magtayo ng iyong sariling kaharian. Habang nangyayari ang pagpapaikot ng dice sa gitnang parte, makikita naman ang limang pwestong nakapaligid dito. Dito sa mga parteng ito maaari mong itayo ang iyong palasyo, statue, bahay, puno o kung ano pa mang gusali, depende sa iyong kasalukuyang lokasyon. Bawat isa sa mga ito ay may limang crowns o nagsisilbing level na kapag nakumpleto mo na ay maaari ka nang magtungo sa panibagong lokasyon. Sa kabuuan ay mayroong 140 na lokasyong matatagpuan sa larong ito. Maaari pa itong madagdagan ayon sa developer nito.
Upang mas maging kapanapanabik pa ang larong ito, mayroon ding card section na makikita sa larong ito. Laman nito ang iba’t ibang klase ng cards gaya ng Coins, Steal, Attack, Rolls, Free Rolls at marami pang iba na maaari mong ma-unlock kung magtatagal ka pa sa paglalaro nito. Dahil na rin maaari mong makasama ang iyong kaibigan o kaya naman ang iba pang manlalarong nasa loob ng larong ito, maaari mong gamitin ang mga card na ito upang magkaroon ng kalamangan sa laro. Bukod pa rito, idagdag na rin natin ang iba’t ibang klase ng stickers na siyang maaari mong kolektahin sa laro kung nais mong makakuha ng iba’t ibang klase ng reward.
Sa larong ito, tunay na hindi mawawala ang riot. Bawat minuto ay hindi nawawala ang bawat pag-atake at pagnanakaw. Dahil na rin sa mayroon kang kakayahang makapagtungo sa iba’t ibang kahariang pagmamay-ari ng iba’t ibang manlalaro, malaki ang posibilidad na sumugod din sa iyong kaharian ang mga ito upang wasakin ito o kaya naman ay magnakaw. Ang Kingdom News section ang makakatulong sa iyo pagdating dito dahil kaya nitong ibigay sa iyo ang kumpletong listahan ng mga manlalarong umatake at nagnakaw sa iyong kaharian.
Saan maaaring i-download ang Dice Dreams™️?
Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 123MB sa Google Play Store habang 252.4MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng BlueStacks para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.
Download Dice Dreams™️ on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.superplaystudios.dicedreams
Download Dice Dreams™️ on iOS https://apps.apple.com/us/app/dice-dreams/id1484468651
Download Dice Dreams™️ on PC https://www.bluestacks.com/apps/casual/dice-dreams-on-pc.html
Tips at Tricks sa Paglalaro ng Dice Dreams™️
Upang magkaroon ng adbentahe sa larong ito, kailangan mo lamang tandaan ang ilang mga bagay. Narito ang tips ng Laro Reviews para iyong subukan:
Ang pinaka-misyon mo sa larong ito ay ang magtayo ng limang klase ng gusali sa isang lokasyon. Sa oras na makumpleto mo ito ay sunod ka naman nitong dadalhin sa panibagong lokasyon upang ulitin ang ganitong proseso. Sa ganitong paraan ka lamang makakausad sa laro, wala nang iba pa. Kaya naman, mahalagang tandaan ito at dito ka lamang mag-focus bilang manlalaro ng larong ito. Huwag lamang mag-focus sa pag-iipon ng coins, pag-atake at pangungupit para lamang makarami ng coins dahil balewala naman ito kung hindi mo alam kung saan ito kailangang gamitin.
Kung papansinin ang button na siyang maaari mong pindutin kung nais mong pagulungin ang dice, mapapansin mo ang mas maliit pang button kung saan nakalagay ang x1, x2 o maaaring umabot ng x5 kung magtatagal ka pa sa laro. Ang mga ito ang maaari mong gamitin kung nais mong madoble pa ang bilang ng maaaring ma-combine mo sa tatlong dice. Halimbawa, tatlong coins ang lumabas sa dice, maaaring makatulong ang mga button na nabanggit upang madagdagan pa ang iyong coins.
Pros at Cons ng Dice Dreams™️
Ang ilan sa mga bagay na nagustuhan ng Laro Reviews pagdating sa Dice Dreams™️ ay ang lahat ng bagay na una mong mapapansin dito kung tatangkain mo nang pasukin at laruin ito. Gaya na lamang ng graphics nito kung saan nagagawa nitong pagaanin ang mood ng laro dahil sa makukulay at kaakit-akit na disenyong inilaan para rito. Kung tutuusin ay hindi naman ito maituturing na unique ngunit hindi mo pa rin maiiwasang maaappreciate ang artstyle na ginamit dito lalo na sa pagkakataong kailangan mong i-build ang partikular na gusali ng limang beses para lamang makita ang huling transformation nito. Idagdag mo na rin dito ang sound na ginamit partikular na sa mga maliliit na nilalang na makikita rito dahil sa maliliit din nilang mga boses. Matitinis man ngunit hindi ito yung tipo ng boses na hindi mo gugustuhing pakinggan lalo kahit pa paulit-ulit.
Natural na sa mga larong makaranas ng gaan sa simula ngunit unti-unti ka namang pahihirapan sa mga susunod nang level. Dito sa larong ito, una ka nitong paiibigin pagdating sa pagpapagulong ng dice, kasasabikan mo ang bawat paraan upang kumita ng maraming coins gaya rito na maaari kang umatake sa iyong mga kapwa kalaro o kaya naman ay palihim na kumupit sa kanilang mga tagong yaman. Gayunpaman, may pagkakataon din talaga na tila nagiging mahirap na ito lalo na sa parte kung saan tila ang tagal ng kailangan mong hintayin para muling makapag-reroll ng dice. Nagiging pricey na rin ang ilan sa mga item na narito, dahilan upang masabi ng ilang manlalarong hindi na pang libangan ang larong ito kundi kumpletong negosyo. Bukod pa rito, idagdag na rin ang pagkakaroon ng Kingdom News feature bilang isang section na maaaring puntahan ng bawat manlalaro upang masilip kung sino ang nagtangkang magnakaw at sumira sa iyong kaharian ngunit wala namang option upang sila’y magantihan.
Konklusyon
Nakakaakit at hindi mahirap intindihin ang game mechanics na mayroon ang Dice Dreams™️. Hindi rin malabo ang posibilidad na kaadikan mo ito dahil tunay naman talagang nakakaaliw ito. Ngunit kung pagiging totoo lamang din ang pag-uusapan, ito rin ang tipo ng larong maaari mong pagsawaan agad. Tunay mang mahaba at may karamihan ang ilang mga lokasyonng mapupuntahan dito, hindi mo pa rin maiiwasang mabagot kalaunan dahil repetitive lamang ito. Gayunpaman, hindi namin isinasara ang posibilidad na laruin ito ng ilan. Kung nais mo ng isang multiplayer game na may kinalaman sa dice, inirerekomenda namin ang larong ito para sa iyo.
- 0 Comment
- Casual Game Apps, Reviews
- July 20, 2022