Dream Home Match ★ Renovate Mansion Review

Mayroon ka bang hinahangad na itsura para sa iyong bahay? Huwag mag-alala sapagkat maisasakatuparan mo ito sa Dream Home Match ★ Renovate Mansion! Mararanasan mo rito ang pagre-renovate ng mga kwarto at pagpili ng magiging disenyo nito. Basahin ang article na ito upang malaman kung ano ang inihandang impormasyon ng Laro Reviews tungkol dito.

Magsisimula ito sa isang short animation tungkol sa maliit na pamilya mula sa point of view ng panganay na anak. Ikinuwento niya na ang bunso nilang si Oliver ay ipinanganak noong siya ay limang taong gulang. Napakakulit daw ni Oliver kaya laging nagagalit ang kanilang nanay, samantalang busy naman masyado sa lab ang kanilang tatay. Hanggang sa pareho na silang lumaki at saka lumipat ng bahay dahil sa trabaho ng tatay nila. Madalas na ikinagagalit ng kanilang nanay ang labis na pagiging babad sa trabaho ng kanyang asawa kaya pumunta sila sa isang trip habang naghahangad na makatulong ito sa kanilang dalawa. Handa ka na bang gawin ang inyong planong isalba ang bahay at ang pagsasama ng inyong magulang para mailigtas ang pamilya mula sa pagkakawatak-watak?

Features ng Dream Home Match ★ Renovate Mansion

Different Styles – Bukod sa napakaraming challenges ng match-3 puzzles na iyong kahaharapin, sari-saring magagandang disenyo rin ang ipapamalas ng laro. Ikaw ang magpapasya kung ano ang magiging bagong itsura ng mansion. Iba’t ibang styles ang ipapapili sa iyo ng laro kaya tiyak na mapupukaw ang iyong interes sa mga ito. Ano pang hinihintay mo? Ipamalas na ang galing sa pagdidisenyo!

Explore the Mansion – Napakalawak ng mansion kaya ang daming mga lugar na pwede mong mapuntahan! Hindi lang ito, dahil habang patuloy ang iyong progress sa laro, dumarami rin lalo ang areas na pwede mong i-unlock. Habang nililibot mo ang mansion, samahan ang karakter na balikan ang alaala mula noong tumira sila rito.

Offline Mode – Pwedeng-pwede mo itong laruin kahit saan sapagkat hindi mo na kailangang i-connect sa Wi-Fi o mobile data ang iyong mobile device para laruin ito. Dahil dito, mae-enjoy mo pa rin ang paglalaro kung naghihintay ka man sa pila o sa iyong kasama. Bukod pa rito, simple lang din ang mechanics nito kaya maganda itong pampalipas-oras at pang-relax habang free time mo. Tuluy-tuloy lang ang paglalaro mo ng kada level at ang pag-decorate ng bahay anumang oras!

Saan Pwedeng I-download ang Dream Home Match ★ Renovate Mansion?

Ituturo ng Laro Reviews sa section ng article kung saan at paano i-download ang Dream Home Match ★ Renovate Mansion. Available ang laro sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro o kaya i-click ang link na nakalagay sa ibaba. Pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Ayan, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Dream Home Match ★ Renovate Mansion on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.dreamhomematch.casual.free

Download Dream Home Match ★ Renovate Mansion on iOS https://apps.apple.com/us/app/dream-home-match-3-puzzles-gam/id1459604767

Download Dream Home Match ★ Renovate Mansion on PC https://napkforpc.com/apk/com.dreamhomematch.casual.free/

Tips at Tricks sa Paglalaro

Makikita sa Daily Task page ang listahan ng tasks na kailangan mong gawin. Ngunit bago mo ito magawa, kailangang mayroon kang sapat na bilang ng trophies na hinihingi nito. Para magkaroon ng trophy, kailangan mo munang maglaro ng match-3 puzzle dahil isa ito sa matatanggap mong rewards dito. Pagkatapos mong gawin ang bawat task, isa-isang madadagdagan ang nawawalang puzzle pieces sa puzzle na matatagpuan sa kaliwang gilid nito. Samakatuwid, iba’t ibang activities ang pwede mong gawin sa laro ngunit magkakadugtong ang mga ito dahil kakailanganin mo ang isa para magawa ang iba.

Alamin kung ano ang target ng nilalaro mong level dahil kailangan mo itong makumpleto para malampasan ang level. Matatagpuan sa kaliwang bahagi ng screen kung anong at ilang pieces ang magiging target mong makuha. Kaya patuloy mo lang kolektahin ang required na pieces dahil ito ang priority mo. Nasa taas naman nito ang natitirang bilang ng moves na mayroon ka. Kailangan mong maging alerto rito para matantsa mo nang maayos kung anong technique ang gagawin mo para masigurong magawa ang target habang hindi pa nauubos ang iyong moves. Limitado lang ang moves na pwede mong gawin kada level kaya mainam na maging talino sa paggamit ng bawat move.

Simple lang ang mechanics nito dahil pareho lang din ito ng ibang match-3 puzzles. Ang kailangan mo lang gawin ay i-match ang tatlong magkakaparehong pieces sa pamamagitan ng pag-swap nito. Ang tip ko ay unahin mong i-match ang mas maraming pieces dahil magreresulta ito sa special piece na may kakayahang sabay-sabay na mag-eliminate ng maraming pieces. Mapapadali ang iyong paglalaro sa tulong ng mga ito. Bukod pa rito, makakatulong ang paggamit ng booster lalo na kapag mahirap ang nilalarong level. Nasa kanang bahagi ng screen ito matatagpuan kung saan pwede kang mamili ng iyong gagamitin sa tatlo. Kailangan mo muna itong i-unlock bago tuluyang magamit. May obstacles ka ring kahaharapin sa iyong paglalaro. Kapag may na-encounter kang mga kahon, ang gagawin mo lamang ay i-match ang pieces na katabi nito para mawala ang kahon. Unahin mo laging tanggalin ang mga kahon sa level dahil balakid ito sa iyo sapagkat nagiging harang ang mga ito sa ibang pieces.

Pros at Cons ng Dream Home Match ★ Renovate Mansion

Nakakapukaw ng interes ang magandang istorya ng laro kaya ilu-look forward mo ang pagsubaybay sa magiging daloy ng kwento. May mga pagkakataon kung saan nakakatawa ang kinukwento rito. Nandoon pa rin ang pagiging challenging ng levels ngunit makatarungan pa rin naman ang gameplay kaya hindi mo ito ikakainis. Samakatuwid, mayroon itong magandang balanse ng difficulty sa levels. Angkop din ang daloy ng laro mula sa puzzles papunta sa pagpipili ng mga gamit na ilalagay sa loob ng bahay. Maganda rin ang iba’t ibang mga disenyo sa laro kaya paniguradong pasok ang iyong preference na art style para sa bahay. Hindi rin kumplikado ang paglalaro kaya maaaring makapag-relax ang manlalaro habang nag-eenjoy sa paglalaro nito.

Gayunpaman, mayroon itong glitches kung saan kahit na pinalitan na ang ilang gamit sa bahay, bumabalik pa rin ito sa luma nitong itsura pagkatapos ng ilang minuto. Hindi na rin ito kayang baguhin pa kahit magtangka ka pang ayusin ito. Bukod pa rito, kapag inalis mo ang gift ad na lumalabas sa screen, bigla na lamang nawawala ang menu o action buttons kasama nito. Mapapansin ding hindi ganon kaayos ang grammar sa paggamit nito ng wikang English. 

Konklusyon

Alamin ang magiging daloy ng istorya nina Oliver at Dawson kung paano nila isasagawa ang planong i-renovate ang bahay kasabay ang pagligtas sa relasyon ng kanilang magulang. Bilang manlalaro, nakasalalay rin sa iyo ang magiging kahihinatnan ng kanilang pamilya. Bukod dito, magkakaroon ka rin ng pagkakataong pag-ibahing-anyo ang buong mansion. Ipamalas ang iyong creative side dito habang ine-enjoy ang paglalaro ng match-3 puzzles! Batay sa nabasa mo sa article na ito mula sa Laro Reviews, nasa sa iyo na kung nagustuhan mong subukang laruin ang Dream Home Match ★ Renovate Mansion. Kung oo, i-download na ito sa iyong mobile device!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...