Golf Blitz Review

Ang golf ay isa sa sports na halos mayayaman lang ang naglalaro. Sa totoo lang, hindi ko talaga na-enjoy at naintindihan ang konsepto ng golf. Para sa akin, sobrang nakakatamad panoorin ng larong ito at hindi ko kailanman hihilingin na humawak ng golf club. Hindi ko rin nanaisin na maglaro ng isang mobile game na tungkol sa golf. 

Kung maglalaro man ako ng isang golf mobile game sa aking smartphone, nanaisin ko na maglaro ng katulad ng mga nakikita sa mini golf o kahit ano basta may bagong gimmick. Para sa laro natin ngayon sa Laro Reviews, ang mobile game na tatalakayin natin ay Golf Blitz. Aalamin natin kung unique ba ang golf game na ito o kagaya lang ng karamihan sa mga golf games na pwedeng i-download online. 

Golf Blitz 

Ang game developer ng Golf Blitz ay Noodlecake, ang kumpanyanggumawa rin ng Stickman Golf. Ang Golf Blitz ay isang multiplayer game kung saan kailangan mong maipasok sa butas ang golf ball sa pamamagitan ng pinakaunting stroke hangga’t maaari. Mukhang madali pero maraming obstacles na kailangang lampasan bago maipasok ang bola sa hole. 

Sa Golf Blitz, pwede kang makipaglaro ng golf sa iyong mga kaibigan o sa ibang manlalaro sa mundo. Hindi gaya ng ibang golf games na maaari mong i-download sa Google Play Store o AppStore, hindi madali ang golf courses sa Golf Blitz kaya dapat mo itong gamitan ng diskarte. 

Game features ng Golf Blitz

Ang isa sa features ng Golf Blitz ay ang pagkakaroon ng four-person multiplayer. Sa larong ito, makikipag-unahan ka na mai-shoot ang iyong bola sa hole. Maraming trophies ang larong ito at sa bawat laro, maaaring mag-iba ang iyong ranking sa leaderboard. Ang isa pang unique feature ng larong ito ay ang customization options na pwede mong gawin sa iyong avatar. 

Sa Golf Blitz, mayroon kang 15,000 combinations na pwedeng gawin. May iba’t ibang klase ng golfers, damit, at hats na pwedeng mong ma-unlock. Hindi lang basta golf ang Golf Blitz dahil mayroon ka ring mga unique golf balls na pwedeng pagpilian. Ang golf balls na ito ay may special effect sa laro depende sa bolang pipiliin mo. 

Ang mga bolang ito ay may power-ups din na makakatulong sa iyo. Sa una, tatlong power-ups lang ang matatanggap mo pero pwedeng ma-unlock ang iba pa. Maaari mo ring i-upgrade ang skills ng iyong avatar kapag tumaas na ang iyong level upang mas mapaganda pa ang iyong playstyle. Kung ayaw mo namang maglaro, maaari kang manood ng mga naglalalaro sa buong mundo upang makita mo rin ang kanilang mga technique. 

Saan maaaring i-download ang Golf Blitz

Gamitin ang sumusunod na links mula sa Laro Reviews upang mai-download ang laro:

Download Golf Blitz on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.noodlecake.ssg4

Download Golf Blitz on iOS https://apps.apple.com/us/app/golf-blitz/id1413826211

Download Golf Blitz on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.noodlecake.ssg4-on-pc.html

Tips at Tricks para sa Golf Blitz 

Ang unang kailangan mong obserbahan sa paglalaro ng Golf Blitz ay ang golf course kung saan ka maglalaro. Kailangan mong makita ang hugis ng golf course at matapos nito, kailangan mong bumuo ng plano. Sa larong Golf Blitz, kailangan ng maliksing pag-iisip pero hindi mo kailangang magmadali. 

Matapos mong mag-swing ng golf club, mayroon kang 2.5 seconds na cooldown bago ka makapag-swing muli. Sa 2.5 seconds na ito, kailangan mong maisip kung saan ka sunod na titira. Nabanggit kanina na may tatlong pangunahing power-ups sa Golf Blitz at ang isa rito ay sniper ball. Mas nagiging asintado ang iyong swing kapag ginamit ang bolang ito. 

Sa kabilang banda, mainam namang gamitin ang super ball kapag nais mong gumawa ng long shots. Mas magandang gamitin ang super ball kung ang iyong golf course ay wala masyadong kurba. Samantala, ang speed ball naman ay nakakapagpabilis sa iyong bola. Marami pang power-ups sa Golf Blitz at dapat mong masubukan ang mga ito upang makapili ka ng angkop na power-up para sa iyong playstyle. 

At pagdating sa iyong avatar, huwag kang magdalawang-isip na magpalit ng damit, golfer, at hat kung gusto mo. Wala mang dagdag na stats ang paggawa ng mga ito, karamihan naman sa mga items na ito ay nakukuha mo lang nang libre sa mga free packs. Sa larong ito, ikaw na ang bahala kung paano ka magiging malikhain. 

Kailangan mo ring manmanan ang ibang golfers na nasa golf course. Sa Golf Blitz, mas magandang estratehiya na ikaw ang mauna sa mga posisyon na ideal para sa iyong pagkapanalo. 

Pros at Cons ng Golf Blitz

Wala akong alam sa larong golf, pero alam kong mas mahalaga ang accuracy, pasensya, at physics kesa sa bilis ng iyong swing sa bola. Kung nais mong maglaro ng realistic na golf, hindi Golf Blitz ang para sa iyo. Pero kung gusto mo ng maaksyon na multiplayer game para sa iyong mobile phone, ito ang larong dapat mong laruin. 

Ang pinakamagandang multiplayer games ay may competitive na gameplay. Maaaring hindi mo matandaan ang bawat tagumpay, ngunit maaalala mo ang mga laro kung saan muntik ka nang manalo pero nalamangan ka lang nang kaunti ng iyong katunggali. Halos ganito lagi ang mararanasan mong kompetisyon sa Golf Blitz. 

Sobrang simple ng gameplay ng Golf Blitz pero kailangan mo pa rin itong gamitan ng strategy. Malaki rin ang epekto ng power-ups sa larong ito kaya hindi mo pwedeng laruin ito nang walang diskarte. Sa sobrang simple ng Golf Blitz, hindi nakakapagtaka kung maaadik ka rito. Sobrang smooth din ng gameplay at sounds ng laro. 

Hindi lang ang mismong gameplay ang nakakatuwa sa Golf Blitz. Kahit ang golf courses dito ay isang pagsubok sa bawat level. Hindi mo mahuhulaan agad kung ano ang tamang diskarte upang maipasok sa hole ang bola. Dapat tingnan mo nang maigi ang course sa unang ilang segundo ng laro. 

Kapag pinagsama mo ang pag-customize ng character, mga kursong maganda ang disenyo, at ideya ng developers na gumawa ng Stickman Golf, mayroon kang isang mahusay na golf game na maaari mong kaadikan. Hindi ako mahilig sa golf, pero kahit papaano ay hindi ako nainip sa paglalaro ng Golf Blitz. Sa halip, nasiyahan ako ng ilang oras.

Konklusyon 

Isang nakakaengganyong laro ang Golf Blitz. Hindi man ito ginawa upang maging isang tradisyunal na golf game, pero masasabi kong masaya itong laruin. Ang pinakamagandang feature ng larong ito ay ang multiplayer dahil talagang makikipagtagisan ka ng galing. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...