Golf Strike Review

Sumikat ang developer na Miniclip.com dahil sa kanilang larong 8 Ball Pool, isang PvP billiard game. Bukod dito, inilabas din nila ang Plague Inc., kung saan maaari mong i-simulate ang pagkalat ng mga sakit o virus. Ang kanilang larong Golf Strike ay isang online na PvP game kung saan maaaring maglaro ng golf ang mga manlalaro kasama ang ibang tao.

Ang pangunahing layunin ng larong ito ay i-shoot ang iyong bola sa butas na may kaunting shot hangga’t maaari. Bukod dito, gamitin ang iyong resources upang i-upgrade ang iyong mga golf club at bumili ng mga bolang may natatanging abilities.

Sisimulan mo ang laro sa pamamagitan ng pagsasaayos ng trajectory ng iyong bola sa Plan View. Kapag handa na, i-drive ang bola sa pamamagitan ng pag-drag nito sa loob ng bilog. Mas magiging malakas ang iyong pag-swing kung mas malayo mo itong hinihila. Lalabas ang guideline na may pointer sa iyong screen at tutukuyin ang paglipad ng iyong bola. Halimbawa, ang pag-tap sa iyong screen kapag tumama ang arrow sa gitna ay magdadala sa iyong bola sa gitna. Sa kabilang banda, kailangan mong i-putt ang iyong bola kapag ikaw ay nasa green area. I-drag ito upang kontrolin ang power at bitawan kapag huminto ang pointer sa butas.

Features ng Golf Strike 

Play Golf – Isang six player-match kung saan kailangan mong labanan ang iba pang limang manlalaro. Kakailanganin mong magbayad ng entrance fee, ngunit gagantimpalaan ka ng mga coin kung makapasok ka sa top three.

Play Duel – Ito ay isang 1v1 match. Kailangan mo rin ng entrance fee upang sumali sa isang labanan tulad ng sa Play Golf, ngunit mas mababa ang reward nito.

Lucky Shot – Subukin ang iyong galing sa golf dahil mayroon ka lamang isang shot sa mode na ito. Makatatanggap ka ng higit pang mga premyo kapag mas malapit ang iyong bola sa butas. Gayunpaman, magagawa mo lang ito ng isang beses sa isang araw maliban kung magbabayad ka ng totoong pera.

Chests – Nagbibigay sa iyo ng mga reward gaya ng coins at pang-upgrade ng golf club. Ang ilan ay maaaring matanggap sa pamamagitan ng daily tasks, at maaari mong buksan ang mga ito kaagad. Sa kabilang banda, ang mga chest na natatanggap mo mula sa pagkapanalo sa isang laban ay maaaring buksan matapos ang ilang oras.

Leaderboards – Ipinakikita nito ang iyong posisyon sa rank. Nagre-refresh ito bawat linggo, at makatatanggap ka ng mga reward depende sa lugar na iyong naabot.

Friends – Tinutulungan ka ng feature na itong i-add ang iyong Facebook at WhatsApp sa laro sa pamamagitan ng mga invitation. Bukod dito, maaari mo silang hamunin at padalhan ng mga regalo.

Saan pwedeng i-download ang Golf Strike?

Pumunta sa Google Play Store gamit ang iyong smartphone kung Android user ka o sa App Store kung iOS device naman. I-type ang Golf Strike sa search bar. Dahil libre ang laro, i-click at i-install ito at hintaying matapos ang download.

Narito ang mga link kung saan mo maaaring ma-download ang laro:

Download Golf Strike on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=games.onebutton.golfstrike

Download Golf Strike on iOS https://apps.apple.com/us/app/golf-strike/id1505228361

Download Golf Strike on PC https://www.memuplay.com/download-games.onebutton.golfstrike-on-pc.html

Kung nais mong laruin ito sa PC, i-download muna ang MEmu Play emulator mula sa kanilang https://www.memuplay.com. Kumpletuhin ang access na kinakailangan sa Google Play at mag-sign in gamit ang iyong account, at pwede mo nang i-download ang laro at maranasan ito sa PC.

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Palagi ka bang nauubusan ng coins o lagi mong nami-miss ang iyong shot? Hindi kailangang mag-alala dahil ibibigay ng Laro Reviews ang mga tip na ito sa pamamahala ng iyong resources at kung ano ang mga dapat gawin sa loob ng laro.

Mag-upgrade nang mabuti.

Makakukuha ang mga new player ng maraming coins sa simula bilang reward, at makatatanggap sila ng mga upgrade sa golf club. Gayunpaman, kailangan mong kontrolin ang iyong sarili kahit na nakatutuksong i-upgrade ang lahat ng ito. Ang labang maaari mo lang salihan ay ang Rookie league, kaya hindi mo na kailangang pagandahin ang lahat ng iyong club. Kung gagastusin mo ang lahat ng mga ito, hindi ka magkakaroon ng sapat na coins para sa entrance fee.

Direksyon ng hangin.

Maliban kung ang iyong golf ball ay may wind resistance, ang trajectory nito ay maaapektuhan ng hangin habang lumilipad ito. Kaya kailangan mong ayusin ang iyong aim at power kapag nagda-drive ng bola. Halimbawa, palakasin ang iyong pagtama kapag ang hangin ay lumulusong sa iyong direksyon.

I-off ang chat.

Ito ay maaaring nakagagambala kapag kailangan mong tumutok sa iyong pag-asinta. Minsan, maaari itong makaapekto sa iyong performance dahil sa mga instant message gaya ng ‘lol’ o ‘unlucky shot’. Maaari mong isiping pinagtatawanan ka nila kahit na sinadya nila ang mensaheng iyon para sa kanilang sarili, kaya mas mabuting i-off ito upang makapag-concentrate.

Last-minute putting.

Nasa green area ka, ngunit dalawampung segundo na lang ang natitira. Nagsisimula ka nang ma-stress habang nakikita mong umaandar ang timer. Dahil dito, nalampasan mo ang iyong aim at kailangan mong umulit muli. Ito ay maiiwasan kung hindi mo papansinin ang timer at tumutok sa pag-putt ng iyong bola.

Pros at Cons ng Golf Strike 

Therapeutic ang paglalaro ng golf sa totoong buhay, at ginagaya ng laro ang experience na ito dahil sa ambiance at mechanics nito. Ang background music at sound effects ay tumutugma habang naglalaro. Hindi ito masyadong malakas kung saan maaari itong makagambala o masyadong tahimik na wala kang maririnig. Maaaring hindi makatotohanan ang mga visual, ngunit nakakatuwa pa rin itong tingnan. Bilang karagdagan, mayroong itong mga simpleng kontrol upang matutunan ng mga manlalaro kung paano ito laruin sa maikling panahon.

Hindi isang problema ang pag-iipon ng coins dahil ang laro ay nagbibigay nito bawat oras. Kung hindi ito sapat, maaari kang makakuha ng higit pa sa pamamagitan ng panonood ng mga ad. Maaari ka ring mag-grind para sa resources sa pamamagitan ng pagkumpleto ng daily tasks .

Ang laro ay may iba’t ibang mga disenyo para sa bawat uri ng golf club, at maaari mong i-upgrade ang lahat ng mga ito. Maaari kang matagalan sa pagpapahusay ng kanilang stats, ngunit sulit ang iyong pagsisikap dahil ito ay magbibigay sa iyo ng kalamangan sa laro. Maaari ka ring bumili ng mga bola, at magkakaroon ang mga ito ng iba’t ibang disenyo. Gayunpaman, ang mga ito ay hindi lamang para sa aesthetics dahil mayroon silang iba’t ibang mga kakayahan tulad ng wind resistance at spinning strengths. Sa kabilang banda, ang kanilang trails ay maaaring i-customize sa pamamagitan ng pagpili ng disenyo mula sa choices.

Nagkaroon ng problema sa paglalaro ang Laro Reviews sa Play Duel. Nangyari ito noong pareho kaming nasa loob ng green at nag-score ang kalaban ko. Nagkaroon ako ng pagkakataonng maka-iskor sa halip na matalo. Noong turn na nila, naging invisible ang stroking guide kahit nakikita mo pa ang bola. Ang laban ay naging draw na humantong sa isang shootout. Sa huli, nanalo ako sa laro kahit na dapat natalo ako noong una. Ito ay maaaring pabor sa akin, ngunit ito ay hindi patas sa manlalarong dapat ay nanalo.

Konklusyon

Mapa-casual player man o hardcore gamer, ang Golf Strike ay isang laro para sa lahat. Hindi mo kailangang maging isang propesyonal na manlalaro ng golf upang maglaro dahil ang mga kontrol ay madaling matutunan. Bilang karagdagan, ito ay nababagay para sa mga competitive player dahil sa leaderboard. Nagre-refresh ito bawat linggo, at mas malaki ang makukuha mong rewards depende sa nakamit mong pwesto. Inirerekomenda ng Laro Reviews ang larong ito sa lahat ng gustong maglaro ng golf ngunit hindi kayang sumali sa isang club.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...