Grand Hotel Mania: Hotel Games Review

Nais mo bang maranasang mamahala ng isang hotel? Huwag mag-alala dahil maaari mo itong maranasan sa Grand Hotel Mania: Hotel Games! Alamin kung ano pa ang masasabi ng Laro Reviews tungkol dito sa article na ito.

Ang Grand Hotel Mania: Hotel Games ay ginawa ng game developer na DeusCraft. Ito ay isang adventure at hotel idle game kung saan ang manlalaro ang magsisilbi bilang hotel manager. Maituturing din ito bilang time-management game sapagkat mararanasan mo ang pagse-serve sa customers batay sa kanilang kasalukuyang pangangailangan. Kaya napakaimportante ang pagiging mabisa sa pamamahala ng oras kung paano masisigurong lahat ng pangangailangan ng bawat customer ay naibibigay nang maayos. 

Features ng Grand Hotel Mania: Hotel Games 

Build a Hotel – Magtayo ng first-class hotel na dinarayo ng marami! Bukod sa pamamahala ng hotel bilang manager, may pagkakataon ka ring ayusin at pagandahin ang loob ng iyong gusali. Matatagpuan dito ang ilang equipment tulad ng reception desk, cleaning supplies, classic rooms, coffee maker, coffee, kitchen, at sandwich. Importante ang gamit ng bawat isa sapagkat dito umiikot kung ano ang pangunahing pangangailangan ng customers. Bukod pa rito, pwede mong i-upgrade ang mga ito para ma-improve ang serbisyong ibinibigay sa bawat customer na dumarating at nagbu-book sa hotel.

Save Progress – Maaari mong i-save ang iyong naging progreso sa laro. Ang kailangan mo lang gawin ay i-sign up ang Facebook o Apple account. Makakatulong ito sa manlalaro para kahit umalis at huminto ka sa paglalaro, mababalikan mo pa rin ang eksaktong punto kung saan ka huling tumigil.

Offline mode – Tamang-tama ito kung hindi ka konektado sa Wi-Fi o mobile data at naghihintay ka sa pila habang nasa labas. Magsisilbi ito para maging iyong libangan at pampalipas ng oras. Nakakatulong naman ito dahil talagang matutuon ang iyong atensyon sa laro at hindi sa natitirang oras na kailangan mo pang hintayin. 

Saan Pwedeng I-download ang Grand Hotel Mania: Hotel Games?

Sa bahaging ito ng article ituturo kung saan at paano i-download ang Grand Hotel Mania: Hotel Games. Kasalukuyang available ang laro sa Android, iOS, at PC devices. 

Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Grand Hotel Mania: Hotel Games on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.deuscraft.TurboTeam

Download Grand Hotel Mania: Hotel Games on iOS https://apps.apple.com/ph/app/grand-hotel-mania-idle-tycoon/id1505041919

Download Grand Hotel Mania: Hotel Games on PC https://www.bluestacks.com/apps/adventure/grand-hotel-mania-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Grand Hotel Mania: Hotel Games, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang official website. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong Google Play account.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Dahil ikaw ang mamamahala ng hotel, importanteng alam mo kung ilang guests ang magche-check in na guests sa araw na iyon. Makikita ito sa kaliwang itaas ng screen katabi ng timer. Ito ang magiging gabay mo para magawa ang objective sa level na iyon. Halimbawa, ang objective ay makapag-accommodate ng limang guests at ang kabuuang bilang ng guests na pupunta ay lima rin. Ibig sabihin nito, kailangang ang lahat ng guests ay mai-check in mo. Sa madaling salita, walang guest ang dapat mag-walk out dahil hindi siya naasikaso dahil hindi mo makukumpleto ang goal. Bukod pa rito, hindi rin magbabayad ang guests na nawalan ng pasensya kakahintay. Dahil dito, mawawalan ka ng malaking halaga ng coins sa iyong kita.

Kapag dumating ang guest, antayin mong lumapit sila kay Monica, ang in-charge sa reception desk ng hotel. Pagkatapos ay i-greet ang guest sa pamamagitan ng pag-tap sa kanila. Kapag lumabas na ang bubblehead na naglalaman ng keys na icon, kailangan mong piliin ang room kung saan mo siya ilalagay. Bilisan ang pagpili ng room dahil may mga pagkakataong sabay-sabay dumarating ang guests kaya baka maipon sila sa linya. Mahirap kapag nangyari ito dahil malaki ang posibilidad na mainip ang guest na nasa dulo ng pila at magresulta ito para umalis na lang siya. Makikita mong may timer ang bawat guest sa kanilang icon kapag naghihintay silang i-serve ni Ted, ang iyong bellhop. 

Maiiwang madumi ang room pagkatapos itong gamitin ng guest kaya kailangang linisin agad ni Ted ito bilang paghahanda sa susunod na gagamit nito. Pindutin agad ang housekeeping area na nasa gitna ng hagdan para makakuha ng sabong panlinis. Isang tip ko sa iyo ay gamitin ang dalawang kamay para magbuhat ng items sa pagse-serve. Makikita sa kaliwang ibaba ng screen ang items na kasalukuyang binubuhat ni Ted. Kapag pinindot mo ng dalawang beses ang housekeeping area, dalawa rin ang kukuning bote ng sabon ni Ted at makikita ito roon. Kung nais mong tanggalin ang isang item na hawak niya, kailangan mo lang i-tap ang item na iyon.

Maipapayo ko rin sa’yo ang pagpindot ng sunud-sunod kung saan pupunta si Ted. Halimbawa, may guest na umalis sa kanyang room kaya kailangan mo itong linisin. Ang gawin mo ay magkasunod na i-click ang housekeeping area at ang room na lilinisin, nang sa gayon ay magkasunod na agad itong pupuntahan ni Ted. Makikita mo ang queue number kapag ginawa mo ito at pwede itong umabot ng hanggang apat na bilang. Halimbawa, pagkatapos mong pindutin nang magkasunod ang housekeeping area at room, mayroong guest na gusto ng kape. Para mas mapabilis ang iyong trabaho, mainam na pindutin din agad ang coffee maker at ang room ng guest na umorder nito. Kapag ganito, apat na destinasyon ang pupuntahan agad ni Ted.

Malaki rin ang maitutulong ng paggamit ng boosters para mapabilis at maging epektibo ang pagkumpleto ng objective. Bago magsimula ang level, makikita mo ang boosters na maaari mong gamitin sa laro. Ang unang booster, kung saan ang icon nito ay sapatos na may lightning bolt sa magkabilang gilid, ay ginagamit para madoble ang speed ng staff sa kanilang paggalaw. Ikalawa naman ay ang icon na kulay berdeng compass kung saan magagamit ito upang bumilis ang paggawa ng bawat station, nang sa gayon ay hindi mo na kailangang maghintay nang matagal para rito. Panghuli at ang ikatlong booster ay mayroong icon na purse na may x2 na nakalagay at punung-puno ng coins. Ito naman ay para madoble ang coins sa tuwing naisasagawa ang orders.

Pros at Cons ng Grand Hotel Mania: Hotel Games 

Maganda ang graphics at visuals ng laro. Kitang kita mo ang detalye sa pagkakalikha ng gusali at ang kumbinasyon ng mga kulay. Madali lang din ang mechanics nito kaya maiintindihan agad ito anumang edad ng manlalaro. Naroon pa rin ang pagiging challenging nito sapagkat kailangan mong gumawa ng mabilisang pagdedesiyon at estratehiya para magawa ang objective ng bawat level. Pahirap nang pahirap ang laro habang tumataas ang level kaya hindi ka maiinip sa paglalaro.

Gayunpaman, masyadong mahal ang kailangan para makapag-upgrade ng items, lalo na at nangangailangan ito ng gems. Kahit na ma-hook ka sa paglalaro, may ilang mga manlalaro ang nagsasabing nahinto lang din sila sa isang level dahil madidiktahan ng laro ang magiging progreso mo. Halimbawa, ang kabuuang bilang lang ng guests na pupunta ay 16, samantalang ang objective ng level ay makakuha ng 61 likes mula sa kanila. Ang mahirap dito, ang lahat ng guests ay magche-check in lang at uuwi na pagkatapos. Kaya kung hindi naman sila nagre-request ng kahit anong service, imposibleng makumpleto ang kinakailangang bilang ng likes. Walang magagawa ang manlalaro kundi ulit-ulitin ang paglalaro ng level na iyon hanggang sa mag-request na ang guests ng service para magkaroon ng pagkakataong makumpleto ang objective ng level.

Konklusyon

Ang Grand Hotel Mania: Hotel Games ay isang klase ng multitasking game kung saan tunay na mahahasa ang iyong kakayahang magawa ang lahat ng tasks bilang hotel manager. Bilang kabuuan, mairerekomenda ng Laro Reviews na subukan itong laruin lalo na kung hilig mo ang ganitong genre ng laro. Mainam itong laruin kahit nasaan ka man at walang internet connection dahil sa pagkakaroon nito ng offline mode. Maayos ang graphics at gameplay nito kaya nakaka-enjoy itong laruin. Maging handa lang sa nabanggit na cons ng laro kung nais mo itong i-download.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...