Hero Ball Z – Idle RPG Review

Mahilig ka ba sa nakaka-relax na gameplay ng idle RPGs at aksyong dala ng shooting games? Hindi mo na kailangang mamili pa sa dalawang ito dahil pwede mong ma-enjoy ito nang sabay sa pamamagitan ng iisang game app lang. Ang Hero Ball Z – Idle RPG ay kumbinasyon ng idle RPG at shooting game. Ito ay inilabas ng JOYCITY Corp., isang kilalang Korean game developer, sa Google Play Store noong Hulyo 1, 2020.

Sa larong ito, kinakailangan ng mga manlalaro na mangolekta ng iba’t ibang heroes, bumuo ng team at talunin ang mga kalaban sa Boss Battles, PvPs at Event Matches. Gayunpaman, ang mga manlalaro rito ay walang kakayahang pumili ng partikular na heroes na kanilang magagamit. Tanging ang Hero Ball lamang ang magtatakda kung anu-anong heroes ang pwedeng nilang makuha. 

Paano I-download ang Laro?

Ang Hero Ball Z – Idle RPG ay available sa Play Store at sa App Store. Pwede itong i-download sa Android at iOS devices. Kung nais mo namang laruin ito sa laptop o desktop, kinakailangan mong i-download ang app at gumamit ng isang lehitimong Android emulator, tulad ng GameLoop, upang i-run ito. Bilang alternatibo, maaari mo ring gamitin ang mga sumusunod na link:

Download Hero Ball Z- Idle RPG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.joycity.heroball&fbclid=IwAR2rUZO89ktcMj79kj4WnO0LRu3zDIwxc2Xu4DEsp-ggXPBhb7zjf_S-wFE

Download Hero Ball Z- Idle RPG on iOS https://apps.apple.com/us/app/hero-ball-z/id1512906794

Download Hero Ball Z- Idle RPG on PC https://www.gameloop.com/ph/game/role-playing/hero-ball-z-on-pc

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Ang Hero Ball Z – Idle RPG ay nagtataglay ng game elements ng idle role-playing at shooting games. Ang features at game mechanics nito ay simple ngunit puno ng aksyon na kinagigiliwan ng marami. Ang game characters ay cute at chibi-style heroes. Sa kabila ng tila kumplikadong description nito, madaling maintindihan ang mechanics nito at pamilyar rin sa karamihan. 

Kung nais mo itong subukan, ang artikulong ito mula sa Laro Reviews ay magsisilbing gabay mo upang malaman ang mga importanteng bagay para masimulan ang iyong pakikipagsapalaran:

  • Battle System

Ang larong ito ay hindi tulad ng ibang idle games kung saan ang mga manlalaro ang s’yang pumipili ng heroes na kanilang gagamitin. Dito, ang kapalaran ng mga manlalaro ay nakasalalay sa kung ano ang ibibigay ng Hero Ball. Ang kailangan mong gawin ay gumawa ng magandang diskarte kung papaano mo ito magagamit sa pakikipaglaban. Bagama’t mas mahirap ang ganitong sistema, masasabing mas challenging at exciting naman ito kumpara sa iba. Hindi mo kailangang mabahala sa random na sistema dahil ito ay patas at balanse. Maaari mo ring pagsamahin ang dalawang heroes na kabilang sa parehong grade upang makalikha ng upgraded na hero. Halimbawa, kung pinagsama mo ang dalawang R heroes maaari kang makakuha ng isang grade SR o SSR na hero. 

Maaari ka lamang gumagamit ng hanggang anim na heroes sa bawat match. Gayundin, magkakaroon ka ng limitadong bilang ng heroes para sa bawat tier. Tandaan na automatic na umaatake ang mga ito sa kalaban. 

  • Autoplay Feature

Isa sa mga kakaibang bagay tungkol sa larong ito ay ang Autoplay feature. Sa pamamagitan nito, ang heroes na may mababang grades ay automatic na pagsasamahin at palalakasin. Hindi mo na rin kinakailangan pang bumalik sa HQ upang kumuha ng supplies o items sapagkat maaari mong gamitin ang supply package na makikita sa kaliwang bahagi ng Hero Ball. May tatlong paraan upang ma-activate ang special feature na ito. Una, maaari kang manood ng ads upang magkaroon ng pagkakataon na magamit ito sa loob ng 15 minuto. Ang pangalawang paraan ay sa pamamagitan ng tickets. Samantalang ang pangatlo ay sa pamamagitan ng pagbabayad para magamit ito ng permanente. 

  • Hero System

Ang heroes sa larong ito ay nahahati ayon sa kanilang grade at tier. Ang grade R heroes ang pinakamahina sa lahat. Sunod ay ang grade SR heroes na katamtamang uri lamang. Ang panghuli ay ang grade SSR na tinaguriang pinakamalakas at pinakamatibay sa lahat. Subalit ang mga ito naman ang pinakamadalang makuha. 

Sa kabilang banda, ang stats naman ng heroes ang ginagawang batayan ng kinabibilangan nilang tier. 

  • S – Ang heroes na kabilang sa tier na ito ay itinuturing na pinakamahuhusay. Mayroon silang balanseng stats at napakahusay gamitin sa mga laban.
  • A – Ang heroes na kabilang dito ay mas mahihina kung ikukumpara sa S-tier heroes. Hindi man sila kasing husay, maaari mo namang i-upgrade ang mga ito. 
  • B – Ito ang mga itinuturing na average tier heroes. Bagama’t hindi sila magagaling sa labanan, mainam pa rin ang mga itong gawing support heroes. 
  • C – Ang heroes na kabilang sa tier na ito ay itinuturing na pinakamahihinang uri sa lahat.

Bukod sa nabanggit, ang larong ito ay gumagamit din ng elemental affinity system tulad ng fire, water, wind at wood. Sa pagbuo ng isang team, kinakailangan mong isaalang-alang ang elemental affinity at tier class ng heroes. 

Pros at Cons ng Hero Ball Z- Idle RPG

Pinupuri ang larong ito dahil sa pagkakaroon nito ng madaling game mechanics, kakaibang features at pati na rin de-kalidad na graphics. Hindi tulad ng ibang laro na gumagamit din ng gacha system, ang gameplay nito ay patas at mapanghamon. Napakadali lamang matutunan ang game mechanics at controls nito. Ang autoplay feature ay kahanga-hanga rin dahil ginagawa nitong mas magaan ang paglalaro at tipid pa sa oras. Gayundin, ang game pacing nito ay sakto lang. Bukod pa rito, malaking bagay din na pwedeng i-reset o i-upgrade ng mga manlalaro ang heroes. Sa pamamagitan ng customization feature nito nagagawang mas personalized ang gaming experience ng bawat manlalaro. 

Katulad ng karamihang laro, ang Hero Ball Z ay mayroon ding mga isyu at technical problems. May mga pagkakataon na ang iilang manlalaro ay hindi makapag-log in dahil sa accessibility issues. Nakakairita rin ang pagdagsa ng nakakaabalang ads sa kalagitnaan ng laro. Sa kasamaang palad, ang autoplay feature nito ay hindi gumagana kapag gumagamit ka ng emulator sa paglalaro. Marami rin ang nagrereklamo sa madalas na pagka-crash at pagfi-freeze ng app na nagdudulot ng negatibong epekto sa kanilang gaming experience. May mga pagkakataon ding nagkakaroon ng connection issues ang laro. 

Konklusyon

Ang Hero Ball Z – Idle RPG ay may average rating na 4.5 stars mula sa 41,000+ reviews sa Play Store. Sa kabilang banda, mayroon itong 4.7-star rating mula sa 1,000+ reviews sa App Store. Para sa Laro Reviews, sulit din namang subukan ang larong ito. Ang nakakahumaling at balanseng gameplay nito ay naghahatid ng libangang puno ng aksyon. Marami ka ring aktibidad na kagigiliwan dito tulad ng pag-upgrade at pag-customize sa heroes.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...