Legend of Solgard Review

Nang lumabas ang bali-balitang magkakaroon ng panibagong laro ang King, ipinagsawalang-bahala ito ng karamihan sa pag-aakalang ito ay katulad lang din ng mga inilabas nitong “Saga Games.” Para sa mga hindi nakakaalam, ang King ay ang game developer sa likod ng isa sa pinakasikat sa tanang kasaysayan ng mobile gaming apps – ang Candy Crush. Hindi lamang ito, naging malawak din ang naabot nito. Maging sa social media, partikular na sa Facebook, ay hindi maikakailang naging patok ang larong ito. Naaalala mo ba ang mga panahong walang tigil ang pagtunog ng iyong notification dahil sa invites na natatanggap mula sa iyong friends? Sa sobrang sikat nito, matanda man o bata, ay tiyak na nalaro ang Candy Crush. Para ipagpatuloy ang hype train, nagsilabasan din ang iba’t ibang variations nito gaya ng Candy Crush Soda Saga at Candy Crush Jelly Saga. 

Biglang nagbago ang ihip ng hangin nang matunugan sa loob ng gaming community na magiging iba ito kaysa sa nakasanayang mga laro ng King. Ito ang dahilan kaya marami ang nasopresa sa larong sunod na ipapakilala ng Laro Reviews. Ang Legend of Solgard ay dinevelop ng Snowprint Studios at pinublish ng King. Bagama’t naroon pa rin ang bakas ng esensyang tipikal sa mga laro ng King, may ipinakita itong lalim dahil pinasukan ito ng elemento ng RPG. Ito ay isang matching-based combat RPG na nakasentro kay Embla, isang mandirigma na nagtatangkang isalba ang sanlibutan mula sa paglaganap ng isang hindi maipaliwanag na pwersa. Nagdudulot ito ng matinding kalamigan at kung hindi aagapan ay mababalot ang daigdig sa makapal na nyebe. Ang kabuuang tema nito ay nakaangkla sa nosyong yelo laban sa apoy na halaw rin sa Nordic mythology. 

Features ng Legend of Solgard

Isa sa mga kapansin-pansing katangian ng Legend of Solgard ay ang hindi nito pagkakatulad sa tipikal na larong niri-release ng King, gaya na lamang ng Candy Crush. Kilala ang King sa mga laro nitong may format na match-3. Gayunpaman, makikita pa rin ang impluwensya at branding nito dahil sa ganitong pamamaraan umiikot ang sistema ng digmaan sa Legend of Solgard. Kaya opisyal na itinanghal ang laro bilang “midcore.” Nangangahulugan lamang na marami pa rin itong mga tradisyunal na elementong kinagiliwan ng hardcore fans. Ngunit sa parehong pagkakataon, mas ginawa itong beginner-friendly para maengganyo ang ibang manlalaro, gaya na lamang ng mga casual player. Ito na rin marahil ang dahilan kung bakit maaaring laruin ang Legend of Solgard offline. Karamihan ng mga laro ngayon sa merkado ay kinakailangan ng internet connection o mobile data para lamang magsimula. Ang pagkakaroon ng offline mode ay isang indikasyon na nakatuon din ang kanilang atensyon na tugunan ang pangangailangan ng casual fanbase. 

Ang Campaign Mode ang pangunahing quest na naglalaman ng siyam na mundong maaari mong galugarin. Ang bawat isa ay may iba’t ibang tema at mga kalabang halaw sa Nordic mythology. Ang layunin ng Legend of Solgard ay magapi si Mani, ang diyos ng buwan, at maiwasan ang Ragnarok o ang pagkawasak ng mundo. Bilang manlalaro, kontrolado mo ang hukbo ni Embla na makikita sa ibabang bahagi ng iyong screen. Para mapahina ang pwersa ni Mani, kailangan mong talunin ang kanyang mga alipores at matunaw ang makapal na ice shield na makikita naman sa itaas na bahagi ng iyong screen. Mula rito, kailangan mo lamang pagsamahin ang tatlo hanggang limang iba’t ibang uri ng nilalang. Pahalang kung gusto mong bumuo ng panangga laban sa mga nananalakay na kaaway, at patayo naman kung nais gumawa ng mas malaki at mas makapangyarihang nilalang. Bukod pa rito, turn-based din ang laro kaya salitan kayo ng iyong katunggali sa pagtira. Bagama’t mabilis lamang ang daloy ng labanan dahil mayroon kang tatlong moves kada tira. Maaari ding buhaying muli ang mga namatay mong mandirigma upang mas lalong mapagtibay ang iyong hanay. 

Bukod sa Campaign Mode, mayroon din itong ibang feature gaya ng Bounty kung saan kailangan mong mang-hunting ng mga nasa wanted list para makakuha ng gold. Nariyan din ang Multiplayer Dungeons. Sa mode na ito maaaring magsama-samang halughugin ang dungeons kasama ang iyong mga kaibigan. Ang Hero Arena, sa kabilang banda, ay ang pagkakataon mong mapatunayan ang iyong galing at kakayahan laban sa ibang mga manlalarong matatagpuan sa iba’t ibang panig ng mundo. Nandyan ang Treasure Coves, kung saan ang layunin mo ay makapangolekta ng sun gems. At bilang panghuli, ang Boss Arena na lalabas ng ilang ulit sa bawat realm kung saan kakalabanin mo ang mga prominenteng karakter mula sa Norse mythology. 

Saan Pwedeng I-download ang Legend of Solgard?

Sa bahaging ito ng article, ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Legend of Solgard. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android at iOS users, kaya hindi pa ito pwedeng ma-download sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at hanapin ito sa search results, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos gawin ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro: 

Download Legend of Solgard on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.king.solgard&gl=US

Download Legend of Solgard on iOS https://apps.apple.com/us/app/legend-of-solgard/id1281263906

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Sa umpisa ay tila isang tipikal na match-3 game lamang ang Legend of Solgard. Ngunit habang umuusad sa laro, magsisiwalat ito ng iba pang mas malalim na game mechanics na kailangan ng ibayong estratehiya at pagpaplano upang magwagi. Nakaka-overwhelm ito sa umpisa kaya narito ang Laro Reviews para tulungan ka sa iyong paglalakbay. 

Pinakaimportanteng isaalang-alang ay ang mechanics ng laro. Sa normal na labanan, ang iyong aktwal na layunin ay mawasak ang base ng kalaban sa madaling panahon. Dahil dito, huwag ibuhos ang enerhiya sa pagpatay sa mga kalaban sapagkat kung tutuusin hindi ito ang iyong layunin. Kabaliktaran naman ito tuwing Boss Battles na. Bukod sa walang portal dito, importanteng agarang magapi ang kalaban. 

Para umatake sa kalaban, kailangan mo lamang i-match o ihanay ang mga magkakatulad na nilalang nang patayo, pa-square, pa-L, at pa-T na pormasyon. Mabubuo ang isang mas malaking nilalang na aatake sa iyong katunggali. Mas malakas na ang mga ito kumpara sa mga mas maliliit na monsters. Upang mas lalong pang tumaas ang critical damage nito, pagsama-samahin ang mga nilalang na magkakatulad at i-merge muli. Kapag mas maraming nilalang ang pinagsama-sama, mas magiging makapangyarihan ito. Tiyaking gamitin din ang espesyal na abilidad ng iyong mga karakter. Halimbawa na lamang ay si Roughpaw at ang abilidad nitong Battle Roar. May kakayahan itong mapalakas ang stats ng mga kasamahan kung maipagtatambal mo ito sa loob ng dalawang tira. 

Dahil tatlo lamang ang iyong moves kada round, tiyaking gamitin ang mga ito nang maigi. Tantyahin at pagplanuhang mabuti kung ano ang maaaring susunod na galaw ng iyong kalaban. Siguraduhing gumawa ng kalasag kung aatake ang iyong kalaban matapos ang kasalukuyang round. Upang makalikha nito, lumikha ng kalasag at pagtambalin ang iyong units nang pahalang. Isa pang paraan para matiyak na hindi masyadong makakaapekto sa iyo ang nakaambang panganib ay kung mas mataas ang HP ng iyong units kumpara sa kalaban. 

Huwag mo ring kakalimutang lumikom ng maraming Sun Gems. Ito ay ang rare in-game items at magagamit para i-upgrade ang iyong mga karakter. Maaari mo itong makuha mula sa paglalaro o kaya naman ay sa pag-loot sa Treasure Coves. Sa pag-a-upgrade ng skills ng iyong mga karakter ay mapapataas din nito ang kanilang rank. Mas magiging madali na para sa iyo ngayong gapiin ang mga mas makakapangyarihang kalaban. 

Pros at Cons ng Legend of Solgard

Nakakasiyang laruin ang Legend of Solgard. May malawak na variation ang mga labanan mula sa mga madadali na tipong kaya mong laruin kahit hindi buo ang iyong atensyon sa paglalaro, hanggang sa mga level na sobrang hirap tapusin at mapapakapit ka na lang sa iyong upuan sa sobrang exciting ng mga posibleng mangyari. Maganda ring maaari kang sumali sa ibang guild para sama-samang talunin ang boss enemy kasama ang ibang manlalaro sa iba’t ibang parte ng daigdig. Dagdag pa rito, napaka-cute din ng mga karakter at swabe ang animation na ginamit, pwera na lamang sa ginagawa ni Grimchop! Malalaman mo kung ano ang ito oras na laruin mo na lang ang Legend of Solgard. 

Sa kabila nito, patuloy pa ring inaangal ng ilang manlalaro ang isyung teknikal ng kanilang kinakakaharap. Ayon sa kanila, paulit-ulit na lamang nagka-crash ang app kahit ilang restart at reinstall na ang kanilang ginagawa sa pag-asang maayos ang isyu. Subalit sa kasamaang palad, hindi na nga ito naayos ay nabubura pa ang ilang taon nilang pinagpaguran. Hindi masasabing ang kanilang mobile device ang may problema dahil karamihan sa mga ito ay maituturing na high-end devices. Bukod pa rito, wala namang masama kung pinili ng manlalaro na hindi maglabas ng anumang pera sa paglalaro. Ngunit sobrang tagal na panahon ang kailangan gugulin, na tipong imposible nang makakuha ng legendary at mythic na mga karakter kung hindi ka gagastos. 

Konklusyon

Bagama’t masisilayan pa rin ang ilang problema na tipikal sa casual games, o kaya naman ay pakiramdam mo may ilang levels na napakahirap mapagtagumpayan. Bukod pa riyan, tingin mo ay punong-puno ka ng kamalasan at hindi ka man lang naaambunan ng swerte sa RNG gods dahil sa hindi kagandahan ang iyong mga pull. Ang lahat naman ng mga ito ay parte ng karanasan at kung ano ang bumubuo sa Legend of Solgard. Hindi pa rin ito hiwalay sa kasiyahang dulot at pagbubuo ng estratehiya para manalo. Isama mo pa ang magandang istilong ginamit sa art at mga twist na halaw sa Norse Mythology. Hindi man ito trip ng lahat, ngunit isa ang Legend of Solgard sa mga larong hindi ka mahihiyang amining manlalaro ka nito. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...