Sky: Children of the Light Review

Maraming iba’t ibang impresyon ang maiuugnay sa Sky: Children of the Light, ngunit ang isa sa pangkaraniwang tugon ay ang lalim ng karanasang naibibigay nito. Sa bawat oras na ginugugol sa paglilibot ay masisilayan mo ang mga magagandang tanawing puno ng ulap. Walang problema kung nais mong maglakbay mag-isa, ngunit hindi maikakailang mas mainam ang larong ito kung makikipag-ugnayan sa mga makakasalamuhang estranghero at mga kaibigan. Ang larong ito ay hinulma ng istorya ng pagpaparaya at sakripisyo. Makikita ang pagkakahalintulad ng aesthetic nito sa ibang mga laro gaya ng Monument Valley at Journey. Sa kabila nito, nanaig pa rin ang Sky: Children of the Light sa ibang mobile indies dahil sa maraming dahilan. Narito ang Laro Reviews para himayin kung anu-ano nga ba ang mga ito at matukoy kung ano ang naiiba sa Sky: Children of the Light.

Features ng Sky: Children of the Light

Maituturing na nakasisiyang karanasan ang Sky: Children of the Light, dahil sa pakikipag-ugnayan mo sa mga manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Taliwas sa pangkaraniwang pamamaraan ng pakikipag-usap, wala itong chat system at voice chat na makikita kagaya sa ibang laro. Sa halip, walang anumang palitan ng salita ang magaganap kundi emotive expressions lamang. Sa limitado ngunit epektibo nitong porma ng komunikasyon, mas mabubuhos ang iyong atensyon sa bawat detalye ng laro. Halimbawa ng mga bagay na maaaring gawin ay kumanta para ipaalam sa ibang manlalaro ang natagpuan mong nakakubling kayamanan. 

Marami ring expressions ang iyong maa-unlock kapag nakilala mo ang ibang NPC Spirits. Ang ilan sa mga sikat na emotive expression sa gaming community ay ang High Five at Hug. Maaari ding magbahagi ng hearts at light sa iyong mga kaibigan para madagdagan ang kanilang stats. Bukod pa rito, pwede ka ring makalikom ng mga instrumentong pantugtog at sheet music. Hanggang walong manlalaro ang pwedeng magkapit-bisig habang lumilipad sa himpapawid para puntahan ang mga bagong destinasyon. May iilan ding gawain at lagusan ang kinakailangan ng partikular na bilang ng mga manlalaro bago ma-unlock kaya masasabing hinihikayat talaga ng Sky: Children of the Light ang pakikipag-ugnayan sa ibang players. 

Sa halip na kaharapin nang mag-isa ang misyong ipanumbalik ang pag-asa sa mga realm, mahalagang makipagkaisa kasama ang iba para magtagumpay. Maraming oportunidad para umusbong ang pakikipagkaibigan na kapalit ay mga pagkakataon din na magamit sila sa iyong sariling kapakinabangan. Makasarili mang pakinggan ngunit huwag kang mag-aalala, marami-rami ka ring matutulungan habang umuusad ka sa laro nang hindi mo namamalayan. Mayroong pitong magkakaibang realm na may iba-ibang gameplay at visuals. Halimbawa na lamang nito ay ang Daylight Prairie na kung saan masisilayan mo ang isang nakakahalinang tanimang nababalot ng mala-bulak na ulap. Kasunod nito ang Hidden Forest, ang lugar na hindi humihinto ang pag-ulan. Ibayong pag-iingat ang dapat gawin sa realm na ito dahil oras na mapatakan ka ng ulan ay nanakawin nito ang liwanag mong taglay. Kaya humanap ng masisilungan habang isinasagawa ang mission. 

Saan Pwedeng I-download ang Sky: Children of the Light? 

Handa ka na bang maging ilaw na tatanglaw sa mga madidilim na realm? Itururo ng Laro Reviews sa bahaging ito ng article kung saan at paano i-download ang Sky: Children of the Light. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users. I-type ang pamagat ng laro sa search bar. Pagkatapos ay i-click ang icon nito at ang Install o Get button. Hintaying makumpleto ang pag-download saka buksan ang app at kumpletuhin ang sign-in details. Ayan, pwede ka nang makapagsimula sa paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Sky: Children of the Light on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.tgc.sky.android

Download Sky: Children of the Light on iOS https://apps.apple.com/us/app/sky-children-of-the-light/id1462117269

Download Sky: Children of the Light on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/sky-children-of-the-light-on-pc.html

Kung napili mong maglaro ng Sky: Children of the Light sa PC, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Ang pangongolekta ng Light ang isa sa pinakaimportante mong gagampanan sa Sky: Children of the Light. Sa iyong paglalakbay ay madidiskubre mo ang mga nawawalang ispiritu na kung saan tutukoy sa progression mo sa laro. Bawat lugar ay mayroong star constellation na kailangan mong kumpletuhin unti-unti sa pamamagitan ng pagliligtas ng mga ito upang makabalik ang mga ito sa kalawakan. Maraming pagkakataon para gamitin ang Light. Ang ilan sa mga ito ay ang pagsindi sa mga shrine at lantern, pagsunog sa mga lantang taniman, o kaya naman ay bilang panakot sa mga mababangis na hayop na posibleng umatake sa iyo tuwing gabi. Huwag hahayaang maubos ang iyong Light dahil oras na mangyari ito, mawawala ang iyong pakpak na magdudulot ng kahirapan sa pagpapalipat-lipat sa pagitan ng mga realm. Maapektuhan nito ang iyong kakayahang matapos ang mga mission. 

Gaya ng nabanggit ng Laro Reviews, binibigyang-diin ng Sky: Children of the Light ang pakikipag-ugnayan sa ibang manlalaro kaya mahalagang bumuo ng relasyon sa iba. Tiyaking ikaw ay tumutulong at nag-aambag sa kanilang paglalakbay gaano man ito kaliit. Halimbawa, kung may dumaraang manlalaro na nangangailangang may magsindi ng kanyang kandila, huwag mag-atubiling mamahagi ng iyong Light dahil magiging permanente ang inyong ugnayan at madadagdag siya sa iyong friend list. Oras na mangailangan ka ng kaibigan dahil sa isang partikular na quest na may nakatakdang bilang bago ma-unlock, may maaasahan kang tawagan. 

Pros at Cons ng Sky: Children of the Light

Para sa isang mobile game, masasabing swabe at crisp ang graphics ng Sky: Children of the Light. Makulay ang mga tanawing makikita at tamang-tama ang mga anggulong ipinapakita. Dagdag pa ang musikang ginamit na mas nagbigay-buhay sa magical na temang nais ihatid nito sa mga manlalaro. Hindi rin kumplikado ang istorya sa likod ng mga karakter kaya madali itong maintindihan anuman ang iyong edad, bata man o matanda. Hindi lamang ito, kayang-kayang sundan ang mechanics ng laro at kasiya-siya ang magiging paglalakbay sa open world game na ito. Sa kabila ng mga nabanggit, marahil ang isa sa pinakapositibong bahagi ng laro ay ang gaming community ng Sky: Children of the Light. Mababait ang kalakhan ng mga manlalaro at talagang makikita ang diwa ng pagtutulungan, lalo na sa mga baguhang manlalaro. Pwede mong ipahayag ang iyong saloobin o kaya naman ay matukoy ang kasalukuyang nararamdaman ng iyong kapwa manlalaro gamit ang emoticons. 

Gayunpaman, malaki ang potensyal ng laro kung hindi lamang sa mga teknikal na isyung patuloy na kinakaharap ng mga manlalaro. Ubod ng dami ang mga bug na makikita sa laro kahit na ilang beses na itong nagkakaroon ng updates. Hindi natutugunan ng game developers ang hinaing ng mga manlalaro. Ilang pag-uulat na rin ang nagsasabing nakakaranas sila ng biglaang pagka-crash at matinding pag-la-lag. May mga pagkakataon ding hindi lumalabas ang daily quest. Bukod pa rito, may isyu rin sa control sensitivity na kung saan nahihirapan ang ilang manlalarong kontrolin ang kanilang mga karakter. Nagdudulot din ng pagkahilo ang magulong anggulo ng camera. 

Konklusyon 

Sa kabuuan, ang Sky: Children of the Light ay isa ring matagumpay na larong ginawa ng thatgamecompany. Makikita ang mga elementong kinagiliwan sa sinundan nitong patok na laro – ang Journey. Ngunit may mga tahasan ding pagbabago na naging dahilan kung bakit mas naging angat ito kumpara sa naunang laro. Simple lamang ang gameplay nito ngunit iba ang sayang naidudulot sa tuwing umaangat ang iyong paa na parang ikaw ay lumilipad. Kasama rin nito ang hindi matatawaran at kakaibang pamamaraan upang makipag-ugnayan sa ibang manlalaro. Walang anumang pressure ang mararamdaman para mag-isip o bumuo ng pwedeng maging paksa dahil sa simpleng emoticon lang ay maaari nang maipahayag ang iyong damdamin. Gayunpaman, mas magiging matagumpay sana ang Sky: Children of the Light kung aayusin lamang ng game developers nito ang teknikal na isyung nararanasan ng mga manlalaro. Nalilimitahan nito ang pagkakataong matuklasan ng ibang manlalaro kung gaano kaganda at ka-aesthetic ang visuals ng laro dahil bago pa man sila makapagsimula, may teknikal isyu nang kakaharapin.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...