TALION Review

Ang TALION ay isang 3D mobile MMORPG na may temang fantasy. Ito ay dinevelop ng UTPlus Interactive, isang kumpanya mula sa South Korea, at pinublish ng Gamevil Inc. Nauna itong ilabas sa Asya, at sumunod naman sa mga kanluraning bansa. Ang TALION ay binubuo ng dalawang paksyon. Bilang manlalaro, papasok ka bilang “Talion” sa mundong tinatawag na Nar. Masalimuot at puno ng panganib ang mundong ito. Namamayani ang mga demonyong patuloy na nagdudulot ng perwisyo at kasamaan sa kapaligiran. Bago magsimula ay kailangan mong pumili ng paksyon na nais mong salihan. Nais mo bang sumapi sa Alliance of Shield Protection, o ang Aegis Alliance, na lumalaban para sa walang-hanggang karapatan para sa kalayaan at santuwaryo? O sa Alliance of Flame Judgment, o ang Bident Alliance, na kilalang marahas at gutom sa kapangyarihan? 

Features ng TALION

Class System – Bagama’t papipiliin ka ng laro para tukuyin ang pangunahing karakter na iyong gagamitin, hihikayatin ka rin nito na gamitin ang mga natitirang klase bilang alternatibo. Mayroong warehouse system kung saan maaari mong ibahagi ang taglay na mga kagamitan sa pagitan ng pangunahing at mga alternatibong karakter. Gayunpaman, limitado lamang ito at hindi kasama ang gears. Mayroong apat na karakter na kabilang sa iba-ibang klase at ito ang mga sumusunod: 

  1. Aizen: Sa halip na isang tradisyunal na humahawak ng baril, isa siyang gunslinger. Sakto kung umasinta at walang palya pagdating sa bilis at pag-atake sa kalaban. 
  2. Kyle: Hindi matatawaran ang kanyang kakayahan pagdating sa depensa dahil sa mataas nitong HP. Bukod pa rito, malawak din ang kanyang AoE. Bilang isang tank unit, kaya niyang maging matatag sa bawat hampas ng kalaban. 
  3. Pell: Siya ay isang battle mage na may kakayahang umatake ng magic damage. 
  4. Velletrin: Dahil isa siyang assassin, asahan ang mabilis niyang kilos at matulin na pag-iwas sa mga paparating na atake mula sa kalaban. Mataas din ang kanyang critical damage. Bilang isang melee character, lamang siya sa malapitang pakikipaglabanan subalit tandaan na mahina ang kanyang depensa. 

Alliance System – Nahahati sa dalawang alyansa ang laro at nasa iyo na kung ano ang iyong nais salihan. Kagaya ng nabanggit ng Laro Reviews sa unahang bahagi ng artikulo, ang dalawang paksyon ay ang Alliance of Shield Protection (Aegis) at ang Alliance of Flame Judgment (Bident). Tandaan lamang na kung gusto mong makipaglaro kasama ang iyong mga kaibigan ay kinakailangang iisa ang grupong inyong kinabibilangan. 

Auto-battle Option – Kung ikaw ay may iba pang gagawin at nais mag-AFK (away from keyboard), maaari mo itong gawin gamit ang feature na ito. Mas napapadali nito ang pag-grind ng resources at pagtapos ng ibang mga quest. 

Guild System – Makipagtunggali kasama ang mga kasapi ng kinabibilangang guild laban sa mga miyembro ng ibang mga guild. Makakakuha ka ng Guild Coins na iyong magagamit upang ipambili ng ilang limited items na tanging sa Guild Shop lamang makikita. 

Realm vs Realm (RvR) – Maraming pamamaraan para makalikom ng Alliance Coins, Gold, Honor, at iba pang item drops habang nakikipagdigma sa katunggaling alyansa. Ang mga mode na ito ay unti-unti maa-unlock habang ipinagpapatuloy ang laro. Ito ay ang mga sumusunod: 

  1. Deathmatch – Sa mode na ito ay iisang manlalaro lamang ang iyong katunggali. 
  2. Major Clash – Ito ay isang multiplayer na digmaang binubuo ng sampung miyembro bawat grupo. Ang iyong layunin ay magapi ang Governor ng katunggaling grupo. 
  3. Occupy – Kung ang Major Clash ay binubuo ng 10 manlalaro, ang Occupy naman ay binubuo ng 20 na manlalaro kung saan kailangan mong protektahan ang iyong base sa loob ng 12 minuto. Dito masusukat ang iyong kakayahang bumuo ng mga epektibong ideya at teamwork. 
  4. Team Battle – Sa lahat ng multiplayer battles, ito ang may pinakamababang miyembro na hanggang lima lamang. Sa mode na ito, kailangan mong kunin ang mga koronang matatanggap para makalikom ng puntos. 

Saan Pwedeng I-download ang TALION? 

Pumunta sa Google Play Store para sa mga Android user at sa App Store naman para sa mga iOS user. I-type sa search bar ang TALION at i-click ang icon ng app. Dahil free-to-play (F2P) ang larong ito, hindi na kailangan magbayad para magsimula. I-click lang ang Install o Get button at hintaying matapos ang download. Pagkatapos nito, i-click ang app, at kumpletuhin ang sign-in details.

Narito ang mga link mula sa Laro Reviews kung saan pwedeng ma-download ang laro:

Download TALION on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gamevil.talion.android.google.global.normal

Download TALION on iOS https://apps.apple.com/ph/app/id1258046552

Download TALION on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/talion-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng TALION, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang official website. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos ma-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Kagaya ng ibang mga MMORPG na laro, mahalagang makalikom agad ng golds at EXP upang mapabilis ang pagpapalakas ng iyong karakter. May dalawang dungeons na mahalagang pagtuunan mo ng pansin. Ito ay ang Gobs Vault at ang Cave of Ordeals. Ang dalawang dungeons ay may sampung iba’t ibang levels na may kaibahan din sa antas kung gaano kadali o kahirap ang posibleng maging takbo ng laro. Ang pinagkaibalamang ng dalawa ay ang rewards na iyong matatanggap oras na mapagtagumpayan o malampasan mo ang mga dungeon. Unahin mong puntahan ang Cave of Ordeals dahil makakakuha ka rito ng Skill Books na iyong magagamit sa pag-upgrade ng iyong active at passive skills. Matapos ito, isunod mo na ang Gobs Vault kung saan makakakuha ka ng EXP, gold, at relics. Para mas lalong mapabilis ang iyong pag-grind ng EXP at gold, mainam kung gagawin ito tuwing Happy Hours.

Ang susunod na kailangan mong bigyan ng pansin ay ang pagpapalakas ng iyong Combat Power. Magagawa mo ito kung patuloy na ia-upgrade ang lahat ng stats ng iyong gear. Mainam din kung bibili ka ng armas sa Alliance Shop na may partikular na stat na magiging kapakipakinabang tuwing PvP. Bukod pa sa gears, maaari mo ring mapataas ang iyong Combat Power gamit ang Costumes, Guardian Fairies, Jewelry, Magic Symbols, Rides, at Wings. 

Pros at Cons ng TALION

Hindi maikakailang isang ganap na MMORPG ang TALION dahil sa mga dungeon, pag-enhance ng equipment, PvP, at guilds. Tipong kahit lalaruin ito nang nakapikit ng sinumang beteranong manlalaro na mahilig sa partikular na genre na ito ay sisiw na lamang para sa kanila. Marahil ang isa sa itinuturing na redeeming factor ng larong ito ay ang kalayaan ng mga manlalarong i-customize ang napiling karakter hanggang sa pinakamaliit na detalye. Mayroon din itong humigit-kumulang 200 items na maaari mong ilagay sa iyong inventory at lalo pang palaguin gamit ang iyong diamonds. Bukod pa rito, may auto-battle din itong feature na kung saan mapapadali ang iyong buhay dahil hindi na kailangang gumugol pa ng mahabang oras sa paggalugad sa dungeon at pagtapos ng mga quest. 

Sa kabila nito, mas nanaig ang mga nakadidismayang katangian ng TALION. Ang ilan sa mga ito ay hindi nakakaengganyo ang storyline ng laro. Para sa isang MMORPG, upang patuloy na mamayagpag ang isang laro dapat ay patuloy na gawing interesado ang content para sa mga manlalaro. Maaaring ito ay may kinalaman sa lore, gameplay, o kaya naman ay sa mga karakter. Subalit ang TALION ay hindi nagpapakita ng anumang katangian upang patuloy na ma-hook ang mga manlalaro. Bukod pa rito, bilang isang mobile game, mahalagang magbigyan ng hustisya ang space na kinakain nito sa device. Para sa kalidad ng graphics nito, hindi makatarungan ang 3GB na sinasakop nito. Hindi rin swabe ang interface at madalas pa itong mag-lag maging sa high-end devices.

Konklusyon 

Sa kabuuan, mainam ang TALION para sa mga manlalarong naghahanap ng larong pampalipas-oras. Ngunit sa kasalukuyan nitong katangian, masasabing maraming ibang laro na nagbibigay ng mas magandang kalidad kumpara dito. Kung hindi babaguhin ng game developer ang kanilang taktika at hindi kikilos upang ayusin ang mga teknikal na isyu at palalimin ang storyline nito, patuloy lamang itong magiging pangkaraniwang MMORPG. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...