Hidden Objects: Coastal Hill Review

Ikaw ba ay mahilig sa Detective Conan? Detective School Q? O kaya naman sa Death Note? Iilan lamang ito sa mga anime na nagtatampok ng pagresolba sa iba’t ibang mga kaso. Madalas sa mga ito ay kinakailangang hanapin ang mga palatandaan na naiwan ng salarin upang matukoy ang tunay na suspek. Katulad ito ng larong hihimayin at tatalakayin ng Laro Reviews. Kaya kung ikaw ay fan ng mga mystery at paghahanap sa mga gamit, siguraduhing basahin ang artikulo hanggang dulo! 

Ang Hidden Objects: Coastal Hill ay isang object finding game na nilikha ng Adore Studio Limited. Ang pangunahing layunin ng laro ay lutasin ang mga nakakubling misteryo sa pamamagitan ng point-and-click na paraan para mahanap ang mga nakatagong kagamitan. May mga minigame ding kailangang makumpleto para umusad sa laro. Bilang manlalaro, makakarating ka sa Coastal Hill nang hindi mo maalala kung paano. Ang Coastal Hill ay isang mapayapang lungsod na nakakubli sa isang liblib na isla. Isa lamang ang natatandaan mo, parang pamilyar ang mga nangyayaring eksena. Upang malutas ang mga ‘di maipaliwanag na mga pangyayari, ikaw ay nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga karakter na iyong nakakasalamuha. Ngunit bakit tila nakakaintriga ang kanilang personalidad at punung-puno ng sikreto? 

Features ng Hidden Objects: Coastal Hill

Ang ilan sa mga tampok ng Hidden Objects: Coastal Hill ay magiging parte ka ng isang paglalakbay na may humigit kumulang 2000 na nakakaengganyong quest puzzles. Dahil isa itong object finding game, mayroon itong 39 lokasyong kailangan mong kilatisin para mahanap ang mga bagay na makakatulong sa iyong imbestigasyon. Sa loob pa ng proseso ng iyong paghahanap, mayroon din itong mga puzzle na kailangan mong malutas kung nais magtagumpay sa isang lokasyon. Hindi lamang ito, mararanasan mo ring makipagtunggali sa mga halimaw na patuloy na nananakot at naghahasik ng dilim sa mga mamamayan ng Coastal Hill.

Maaari ring makipag-usap sa ibang manlalaro gamit ang chat system ng laro kung saan pwede kang mag-send ng pribadong mensahe. Kung may mga hindi ka maintindihan o kaya naman ay nahihirapan lutasin ang isang lokasyon, manghingi ng tulong sa ibang miyembro ng guild. Pwede ring makipag-ugnayan sa kanila at sama-sama ninyong hanapin ang mga bagay sa isang lokasyon. Mas makakatanggap ng dagdag na pabuya sa tuwing ito ay iyong gagawin. 

Saan Pwedeng I-download ang Hidden Objects: Coastal Hill? 

Handa ka na bang lutasin ang misteryong bumabalot sa Coastal Hill? Ihanda na ang talas ng mata at pag-iisip para labanan ang pwersa ng kadilimang bumabalot sa lugar at sa mga mamamayan nito! 

Dahil free-to-play (F2P) ang laro, hindi na kailangang magbayad para mai-download ito. Pumunta sa App Store para sa iOS users, at sa Google Play Store naman sa Android users. I-search ang Hidden Objects: Coastal Hill at hanapin ang laro sa search results. Pindutin ang Get o Install button para mai-download ito. Antayin matapos ang pag-download tsaka buksan ang app. Kapag nagawa mo na ang lahat ng ito, pwede mo na simulan ang paglalaro!

Narito ang links mula sa Laro Reviews kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Hidden Objects: Coastal Hill on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.adoregames.coastalhill

Download Hidden Objects: Coastal Hill on iOS https://apps.apple.com/gb/app/hidden-object-coastal-hill/id1396053153

Download Hidden Objects: Coastal Hill on PC https://www.bluestacks.com/apps/adventure/hidden-object-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Nababalot ng pwersa ng kadiliman ang kabuuan ng Coastal Hill. Ang mga mamamayan ay nawawalan na ng pag-asang mahanap ang mga sagot sa mga palaisipan. Tanging ikaw lamang ang susi para mahanap ang mga sagot sa katanungan at misteryo.

Ang unang gawin ay tingnan ang listahan ng mga kagamitang dapat hanapin. Makikita ito sa ibabang banda ng iyong screen. Mainam kung tataasan ang brightness ng iyong mobile device dahil may ilang mga bagay na nakakubli sa mga kapaligiran na kapareha nito ng kulay. Ang susunod na gawin ay pagmasdan ang lokasyong pagdadausan ng paghahanap. Lalo na’t kung hindi ka pa pamilyar sa lugar at unang beses pa lamang makapunta roon, ilaan ang ilang segundo para hanapin ang mga bagay batay sa listahan. Mas maganda kung hindi mo muna pipindutin ang mga nahanap ng bagay. Sa halip, kabisaduhin muna ang mga ito dahil makakakuha ka ng combo points kapag sunud-sunod mong pinindot ang mga bagay. Kapag wala ka nang nahanap, agarang pindutin ang mga nakitang gamit. Talasan ang iyong paningin dahil matapos mahanap ang ibang mga bagay sa listahan at mapapalitan ito agad ng panibagong gamit. At dahil inobserbahan mo na ang iyong kapaligiran una pa lamang, magiging madali na sa iyong mahanap ang mga bagong gamit. Maging alisto rin sa pagtingin sa iyong time limit upang hindi lumagpas dito. 

Maging masinop din sa paggamit ng hints dahil limitado lamang ang mga ito. Maaari kang gumamit ng aktwal na pera para bumili ng hints sa pamamagitan ng in-app purchases. Subalit kung hindi mo gustong gumastos, pag-igihan na lamang ang bawat lokasyon para mas marami ang hints na makuha. Tiyakin ding galingan na matapos ang isang level sa unang pagsubok pa lamang para hindi masayang ang iyong enerhiya. Ngunit huwag mag-alala kung hindi ka nagtagumpay sa iyong unang subok. Dahil mas pamilyar ka na sa lugar at mga bagay na kailangang hanapin, mas mapapadali na para sa iyo ang paghahanap. 

Bukod sa mga nabanggit, makakabuti rin para sa iyo kung babasahin ang mga dayalogo ng iba pang mga karakter. Makakakuha ka rito ng mga clue tungkol sa misteryong nararanasan sa Coastal Hill. At higit sa lahat, pinakamahalagang i-enjoy ang bawat pangyayari dahil punung-puno ang larong ito ng sikreto at misteryo! 

Pros at Cons ng Hidden Objects: Coastal Hill

Bagaman may hamong taglay ang Hidden Objects: Coastal Hill, nagustuhan pa rin ito ng Laro Reviews dahil madali pa rin itong maresolba. Hindi na kakailanganin pang maka-benteng ulit bago mapagtagumpayan ang mga level. Mayroon din itong pagkakaiba-iba pagdating sa scenarios kaya talaga nga namang hindi ka mababagot sa tuwing naglalaro. May mga mini game na nagbibigay-daan sa iba’t ibang pamamaraan para makumpleto ang mga task. Hindi lamang ito, madali na ngang makakuha ng ekstrang enerhiya, wala pang makikitang bahid ng anumang ads. Kapag pinaglaanan ng sapat na panahon, hindi komplikadong makabuo ng resources nang hindi naglalabas ng aktwal na pera. Gayunpaman, kung kaya rin lang naman ay mas makabubuti kung bibili ng ilang in-app purchase para magbigay suporta sa Adore Studio Limited. Pabago-bago rin ang laro sa pagitan ng main quest at tournaments kaya napapanatili ng laro ang pagiging interesante nito. Bukod sa mga nabanggit, marahil ang isang tampok ng Hidden Objects: Coastal Hill kung bakit naging angat ito kumpara sa ibang Hidden Objects na laro ay dahil wala masyadong dayalogong matutunghayan. Naroon pa rin ang esensya ng istorya at naipararating pa rin ito nang maayos. Maaari ka pang makahanap ng bagong kaibigan online mula sa interaksyon sa ibang mga miyembro ng guild. 

Kung tatalakayin naman ang mga kailangan pang pag-ibayuhin sa laro, may mga ilang bagay at hints sa laro na hindi masyadong naipaliwanag nang maayos kung ano ang silbi o kaya naman ay paano gamitin. Bagama’t napapalawig nito ang kamalayan ng mga manlalaro na siyasatin ang laro nang mag-isa, mas mainam sana kung ipapaliwanag nang bahagya para hindi masyadong nangangapa ang mga manlalaro – lalo na ang mga baguhan. Dagdag pa rito, habang ikaw ay umuusad sa mga kaganapan sa laro, mas madaling maubos ang enerhiyang kinakailangan. 

Konklusyon 

Ang Hidden Objects: Coastal Hill ay nakakuha ng 4.6 average star ratings sa Google Play Store at App Store. Pinapatunayan lamang nitong kumpara sa ibang mga larong may parehong tema ay nahuli nito ang kiliti ng mga manlalaro. Kinakitaan ito ng balanseng timpla sa pagitan ng daloy ng istorya at aktwal na paglalaro. Naging malawak din ang variation ng mga larong makikita at hindi mapipirmi sa iisang game mechanics. Sa madaling salita, naipabatid ng Hidden Objects: Coastal Hill ang nais nitong iparating sa mga manlalaro. Kaya kung ikaw ay mahilig sa mga larong may tema ng paghahanap, siguraduhing idagdag ang Hidden Objects: Coastal Hill sa iyong koleksyon! 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...