Zgirls 2-Last One Review

Ang Zgirls 2-Last One ay isang 3D zombie survival game na nilakipan ng mga cute na babaeng may mala-anime na istilo ng karakter. Hindi na bago ang gameplay ng larong ito kung saan kailangan mong makipagtunggali laban sa hayok na mga nilalang at maging sa ibang mga manlalaro. Umiikot ang kwento ng laro sa taong 2058 kung saan katatapos lamang ang isang mahabang giyera at naglalayon ang sangkatauhang bumangon at makabawing muli. Inilunsad ng Paradise Group ang Human Aid Project na may hangaring tulungan ang mga taong makaahon sa pagkalugmok. Ngunit totoo nga ba ito?

Ang lahat ng mga nagnais na mapabilang sa proyektong ito ay ipinadala sa isang misteryoso at nakakakilabot na isla. Matatagpuan din dito ang bulto ng mga mapanganib at agresibong mga zombie. Bilang manlalaro, kabilang ka sa mga taong nag-volunteer sa pag-aakalang makakatulong ang Paradise Group. Subalit pagdating sa isla ay walang habas kayong itinapon sa mapanganib na lugar nang walang anumang armas na bitbit. Ang pangunahing layunin ng Zgirls 2-Last One ay makaligtas hindi lamang sa mga zombie kundi lalo na sa mapanghamong gutom, lamig, pagkahapo, at pag-atake ng ibang mga manlalaro. Isa lamang ang tatanghaling panalo sa lugar na ito para mabiyayaan ng Freedom at Rebirth. 

Gabay para sa mga Baguhang Manlalaro ng Zgirls 2-Last One

Makikita sa iyong kaliwang bahagi ng screen ang virtual joystick na iyong magagamit upang mapagalaw ang iyong karakter. Sa ibabang kanang bahagi naman makikita ang limang button na may iba’t ibang gampanin. Dito makikita kung saan pwedeng umatake, yumuko, dumampot ng resources, at mabilisang ma-access ang iyong pagkain. Makikita ang linyang magsisilbing gabay tungo sa lokasyon na nakasaad sa guide ng laro. Kunin din ang lahat ng pwedeng resources na makukuha dahil maaaring magamit ito bilang Synthetic Material sa pag-craft ng iba pang mas advanced na gamit. Kung nais mo namang magpadala ng mensahe sa ibang manlalaro, kailangan mo munang i-craft ang Radio Station. 

Gamitin ang map bilang gabay para matukoy kung nasaan ang lokasyon ng mga puno, hayop, zombie, prutas, at maging ang ibang mga manlalaro. Kapag ikaw ay nagsisimula pa lamang, limitado ang kapasidad ng iyong backpack kaya tiyaking gamitin agad ang mga resources sa pag-craft ng mga mas matitibay at malalakas na armas. Kainin din ang prutas at ibang karneng pwedeng ubusin para hindi makain ang natitirang espasyong mayroon. Kung nais mo namang mabilis ang pagkuha ng resources, bumuo ng grupo ng mga manlalaro upang makipagtunggali laban sa iba pang manlalaro. 

Higit sa lahat, huwag hahayaang mamatay ang iyong karakter dahil ‘pag nagkataon ay mawawala lahat ang pinagpagurang equipment at resources na nalikom. Maging ang iyong damit ay mawawala rin. Babalik kang muli sa pagkakataong ikaw ay nagsisimula pa lang. Mula rito, handa ka na bang pagtagumpayan ang mga balakid at tanghaling natatanging nakaligtas sa Human Aid Project? 

Saan Pwedeng I-download ang Zgirls 2-Last One?

Sa seksyong ito, itururo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Zgirls 2-Last One. Available lamang ang laro sa parehong Android at iOS users, at hindi pa ito available sa PC sa kasalukuyan. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store para sa iOS users. Ilagay ang pamagat ng laro sa search bar. Kapag nahanap na ito sa search results, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangan pang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos nito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Zgirls 2-Last One on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.starring.zgirls2&showAllReviews=true

Download Zgirls 2-Last One on iOS https://apps.apple.com/us/app/zgirls-2/id1358639383

Download Zgirls 2-Last One on PC https://www.mumuglobal.com/en/games/adventure/zgirls-2-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Ang pinakamalaking banta sa iyong kaligtasan ay ang mga zombie. Upang epektibong maipagtanggol ang iyong sarili laban sa mga kaaway, siguraduhing gamitin nang tama ang mga armas para matiyak ang iyong kaligtasan. Bukod pa rito, iwasang gumawa ng anumang huni o tunog sa tuwing nais mong magtago sa mga ito. Sensitibo ang pandinig ng mga zombie kaya tiyaking maging handa sa tuwing gagamitin ang iyong armas. Dahil kundi, siguradong dudumugin ka na maaaring magdulot ng iyong pagkatalo. 

Dahil ito ay isang survival game, ang pangunahing kailangan mong gawin ay mangolekta ng maraming resources hangga’t maaari. Ito ang iyong susi para mabuhay. Kakailanganin mong makahanap ng kahoy, bato, panali, at iba pang kagamitan para mabuo ang iyong base o tahanan. Ito ang magsisilbing panangga at kanlungan laban sa pananalakay ng mga zombie. Bukod sa iyong tirahan, isa pang napakahalaga ring bagay na dapat mong pagtuunan ng pansin ay ang pagkain. Ang ilan sa mga pamamaraang maaari mong gawin ay humuli ng mga hayop, dumampot ng mga prutas, o kaya naman ay maghanap ng bultuhang supply. Tandaan ang bilang ng taglay na pagkain dahil hindi ka maaaring lumaban nang walang laman ang tiyan. Matapos makipagtunggali sa mga zombie, tiyaking kumain agad para malagyang muli ng enerhiya ang iyong karakter. Magagawa ito kung lulutuin ang iyong pagkain sa siga o anumang bukal ng apoy. 

Sa unang bahagi ng iyong paglalaro, makakagawa ka lamang ng mga hindi pa ganap na armas. Gayunpaman, huwag maliitin ang mga ito dahil malaki ang magiging gampanin ng mga mala-armas na ito sa iyong kaligtasan. Dahil dito, importanteng mapataas ang iyong level dahil ma-a-unlock mo ngayon ang iba pang mga armas na may mataas na base stats na magpapalawig sa iyong Combat Ability. Mas mapapadali na ngayon ang matiyak ang pansariling kaligtasan sa anumang nakaambang panganib. Hindi lamang iyan, siguraduhing kunin ang lahat ng resources na maaaring makuha dahil pwede kang makabuo ng sarili mong Battle Merch. 

Maging alisto at maingat kapag ikaw ay sasali ng gang. Makatutulong ito sa iyo dahil may limitasyon ang kapangyarihan ng isang indibidwal at mapapataas nito ang iyong tsansang makaligtas. Sa kabila nito, sa umpisa pa lamang ay isipin mong ito ay pansamantala lamang. Huwag magtitiwala agad sa ibang manlalaro. Kung hindi alintana sa iyo na utakan ang iyong mga kasamahan, maaari mo rin itong gawin sa kanila. Maipapayo ng Laro Reviews na humanap ng tamang pagkakataon kung saan napanatag na ang kanilang loob sa iyo at kunin ang lahat ng kanilang loots. Siguraduhin lamang na napagplanuhan ito nang maayos at kabisaduhin ang lugar kung paano tatakas kung sakali. 

Pros at Cons ng Zgirls 2-Last One

Kinakitaan ito ng malaking pagkakahalintulad sa larong Last Day on Earth. Bagaman ang malinaw na pagkakaiba ng dalawa ay sa Zgirls 2-Last One, nagtatampok ito ng makulay, malinaw, at magandang graphics pagdating sa kabuuang disenyo ng mga karakter. Kung mahilig ka sa cute na anime, nakatitiyak ang Laro Reviews na magugustuhan mo ang visual na masisilayan sa larong ito. Nakakaenganyo ang gameplay nito at nagtataglay rin ng kawili-wiling storyline. Kagaya ng ibang larong may similar na tema, ito ay nakasentro sa pagtitipon ng resources, pagtatayo ng base, at pagsu-survive laban sa mga zombie. Mayroon din itong simpleng level system kaya hindi ka na mangangapa kung paano ba ito laruin dahil pamilyar ka na sa kalakhang takbo ng laro. 

Gayunpaman, kinakitaan man ito ng mga positibong aspeto, mas nangingibabaw pa rin ang mga kailangang pag-ibayuhin dito. Kagaya na lamang ng kawalan ng character customization. Lalo na sa mga larong kagaya nito na isa ang kalayaang baguhin ang panlabas na kaanyuan ang pangunahing tampok, nalilimitahan nito ang kabuuang gaming experience na natatamasa ng mga manlalaro. Dagdag pa rito, wala rin masyadong pwedeng gawin sa tuwing ikaw ay naglalakbay dahil naka-pirmi ka sa mapa. Kailangan mong maghintay habang pinapanood ang iyong icon na gumalaw kada 20 minuto. Mainam kung magdadagdag ang game developers ng iba pang maaaring gawin ng mga manlalaro habang naghihintay. Mas makabubuti rin kung magkakaroon ng mas malawak at komprehensibong mapang may iba’t ibang mga lokasyon. 

Bilang panghuling aspeto kung bakit nakadidismaya ang larong ito ay ang mga isyung teknikal na makakaharap habang naglalaro. Napakaraming bugs at glitches na umaabot na sa puntong nakakasagabal na sa paglalaro. May mga pagkakataong habang nakikipagdigma sa zombie ay biglaan na lamang magha-hang at hindi rin nagse-save ang progress sa laro. At kahit matapos i-restart ang app ay hindi pa rin nasosolusyunan ang isyu.

Konklusyon 

Tiyak na mabubusog ang iyong mata habang nilalaro ang Zgirls 2-Last One dahil nagtatampok ito ng mala-anime na disenyo ng mga karakter at makulay na graphics. Hindi lamang ito, hinaluan pa ito ng pakikidigma laban sa mga zombie! Subalit gaano man kaganda ang isang laro, aayawan ito ng karamihan lalo na’t kung madalas ang mga teknikal na isyung kakaharapin habang naglalaro. Sa halip na ma-relax ay madidismaya ka lamang dahil sa panaka-nakang glitches na mararanasan. Mairerekomenda sana ito ng Laro Reviews, ngunit hangga’t hindi naaayos ng game developers ang sandamukal na bugs na matatagpuan dito, patuloy lamang na mabibitin ang mga manlalaro. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...