Idle Defense: Dark Forest CI Review

Kung ikaw ay mahilig sa Tower Defense games, nakatitiyak ang Laro Reviews na magugustuhan mo ang larong susunod na ipakikilala namin sa iyo!

Ang Idle Defense: Dark Forest CI ay na-develop ng Loongcheer Game. Bilang manlalaro, ang iyong pangunahing layunin ay maprotektahan ang iyong base laban sa pwersa ng kadiliman. Umiikot ang istorya nito matapos masunog nang hindi sinasadya ng isang intern wizard ang kalahati ng kanyang eskwelahan. Dahil sa isang mabigat na kasalanan, pinatawan siya ng kaparusahan sa pamamagitan ng habambuhay na pagpapatalsik. Dahil sa pangyayaring ito, umuwi siya sa kanilang bayan. Hindi lang dito nagtatapos ang kamalasan sa kanyang buhay. Pagkauwi niya ay nagpira-piraso ang Amethyst of the Ancestral Seal na kayamanan ng kanyang pamilya. Bigla ring nilusob ang kanyang tahanan ng mga halimaw para nakawin ang Seal Stone. 

Ang pinanghahawakan na lamang ng kaawa-awang intern wizard na ito ay ang iniwan ng kanyang ama na tanging kopya ng Turret Engineering. Upang protektahan ang lugar kung saan siya lumaki at mapanatili ang kapayapaan sa mundo, siya ay tumindig para depensahan ang Dark Forest. Handa ka na bang tulungan siya? 


Gabay sa Bagong Manlalaro ng Idle Defense: Dark Forest CI

Ang pangunahing layunin ng laro ay maprotektahan ang iyong base gamit ang mga turret na iyong ilalagay sa itinalagang lugar. Upang magawa ito, pumunta lang sa Build tab na makikita sa iyong homepage. Nahahati ito sa dalawang kategorya, ang Common at Time-Limited. Kung iyong mapapansin ay mayroong Chests sa Common na kategorya. Ito ang gacha system ng laro. Kakailanganin mo ng susi para mabuksan ito o kaya naman ay manood ng ads. Kung wala ka namang susi, pwedeng gamitin ang nalikom na diamonds bilang kapalit. Maaaring makakuha rito ng mababa o mataas na level ng turret, depende sa iyong swerte. Sa kabilang banda, ang Time-Limited naman ay may nakalaang tiyak na oras bago mag-refresh muli ang listahan ng turret na maaari mong bilhin. Mabibili mo ito gamit ang iyong coins at diamonds na mayroon ka. 

Huwag hahayaang makalagpas ang pwersa ng kalaban at makaabot sa fragmented core dahil gulo ang maidudulot nito sa daigdig. Bukod sa turret, mapoprotektahan mo rin ang iyong hanay gamit ang iyong taglay na skills. Unti-unting i-unlock ang mga ito habang umuusad sa laro. Ang ilan sa mga skill na iyong gagamitin ay ang Lightning at Frost Freeze. I-tap lamang ang skill button nang paulit-ulit upang ma-activate. 

May mga mission ka ring kailangang makumpleto upang makakuha ng mga reward na iyong magagamit sa pagpapalakas ng iyong teritoryo. Pindutin lamang ang Missions tab na makikita sa iyong homepage. Nahahati ito sa tatlong kategorya: ang Normal, Daily, at Repeat. 

Saan Pwedeng I-download ang Idle Defense: Dark Forest CI?

Sa seksyong ito ng artikulo itururo kung saan at paano i-download ang Idle Defense: Dark Forest CI. Kasalukuyang available ang laro para sa Android, iOS users at maging sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at hanapin ito sa search results. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng sign-in details. Ayan, maaari ka nang maglaro!

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro: 

Download Idle Defense: Dark Forest CI on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.idledefense.darkforest.heromaster.free.classic

Download Idle Defense: Dark Forest CI on iOS https://apps.apple.com/ph/app/idle-defense-dark-forest/id1470022987

Download Idle Defense: Dark Forest CI on PC https://www.bluestacks.com/apps/adventure/idle-defense-dark-forest-cl-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro

Ang layunin ng Idle Defense: Dark Forest CI ay maprotektahan ang iyong tore nang hindi nalalampasan ng masasamang loob. May space na nakalaan kung saan maaaring itayo ang turrets na tutulong sa iyo upang maisakatuparan ito. Aatakihin nito ang mga kalabang dumaraan sa mga pwesto nito. Naghanda ang Laro Reviews ng ilang tips upang matulungan kang manalo sa bawat level. 

Pag-evolve ng turrets

Marahil ang pinakamahalagang bagay na kailangan mong matutunan sa Idle Defense: Dark Forest CI ay ang pag-e-evolve ng turrets. Makikita ang mga lugar kung saan maaaring itayo ang mga ito. Ngunit tandaang kailangan mo munang bilhin ang karamihan sa mga ito bago makapagpatayo ng turret. Kung iyong mapapansin, may makikita ka ring numero sa mga turret card na iyong makukuha. Bigyang-pansin ang mga ito dahil ito ang tutukoy sa daloy ng pag-evolve ng iyong turret. Halimbawa na lamang, mayroon kang level 6 at level 7 na turret cards sa iyong bag. Sa kabilang banda naman ay naglagay ka ng isang level 10 na turret sa field para maprotektahan ang iyong base. Ipapaalam sa iyo ng system na kailangan mo nang i-upgrade ang iyong level 10 na turret para lalo pa itong lumakas. Dahil dito, kakailanganin mo ng isa pang level 10 na turret card. Ngunit kung ating babalikan, tanging level 6 at level 7 lamang ang mayroon ka. Kaya ang dapat mong gawin ay bumili ng isang lugar kung saan pwedeng ilagay ang isa pang turret. Matapos ito, ilagay na ang level 7 na turret at i-upgrade ito gamit ang iyong coins. Paabutin ito hanggang level 10 bago pindutin ang pack-up. Oras na ito ay iyong ginawa ay matatanggal na ang iyong dating level 7 na turret na ngayo’y level 10 na at mapupunta sa iyong bag. Sa ngayon, mayroon ka nang level 6 at level 10 na turret cards. Dahil dito, pwede mo nang i-upgrade ang iyong level 10 na turret na kasalukuyang nasa field. Pindutin lamang ang upgrade button at piliin ang level 10 na turret card. Kung iyong mapapansin sa proseso, kailangan ng ibayong pagbuo ng estratehiya para epektibong mailagay nang maayos ang turrets. 

Paglalagay ng turrets

Sa umpisang bahagi ng laro, mahalagang maglagay sa unahang parte ng depensa para magapi agad ang mga paparating na kaaway. Kapag nakaipon ka na ng sapat na coins para sa ikalawa at ikatlong turret, susunod namang ilagay ito sa gitnang bahagi ng iyong teritoryo. Para kung sakaling may nakalagpas sa unang linya mo ng depensa, makakasiguro kang may susunod na panangga. Ang ilang uri ng atake ng iyong turret ay ang Arrow, Magic, Stone, at Poison. 

Pag-maximize ng skills

Bukod sa pag-atake ng turret sa kalaban, ang isa pang pamamaraan para magapi ang mga nakaambang panganib sa iyong teritoryo ay ang paggamit ng iyong skills. Para ma-activate ito, pindutin ang attack button nang paulit-ulit. Malakas din ito kumpara sa atake ng iyong turrets kaya kung nais mong mapabilis ang pag-usad ng iyong laro, i-tap lang ito nang i-tap. 

Pagpapalakas ng hanay

Bukod pa sa mga nabanggit, isa rin mahalagang aspeto para matiyak ang iyong tagumpay ay ang patuloy na pag-upgrade ng iyong skills, turrets, at demons. Gamitin lamang ang iyong coins at diamonds para magawa ito. 


Pros at Cons ng Idle Defense: Dark Forest CI

Makulay ang kabuuang visual ng Idle Defense: Dark Forest CI. Makikita rito ang makulay at cute na istilo ng graphics. Swak na swak ito sa para sa mga batang manlalaro, lalo pa’t madali lang din maintindihan ang gameplay ng laro. Hindi ito kumplikado dahil ang tanging layunin mo lamang ay protektahan ang iyong tore. Gayunpaman, kinakailangan pa rin ng ibayong pagbuo ng estratehiya para tuluyang hindi makalagpas ang mga kalaban sa iyong teritoryo. Nilakipan din ang larong ito ng background music na talaga nga namang nagbigay dagdag-karanasan na matutunghayan sa larong ito. Hindi rin masyadong kailangang bantayan ang laro dahil automatic nang umaatake ang inilagay na turrets sa mga kalaban. Kaya kung ikaw ay may iba pang ginagawa, maaari ka pa ring umusad sa laro. 

Sa kabila ng mga positibong aspetong nabanggit, para sa Laro Reviews ay mas nananaig pa rin dito ang mga kailangan pang pag-ibayuhin sa Idle Defense: Dark Forest CI. Marahil ang isa sa bagay na iyong unang mapapansin ay ang bilang ng ads na makikita rito. Bagama’t binigyan pa rin naman ng opsyon ng game developers ang mga manlalaro kung nais ba nilang panoorin ang mga ad o hindi, mapipilitan kang pindutin ang mga ito dahil sa dagdag na rewards na posibleng matanggap. Makatutulong ang mga ito para mas lalong mapalakas ang iyong turrets nang sa gayon ay maging matagumpay ka sa pagprotekta ng iyong base. 

Nabanggit mang positibong aspeto ang pagkakaroon nito ng auto mode, ikinokonsidera din itong negatibong aspeto dahil sa kawalan ng koneksyon sa pagitan ng laro at ng mga manlalaro. Ang madalas na kailangan mo lamang gawin ay i-tap ang mga pop-up windows at masigurong iyong natatanggap ang mga reward na coins at gems. Paulit-ulit lamang ang takbo ng laro kaya madaling mababagot ang mga manlalaro. 

Konklusyon

Disente at cute ang kabuuang visual na ginamit sa Idle Defense: Dark Forest CI. Sinamahan pa ito ng mala-misteryosong background music na talaga nga namang nagtakda sa atmosperang nais ipabatid ng laro. Simple ang gameplay nito at maging ang mga bata ay maaari itong laruin. Gayunpaman, sandamukal na ads ang matutunghayan sa larong ito. Kung nais mong mas mapabilis ang iyong pag-usad o kaya naman ay mapalakas ang iyong turrets nang walang pag-aalinlangan, kailangan mong manood ng ads na tumatagal ng halos 30 segundo. Dahil sa kadahilanang ito, para sa Laro Reviews ay maaaring hindi ito ang pinakamahusay na larong pipiliin para sa mga naghahanap ng de-kalidad na larong may similar na tema. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...