Kung hindi mo pa natatagpuan ang hinahanap mong game app na pwede kang mag-design habang naglalaro ng puzzle games, halina’t kilalanin at suriin ang larong ito. Ang Home & Garden: Design Makeover ng Goodgame Studios ay isang free-to-play home design at match 3 puzzle game app. Ito ay inilabas noong Enero 2021. Makalipas lang ang mahigit isang taon ay nakagawa na ito ng pangalan sa iba’t ibang gaming platforms.
Ang larong ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga manlalaro na maging isang mahusay na home designer. Susubukin nito ang kanilang pagkamalikhain at imahinasyon. Ang pangunahing layunin dito ay ayusin at mas pagandahin pa ang luma at sirang mga bahay at iba pang ari-arian na mga kliyente. Bukod dito, mabibigyan din ng pagkakataon ang mga manlalaro na makipag-ugnayan sa NPCs at malaman ang kanilang nakakamanghang mga kwento.
Contents
Paano I-download ang Laro?
Ang game app na ito ay maaaring i-download sa Android at iOS devices. Kinakailangan mo lang hanapin ito sa Play Store o kaya ay sa App Store. Kung mas gusto mong maglaro gamit ang gaming devices na may mas malaking screen, tulad ng laptop o desktop, maaari mong i-download ang app sa kompyuter at i-run gamit ang isang Android emulator. Upang hindi masayang ang iyong oras sa paghahanap, maaari mo ring gamitin ang mga sumusunod na links:
Download Home & Garden: Design Makeover on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.goodgamestudios.bigfarmhomeandgarden
Download Home & Garden: Design Makeover on iOS https://apps.apple.com/us/app/home-garden-design-makeover/id1522447805
Download Home & Garden: Design Makeover on PC https://www.ldplayer.net/games/big-farm-home-garden-on-pc.html
Ultimate Guide para sa mga Manlalaro
Hindi na kailangang magparehistro o kaya ay gumawa ng game account upang makapaglaro rito. Kailangan mo lamang gumawa ng username at masisimulan mo na ang iyong kapanapanabik na pakikipagsapalaran. Subalit, bago ang lahat ay nais ng Laro Reviews na malaman mo ang ilang mahahalagang impormasyon tungkol dito at ilang tips at tricks na makakatulong upang malampasan mo ang mga naghihintay na hamon.
- Gameplay
Ang larong ito ay kumbinasyon ng home design simulation at match 3 puzzle game. Kasama ang game characters na sina Benny at Sarah, dapat mong tugunan lahat ng kahilingan ng mga kliyente tungkol sa pag-aayos ng kanilang bahay. Kailangan mo ring makakuha ng sapat na coins at gems upang makabili ng items na gagamitin para sa design projects. Para kumita ng resources, dapat mong lutasin ang puzzles kapalit ng rewards. Ang laro ay nagtatampok ng match 3 puzzle games kung saan ay kailangan mong i-match ang tatlo o higit pang magkakaparehong puzzle pieces. Kapag nakumpleto mo ang isang renovation project ay makakatanggap ka rin ng ilang karagdagang rewards.
Upang makapag-level up, dapat mong matupad ang bawat layuning nakatakda sa bawat level. Halimbawa ng mga ito ay ang pag-eliminate sa sampung heart o diamond puzzle pieces. Sa ibang mas advanced na game levels, may mga karagdagang hadlang na dapat alisin tulad ng libro at barrels. Tandaan na limitado lang ang game moves na pwede mong gamitin dito. Hangga’t maaari, tiyakin na bawat move ay talagang makakatulong upang makumpleto ang layunin. Kung sakaling mabigo ka sa pagtupad nito at naubusan ka na ng game moves ay mababawasan ang iyong life points at kinakailangan mong i-restart ang nasabing level.
Pagdating naman sa design activities, tandaan na karamihan sa mga proyekto dito ay hindi madaling makukumpleto. Ang mga gawain dito ay may tamang pagkakasunud-sunod. Halimbawa na lamang ay ang pagpapalit muna ng lumang sofa bago ang wallpaper, flooring at iba pang dekorasyon. At dahil magastos din ang mga ito sa resources ay kinakailangan mo munang maglaro ng puzzles, mag-ipon at balikan ang mga natitirang dapat ayusin.
- Power-ups at Boosts
Kung sakaling mahirapan ka o malagay sa alanganing sitwasyon, may power-ups at boosts ka ring maaaring gamitin dito. Ang mga ito ay nakakatulong nang malaki upang makapag-eliminate ng mas maraming puzzle pieces gamit ang kaunting game moves.
May dalawang paraan upang ma-activate ang mga ito. Una ay sa pamamagitan ng double tap at pangalawa ay sa pagsa-swap nito sa katabing puzzle piece. Mas challenging din ang pagkamit sa power-ups at boosts sa larong ito. Hindi katulad sa iba, hindi ka maaaring bumili ng mga ito gamit ang in-game resources. Sa halip, kailangan mong mag-match ng apat o higit pang magkakaparehong puzzle pieces.
May limang pangunahing game boosters sa larong ito: Row Blast, Column Blast, Bomb, Rocket at Color Blast. Sa pamamagitan ng pag-match ng apat na puzzle pieces sa patayong linya ay makakakuha ka ng Row Blast, samantala, kapag pahalang naman ay Column Blast. Sa kabilang banda, ang Bomb booster ay pwedeng mabuo kapag nag-match ka ng limang puzzle pieces gamit ang mga hugis na L, T o baliktad na T. Samantala, ang Rocket booster naman ay lumalabas kapag nai-match ang apat na puzzle pieces na hugis parisukat. Ang Color Blast naman ay makukuha sa pamamagitan ng pag-match ng limang puzzle pieces na nakahanay ng pahalang o patayo. Maaari mo ring pagsamahin ang dalawang magkatabing power-ups upang makagawa ng special booster na may pambihirang epekto.
Pros at Cons ng Home and Garden: Design Makeover
Isa sa ipinagmamalaki ng larong ito ay ang masaya at nakakahumaling na gameplay. Nagtatampok ito ng kakaiba at nakakaakit na storyline kung saan ang mga manlalaro ay maaari ring makipag-ugnayan sa iba’t ibang NPCs. Ang game levels nito ay kapanapanabik at challenging dahil maraming kakaibang mga hamon na naghihintay dito. Malinaw din ang tasks at objectives na kinakailangang tuparin. Kung ikukumpara ito sa ibang home design at puzzle games, mas maganda ang items at mga disenyong pwedeng pagpilian dito. Malaking bagay din na hindi na kinakailangan pang gumastos ng mga manlalaro para sa in-app purchases dahil sapat ang game resources na pwedeng makuha nang libre.
Gayunpaman, hindi lahat ay nasisiyahan at napapabilib sa game app na ito. May ilang manlalaro na nagsasabing ang puzzle match 3 gameplay nito ay masyadong simple at pangkaraniwan. Sa kabilang banda, may iba naman na nagrereklamo dahil masyadong mahirap ang mga tampok na puzzles sa advanced game levels. Ang ads na madalas nakakaistorbo sa paglalaro ay napakatagal ding matapos. Masyado ring mataas ang presyo ng game items para sa design activities. Nakakalungkot na ang rewards na makukuha mula sa renovation projects ay nakabatay sa star ratings na hindi naman patas para sa lahat. Isa sa mga dahilan kung bakit maraming manlalaro ang nasisiyahan sa unang bahagi ngunit napipilitan namang i-uninstall ito sa kalaunan ay dahil habang nagpapatuloy ka sa laro, unti-unti ring nababawasan ang rewards na natatanggap mula rito.
Konklusyon
Sa kabuuan, kung ikukumpara ang Home & Garden: Design Makeover sa ibang game apps na may kaparehong genre, masasabi natin na ito ay isa sa mga may natatanging designs at de-kalidad na graphics. Kahit na medyo sumablay ang laro pagdating sa ilang aspeto, nais pa rin itong irekomenda ng Laro Reviews. Kung isasaalang-alang ang ratings at feedback ng mga manlalaro ay malaki pa ang potensyal nitong maging mahusay at mas makilala pa.
- 0 Comment
- Casual Game Apps, Reviews
- July 21, 2022