Ang pamamahala sa isang resort ay hindi isang madaling gawain. Dapat ay palaging naaaliw at nasisiyahan iyong mga bisita. Ang featured game sa artikulong ito ay magbibigay sa iyo ng isang sulyap sa pagpapatakbo ng isang resort island ngunit sa mas simple at masayang paraan. Ang ‘Paradise Island 2: Hotel Game’ ay resort management at simulation game na inilabas ng Game Insight.
Ang masamang shaman ay nag-cast ng spell na naglalagay ng vines sa lahat ng dako at nagiging sanhi upang hindi matirhan ang isla. Bilang bagong may-ari, kailangan mong alisin ang lahat ng ito at pigilan ang antagonist sa kanyang masasamang plano. Bumuo ng mga istruktura at tumuklas ng mga bagong lugar sa labas ng iyong teritoryo. Bilang karagdagan, tutulungan ka ni Naomi sa iyong gawain habang ibinabalik mo ang resort sa dati nitong estado.
Contents
Features ng Paradise Island 2: Hotel Game
Buildings – Ito ang structures na kailangan mong itayo. Ang bawat isa ay may iba’t ibang functions, tulad ng:
- Entertainment – Ang mga stand o tindahang hindi kailangan ng mga turista para kumita ng coins.
- Mga Hotel – Ang lugar kung saan maaari kang mag-organisa ng isang event para sa mga turista, at maari ka ring kumita mula sa mga ito.
- Service – Ito ang pinagmumulan ng kuryente na nagpapagana sa iba pang unit sa iyong isla.
- Decorations – Recreation Area man o Jungle House, ang layunin ng mga ito ay magdagdag ng tema upang ma mapaganda pa ang iyong isla.
Mga Turista – Sila ang mga taong darating sa isla na kailangan mong salubungin sa pier. Sa kanila nagmumula ang iyong profits dahil kikita ka ng coins matapos nilang puntahan ang events sa iyong hotels.
World Events – Ito ang quests na kailangan mong kumpletuhin para makakuha ng rewards. Bukod dito, ang bawat isa sa mga ito ay magkakaroon ng lores na nagtatampok sa mga taong nananatili sa iyong isla.
Mini-games – Ang mga karagdagang game mode na maaari mong laruin upang makakuha ng resources tulad ng coins, Party Planner, at XP.
- Turtilliada – Isang turtle island kung saan maaari kang maglaro ng tile-matching puzzle games.
- Speedboat – Isang racing game na nangangailangan ng fuel upang simulan ito. Ang pangunahing layunin nito ay makaipon ng gears habang umiiwas sa obstacles.
Unions – Ang feature na tumutulong sa players na kumonekta sa isa’t isa sa pamamagitan ng paglikha ng isang alyansa.
Saan pwedeng i-download ang Paradise Island 2: Hotel Game?
Pumunta sa Google Play Store gamit ang iyong smartphone kung Android user ka o sa App Store kung iOS device naman ang iyong gamit. I-type ang Paradise Island 2: Hotel Game sa search bar. Dahil libre ang laro, i-click at i-install lang ito at hintaying matapos ang pagda-download. Gayunpaman, hindi mo ito malalaro sa iyong PC.
Narito ang mga link kung saan mo maaaring mai-download ang laro:
Download Paradise Island 2: Hotel Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gameinsight.gplay.island2
Download Paradise Island 2: Hotel Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/paradise-island-2-resort-sim/id893555393
Tips at Tricks sa Paglalaro
Nauubusan ka ba ng coins, o gusto mo bang makaipon ng mas maraming resources? Kung gayon ay gamitin ang tips na ito upang paunlarin ang iyong isla.
Maglaro ng mini-games.
Sa halip na maghintay ng ilang oras upang matapos ang mga gusali o mangolekta ng resources, maaari mong gugulin ang iyong oras sa paglalaro ng mga ito upang makakuha ng higit pang rewards.
Mag-add ng players.
Ang mga benepisyo ng pagkakaroon ng friends sa laro ay maaari kang makipagpalitan ng mga regalo sa kanila para mapabilis ang pagtatayo ng iyong mga gusali at bawasan ang oras ng events sa iyong mga hotel. Kaya huwag mag-atubiling magdagdag pa ng players.
Mga hindi pa natutuklasang lugar.
Makakakita ka ng mga mauulap na lugar sa labas ng iyong teritoryo sa simula ng laro at makikita mo ang mga asul na icon sa itaas ng mga ito. Magpapakita ito ng mga impormasyon tungkol sa lugar na iyon at magbibigay ng coins matapos mong basahin ang mga ito, kaya i-click dapat ang lahat upang makakuha ng higit pang resources.
Kumpletuhin ang World Events.
Ang ilan sa quests dito ay tungkol lamang sa pakikipag-usap sa isang tao o pagkolekta ng mga bagay mula sa mga bumibisitang turista. Maaaring tumagal ng ilang oras upang matapos ang mga ito, ngunit sulit ang rewards na makukuha mo.
Magtayo ng Fireworks Store.
Maaaring nagkakahalaga ito ng tatlong daang gems, ngunit isa ito sa mga pinaka-profitable na gusali sa unang bahagi ng laro. Sa Level 1, maaari itong kumita ng mahigit dalawang daang coins at karagdagang pera kapag nagpaputok ka ng fireworks. Maaari kang mangolekta ng higit pa mula rito kaysa sa mga gusaling maaari lamang magbigay ng mas mababa pa sa isang daan.
Pros at Cons ng Paradise Island 2: Hotel Game
Ang pagdaragdag ng mini-games ay nagpapanatili sa pagkahumaling ng mga players sa paglalaro nito dahil maaari silang makakuha ng karagdagang resources mula sa rewards. Ito ay isang mahusay na feature upang gawin silang abala habang hinihintay nilang matapos ang pagtatayo o pag-a-upgrade ng mga gusali. Dahil sa aliw na hatid ng mini-games, hindi mo lamang gugulin ang karamihan ng iyong oras sa pagkolekta ng coins mula sa iyong profits.
Ang pag-log in gamit ang iyong Facebook account ay hindi lamang magbibigay sa iyo ng coins bilang rewards, maaari mo ring i-save ang iyong progress sa laro. Malaking tulong ito sa players na gustong magpatuloy ng paglalaro ng Paradise Island 2: Hotel Game kahit na palitan nila ang kanilang device.
Marami mga gawain upang panatilihing abala ka rito. Hindi ka mawawalan ng mga gagawin dahil ang mga ito ay mapapalitan agad tuwing natatapos mo ang tasks. Kaya magkakaroon ka ng maraming paraan para makaipon ng resources. Gayunpaman, maaaring hindi pa rin sapat ang mga ito dahil ang ilang mga gawain ay nagkakahalaga ng maraming coins para matapos. Halimbawa, ang pag-aayos ng inabandunang motorboat ay nagkakahalaga ng 20,000 coins. Pero dahil nagsisimula ka pa lang sa laro, hindi mo pa rin ito kayang bayaran dahil kailangan mo munang magtayo ng iba pang istraktura. Kapag ang coins na kinikita mo ay hindi sapat, mayroong in-app purchases na makapagbibigay ng maraming resources. Kailangan mong mag-grind sa mahabang panahon o maaari kang gumamit ng totoong pera para makuha agad ang mga ito.
Dahil maaari mong laruin ito offline, hindi nakatagpo ang Laro Reviews ng anumang lags habang naglalaro. Dahil dito, maaari kang makausad kahit na wala kang stable internet connection.
Konklusyon
Ang Paradise Island 2: Hotel Game ay may relaxing atmosphere at tropical vacation vibe habang nilalaro ito. Nag-aalok din ito ng maraming features at mini-games na may kaugnayan sa tema. Inirerekomenda ito ng Laro Reviews para sa players na naghahanap ng resort management game na makakatulong sa kanilang maranasan ang isang masayang summer vacation habang naglalaro. Gayunpaman, hindi ito free-to-play friendly. Masaya ito sa early game, ngunit matatagalan kang makakuha ng resources habang umuusad ka rito.
- 0 Comment
- Casual Game Apps, Reviews
- July 21, 2022