Idle War: Legendary Heroes Review

Handa ka na ba sa isang maaksyon na sagupaan sa pagitan ng mga kampon ng kabutihan at kasamaan? Kung ganun, basahin itong artikulong ginawa ng Laro Reviews upang makilala itong bagong laro. Ang Idle War: Legendary Heroes ay isang role-playing idle game na ginawa ng IDLE GAME. Halika’t ating alamin ang mga magagandang tampok nitong laro.

Mga Tampok ng Laro

Simple lang ang gameplay nito. Una, kailangan mo lang gumawa ng hero line up na siyang lalaban at pagkatapos ay manood habang naglalaban ang dalawang panig. Ngayon, talakayin naman natin ang mga kahanga-hangang tampok nitong laro. Mayroon itong tatlong pangunahing mode. Una ay ang Campaign mode na siyang pangunahing mode ng laro. Dito ay makakakuha ka ng gold, diamonds at soul shards. Pangalawa ay ang Arena. Sa mode na ito ay makakalaban mo ang ibang mga manlalaro. Mayroon itong ranking system kaya ito ang tamang lugar upang subukin ang lakas ng iyong mga hero. Ang pangatlong mode ay ang Dark Tower. Sa mode na ito, kailangan mong talunin ang mga kalaban at umakyat sa itaas na palapag ng tower. Sa bawat pagtaas ng iyong palapag ay tumataas din ang level at difficulty ng kalaban at makakakuha ka ng reward sa bawat palapag na iyong maipapasa. Mayroon din itong Raid na tampok na kung saan ay makakakuha ka ng exclusive rewards tulad ng hero shards na ginagamit upang makapag-unlock ng panibagong hero. Ito ay nahahati sa tatlong mode: ang Coin Raids, Material Raids at Shard Raids. Maaari kang makabili ng mga hero sa Summon Hall at nahahati sa tatlong uri ang pwede mong i-summon. Ang mga ito ay ang Basic, Heroic at Friendship. Ang Basic ay nangangailangan ng basic summoning scroll upang ma-activate at makakakuha ka ng 1-star hero. Sa heroic naman ay maaari kang makakuha ng malakas na hero mula 3-star hanggang 5-star rank na hero. Sa Friendship naman ay random ang makukuhang hero ngunit mayroong pagkakataong makakakuha ng premium hero. Mayroon din itong auto-grind system na nagbibigay sayo ng rewards sa isang takdang oras. Ang mga tampok na ito ay ilan lamang sa dapat mong asahan sa larong ito at maaari pa itong madagdagan sa mga susunod na updates.

Paano i-download ang Idle War: Legendary Heroes?

Hindi mo na kailangang gumawa ng kahit anong login accounts upang makapaglaro nito. Pareho lang ang proseso ng pag-download nito para sa Android at iOS kaya kung gusto mo itong i-download sundin lamang itong mga hakbang. Para sa Android pumunta sa Google Play Store at App Store naman para iOS. Pagkatapos, i-type sa search bar ang pangalan ng larong ito at i-click ang install o download. Maaari mo rin itong i-download sa PC ngunit, kailangan mo munang i-download ang Bluestacks Emulator, pagkatapos ay hanapin itong laro sa emulator at i-download. Para sa mas mabilis na pag-access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.

Download Idle War: Legendary Heroes on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.idle.heroes.war

Download Idle War: Legendary Heroes on iOS https://apps.apple.com/us/app/idle-war-legendary-heroes/id1481422756

Download Idle War: Legendary Heroes on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/idle-war-legendary-heroes-on-pc.html

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Sa katunayan, napakasimple lang nitong laruin dahil hindi naman gaanong komplikado ang gameplay nito subalit mahihirapan kang makausad sa mga stage dahil sa bilis ng pagtaas ng mga level ng iyong makakalaban. Kung nahihirapan kang makausad, huwag mag-alala dahil narito ang gabay mula sa Laro Reviews na tiyak na makakatulong sa iyo. 

Mayroon lamang tatlong bagay na dapat mong tandaan upang mapabilis ang pagpapalakas ng iyong mga hero. Una ay ang hero management, susunod ang resource management at panghuli ay ang mga quest. Talakayin muna natin ang hero management. Ang mga hero ay mayroong klasipikasyon at level mula sa 1-star na pinakamahina hanggang sa 5-star na siyang pinakamalakas. Kapag umabot na sa 5-star ang iyong hero, maaari mo na itong i-rank up upang mas maging malakas ito at ma-unlock nito ang mga bagong malalakas na skills. Tandaan na sa bawat sampung level, kailangan mo ng ace crystal. Upang i-level up ang iyong mga hero, kailangan mo ng sapat na soul shard at gold at makakakuha ka nito sa campaign mode. Ngunit mayroong mas mabilis na paraan upang makakuha ng mga ito, pumunta lamang sa dark tower at sikaping makapunta sa pinakamataas na palapag na kayang abutin ng iyong kasalukuyang level. Sa madaling salita, ganito ang epektibong routine ng pag-grind. Una sa campaign upang makaipon ka ng maraming soul shard at i-level up ang iyong hero. Kung sa tingin mo ay malakas na ang iyong mga hero, subukan namang mag-grind sa dark tower at abutin ang pinakamataas na palapag na iyong kayang abutin at kapag natalo ka na at nai-stuck sa isang palapag, bumalik ulit sa campaign mode at ulitin ang proseso. Sa ganitong paraan tiyak na makakaipon ka ng doble o tripling dami ng resources kaysa sa campaign mode. 

Ngayon ay dumako naman tayo sa resource management. Tandaan na mayroong mga tiyak na lugar upang makakuha ng mas maraming resources. Halimbawa, kung gusto mong makakuha ng mas maraming ace crystal, kailangan mong mag-grind sa dark tower. Mas marami kang makukuhang soul shards sa campaign at kung gusto mong makakuha ng maraming hero shard, kailangan mong sumali sa Raid. Sa kabuuan, mayroon lamang tatlong esensyal na mode upang makakuha ng mas maraming resources, una ay ang Campaign tapos ang Dark tower at panghuli ay ang Raid. Binibigyang-diin rin ng larong ito ang pag-kumpleto ng mga quest dahil nagbibigay ang mga quest ng mga premium na item at hero kaya tiyakin na kumpletuhin at bigyang halaga ang pag kumpleto ng mga quest. Kung masusunod mo ito ng tama, tiyak na tataas ang tsansa mong lumakas ng mabilis.

Kalamangan at Kahinaan

Tiyak na maraming manlalaro ang hindi ito magugustuhan dahil sa idle style na gameplay nito ngunit kung ating susuriin ng maigi, maraming magagandang bagay ang mayroon itong laro na tiyak na kahuhumalingan ng maraming manlalaro. Isa na rito ang napakagandang graphics at animation nito. Dahil ito ay nasa 3D, ang bawat animation nito ay napakakinis at halos walang lags sa bawat paggalaw ng mga characters. Ang gameplay ay napaka-simple at hindi na nangangailangan ng mga magarbong strategy at tactics upang manalo sa bawat stage. Ang mga mode nitong laro ay talagang mapanghamon lalo na ang Dark Tower dahil kahit na mayroon kang dalawang 5-star hero, mahihirapan ka parin maipasa at makaabot sa ika-100 na palapag sa isang upuan lang kaya kahit na idle ang gameplay nito ay tiyak na hindi ka mabibitin pagdating sa mga challenges at quests. Ang reward system ng laro ay talagang mapagbigay dahil bukod sa daily quest at Raid, mayroon itong auto-grind na tampok kaya hindi mo na aalalahanin kung saan ka kukuha ng karagdagang exp, diamonds, gold, soul at hero shards. Wala rin itong mga nakakairitang pop-up advertisements na siyang pinaka-nagustuhan ko sa larong ito. Marami ding pagpipiliang mga hero sa laro kaya maaari mong i-customize ang lineup ng iyong hero base sa iyong kagustuhan. Kung mayroon man akong hindi nagustuhan rito, ito ay ang napakalaking file size ng laro dahil bukod sa files na kailangan mong i-download sa Google Play Store at App Store, mayroon pa itong karagdagang files na kailangang i-download pagkabukas mo nitong laro.

Konklusyon

Sa kabuuan, itong laro ay nakatanggap ng star rating na 4.5 sa Google Play Store at 4.7 naman sa App Store. Kung ikukumpara mo itong laro sa iba pang mga casual at idle games, lamang ito pagdating sa resource gathering dahil sa tampok nito na auto-grinding. Masasabi kong hindi talaga para sa lahat itong laro dahil maaaring hindi ito ma-enjoy ng mga manlalarong pihikan sa pagpili ng laro. Ngunit kung mahilig ka sa adventure game, iminumungkahi kong subukan mo itong laro at tiyak na hindi ka magsisisi. Kaya i-download na ang Idle War: Legendary Heroes ngayon.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...