MapleStory M – Fantasy MMORPG Review

Ang MapleStory M – Fantasy MMORPG (Massively Multiplayer Online Role-Playing Game) ay isang larong side-scrolling fantasy na sadyang nilikha para sa mga mobile device. Itinatampok sa larong ito ang nakaka-enganyong storyline ng orihinal na MapleStory MMORPG. Sa larong ito, maaaring gumawa ang mga manlalaro ng customized characters, at pumili mula sa limang klase ng main characters: Dark Knight, Bow Master, Night Lord, Bishop, at Corsair. Ang laro ay nagsisimula sa paglalakbay ng iyong napiling character upang hanapin ang kasagutan sa pagkawala ng kanyang memorya. Habang hinahanap ang mga sagot sa likod ng pagkawala ng kanyang memorya, makakaharap niya sa daan ang mga halimaw. Kukumpletuhin ng mga manlalaro ang mga misyon sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa mga halimaw na nagbibigay sa mga manlalaro ng mga puntos (XP), item, at pera para i-upgrade ang kanilang mga kasanayan, armor, at armas. Upang makuha ang pinakamagandang mga gantimpala, ang mga manlalaro ay maaaring makipagsapalaran sa mga guild at pumasok sa mga espesyal na kaganapan at makipaglaban kasama ng iba pang mga manlalaro upang talunin ang pinakamalalaking halimaw.

Sa karagdagan, ang MapleStory M – Fantasy MMORPG ay isa ring free-to-play na 2D MMORPG kung saan ang mga manlalaro ay mga adventurer sa isang mahiwagang mundo ng pantasya. Ito ang mobile na bersyon ng iconic na PC MMORPG Maplestory.

Kilalanin ang limang characters at piliing maging Dark Knight, Bishop, Night Lord, o Bowmaster. I-customize ang mga character, mula sa kanilang kulay ng skin hanggang sa kanilang istilo ng buhok, at kumuha ng mga gamit na pampaganda upang higit silang maging kaaya-ayang tingnan. Galugarin ang Maple World at tuklasin ang bawat lugar na matatagpuan sa mapa tulad ng Nihal Desert at Minar Forest kasama ang limang natatanging mga character at humayo para sa pakikipagsapalaran. Bawat isa ay may sariling lakas at kwento. Makipagtulungan sa mga kaibigan upang tuklasin ang mga dungeon at harapin ang mga nakakatakot na boss sa mga pagsalakay. 

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Laruin ang Daily Dungeons dahil maaaring paganahin ng mga manlalaro ang mga character na may mga hiyas na makikita rito, o piliin ang Private Mini Dungeon kung saan maaaring ituon ng mga manlalaro ang kanilang oras sa pagle-level up sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga halimaw na kanilang pinili at pangangaso ng mga partikular na item sa paghahanap sa kanilang sariling mini dungeon.

Tugisin ang Master na si Mu Lung Dojo. Ang hamong ito ay nag-aatas sa mga manlalarong umakyat sa game floors at talunin ang mga halimaw sa daan. Kapag naabot na nila ang tuktok, haharapin nila ang mismong martial arts master na si Mu Gong. Hindi rin pwedeng kalimutan ang pag-explore ng Nett’s Deadly Pyramid kung saan layunin nilang palayasin ang mga mummy at iba pang mga halimaw upang matuklasan ang mga mahihiwagang kayamanang nakatago roon.

Bukod dito, maaari ring imbitahan ang mga kaibigan upang makasama sa laro. Maaaring sumali ang mga manlalaro sa isang alyansa kasama ang hanggang 10 iba pang kaibigan upang labanan ang iconic na raid boss na si Zakum para sa mga eksklusibong reward. Kung mas malaki ang panganib, mas malaki ang premyong maaaring makuha.

Hinihikayat ang mga manlalarong mag-imbita ng mga kaibigan, sumali sa mga guild, at makipag-chat sa mga miyembro ng guild upang talunin ang mga makapangyarihang halimaw. Ang mga manlalaro ay maaaring magpadala ng Mail sa mga indibidwal na manlalaro kung saan maari silang makipag-ugnayan sa isa’t-isa kung sa paanong paraan matatalo ang malalakas na uri ng mga kalaban.

Nag-aalok ang larong ito ng isang in-app na cash shop ng daan-daang vanity items gaya ng damit at alagang hayop para tuksuhin ang mga manlalarong gumastos ng pera. Pero laging mag-isip ng praktikal dahil maaaring makakuha ng libreng vanity items sa kalaunan ng laro.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at kailangang i-download ang isang emulator sa PC para gumana ito. O ‘di naman kaya’y i-click lamang ang mga link sa ibaba:

Download MapleStory M- Fantasy MMORPG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.nexon.maplem.global

Download MapleStory M- Fantasy MMORPG on iOS https://apps.apple.com/us/app/maplestory-m-fantasy-mmorpg/id1290086677

Download MapleStory M- Fantasy MMORPG on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/maplestory-m-on-pc.html

Features ng Laro

  • Multiplayer RPG Fighting Game – Kasama ang mga kaibigan, maaaring laruin ang ilang game modes sa larong ito kung saan magtutulungan kayong pabagsakin ang pwersa ng mga kalaban lalo na ang mga itinuturing na big bosses ng laro.
  • Different Game Modes – Higit sa tatlong uri ng labanan ang pwedeng salihan ng mga manlalaro kung saan iba’t ibang halimaw at mga kalaban ang makakaharap nila.
  • Unlimited Rewards – Walang katapusang mga reward ang maaaring makolekta sa laro, siguraduhin lang na maipapanalo ang mga laban upang makatanggap ng higit na malalaking premyo kagaya ng mga upgrade sa character.
  • Customization – Mayroon kang pagkakataon sa larong itong lumikha ng sarili mong character, mula damit hanggang sa ayos ng buhok ay may kalayaan ang mga manlalarong gawin ang mga ito.
  • Pet Animals – Bukod sa pag-imbita sa mga kaibigan, binibigyan ka rin ng kalayaan ng larong itong magkaroon ng makakasamang alagang hayop sa pagharap mo sa mga kalaban.

Pros at Cons ng Laro

Bukod sa ang larong ito ay mayroong napakahusay na graphics, hindi pa rin mapapantayan ng ibang MMORPG ang kalidad ng MapleStory M – Fantasy MMORPG kahit pa sabihing matagal nang nilikha ang larong ito. Sa katunayan, nangunguna pa rin sa listahan ng pinakamagagandang MMORPGs ang series ng MapleStory. Hindi rin maaaring itanggi ng Laro Reviews na bukod sa magandang kwento ng larong ito, nagtataglay rin ito ng iba’t ibang game modes kung saan ang bawat manlalaro ay makararanas ng iba’t ibang uri ng labanan. Maliban pa rito, patuloy ring makakatanggap ng mga regular na update ang mga manlalaro tungkol sa mga bagong quest at rewards sa laro.

Nagtatampok ang laro ng mga labanan kung saan ang mga character ay gumagamit ng mga espada, wands, at matutulis na kagamitan laban sa mga halimaw, ngunit walang dugong ipinapakita at ang mga halimaw ay naglalaho kapag natalo. Kaya hindi na kailangang mangamba ng mga magulang na maaaring maimpluwesyahan ng karahasan ang kanilang mga anak.

Sa kabilang banda, ilan sa mga negatibong katangiang mayroon ang larong ito ay tila mayroon lamang itong isang gameplay at iyon ay ang paslangin o kolektahin ang mga kalaban sa laro. Bagama’t karaniwan na ito sa mga modernong laro sa mobile, mas mainam na magkaroon ng ibang bonus game kagaya ng treasure hunting, at paghahanap ng iba pang hayop na pwedeng gawin bilang mga karagdagang alaga.

Konklusyon

Anuman ang piliin mong series ng larong MapleStory, nakatitiyak ang Laro Reviews na hindi ka bibiguin ng storyline at daloy ng pakikipaglaban ng mga larong ito partikular na sa isa sa pinakabagong series nitong MapleStory M – Fantasy MMORPG. Dito ay higit na dinagdagan ang game features at mas pinaganda lalo ang graphics nito. Higit sa lahat, kahit sino ay maaari ring maglaro nito dahil napakadaling sundan ng gameplay ng laro.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...