Indies’ Lies Review

Ang Indies’ Lies ay isang strategy rogue-like single-player game. Umiikot ito sa pagkontrol ng manlalaro sa isang hero na nasa loob ng magical world para labanan ang enemies sa turn-based strategic style na battles. Hindi tulad ng karaniwang rogue-like game, ito ay walang pangunahing campaign story. Gayunpaman, nagbibigay ito ng pagkakataong masilayan ang istorya sa nakaraan ng playable characters sa pamamagitan ng pag-unlock nito pagkatapos ng ilang mga panalo. Sa pagkumpleto ng missions, magiging daan ito upang ma-unlock ang puzzle pieces na bubuo sa character art ng iyong hero. Kapag nabuo ang puzzle, makakatulong ito para ma-unlock naman ang story arc ng karakter. Narito ang Laro Reviews para talakayin ang features, tips, pros, at cons ng laro.

Features ng Indies’ Lies

Six Heroes – Bago ka makilahok sa battlefield at labanan ang enemies, kailangan mo munang mamili ng hero na gagamitin sa laro. Tukuyin ang isa sa anim na heroes na pinakababagay sa istilo ng iyong paglalaro! 

Choose Your Partner – Pagkatapos mong talunin ang unang boss sa laro, magkakaroon ka ng pagkakataong mamili ng partner na sasali sa iyong team. Mamimili ka sa tatlong karakter na ihaharap sa iyo na may iba-ibang skills at abilities. May characters na tutulungan ka sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang defense para protektahan ka, samantalang ang iba naman ay tutulungan kang umatake.

Various Locations – Mayroong iba’t ibang lugar ang nag-aabang na mapuntahan ng bawat manlalaro. Ang bawat isa rito ay binubuo ng ilang chapters na kailangan makumpleto para makapunta sa susunod na lokasyon.

Saan pwedeng i-download ang Indies’ Lies?

Narito ang gabay kung saan at paano i-download ang Indies’ Lies sa mobile phones. Kasalukuyang available ito sa Android, iOS, at PC. Para mai-download ito sa iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at App Store para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at kapag nahanap na ito sa search results, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos nito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Indies’ Lies on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.yokagame.ProjectS

Download Indies’ Lies on iOS https://apps.apple.com/us/app/indies-lies/id1573371456

Download Indies’ Lies on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/indies-lies-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Indies’ Lies, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang official website. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para manalo sa pakikipaglaban sa iyong enemies, mahalaga ang pagkakaroon ng magandang hero. Sa pagpili ng iyong hero, dapat mo munang alamin kung anong istilo ang iyong gameplay dahil nakasalalay rito ang magiging performance ng hero sa bawat labanan. Mayroon kang anim na heroes na pagpipilian kaya siguraduhing alamin ang katangian ng bawat isa para mas maging madali sa iyong piliin ang pinakababagay sa iyo. Halimbawa, kung ang iyong playstyle ay mas defensive kumpara sa offensive, ang piliin mo ay ang hero na may mataas na capacity sa defense. Kaya basahing maigi ang kanilang stats dahil iba-iba ang skills at abilities ng bawat hero. 

Isa pang maipapayo ko sa’yo ay ugaliing gamitin ang shop para mapanatiling nasa malakas na pangangatawan ang iyong hero para sa susunod na laban. Kapag pumunta sa shop, maaari kang mag-purchase ng bagong skill cards at mag-replenish ng character HP. Bukod pa rito, pwede ka ring mamili ng iba’t ibang klase ng potions, skill, attack, at defense cards. Sa pamamagitan nito, napapalakas mo ang hero para kalabanin ang malalakas na kalaban. Pakinabangan din ang discounts sa shop dahil may cards na minsanan lang magkaroon ng discount. Kaya kapag natiyempuhan mo ang discounts na tulad nito, huwag na itong palampasin lalo na kung may sapat ka namang gold coins para bilhin ito.

Pagdating sa labanan, maaaring pumili ang mga manlalaro ng attack, defense, at skill cards. Tatlong cards ang nakalaan sa pag-attack, dalawa naman sa paggamit ng skill, at isang card para magsilbing defense laban sa atake ng kalaban. Kapag natapos ka nang mamili ng gagamiting attack at skill cards, i-click ang End Turn button para mabigyan ng pagkakataon ang opponent na tumira. Kapag titira ka, may limitasyon ang dami ng skill at attack cards ang iyong magagamit dahil hanggang tatlong cards lang kada match ang pwede. Nagkakahalaga ng partikular na value ang lahat ng card kung saan matatagpuan ito sa kaliwang itaas nito. May ibang cards na mayroong 1 cost, samantalang ang iba naman ay 0 ang cost kaya maaari itong magamit ng kahit ilang beses. Sa bawat tira, magkakaroon ka ng 3 costs kaya mainam na maging matalino sa paggamit nito para mas malaki ang tsansang manalo. Magkakaroon ka ng mas maraming costs kapag mas maraming units ang mayroon ka. Posibleng maging 7-10 costs o higit pa ang maaari mong magamit kada battle. 

Para makumpleto ang stage, kailangan mong talunin ang lahat ng kalaban at harapin ang final boss. Ang tip ko sa’yo ay laging gamitin ang iyong block cards sa battles. Importanteng maglagay ng shield sa karakter gamit ang defense card, lalo na kapag ang kahaharapin mong opponent ay mahirap kalabanin tulad ng boss. Sa pamamagitan ng card na ito, magkakaroon ka ng karagdagang proteksyon na magiging shield mula sa atake ng enemy. Sapagkat kung hindi mo gagamitan ng block card, mapapadali ang pagkatalo ng karakter sa laban dahil sa matinding damage.

Pros at Cons ng Indies’ Lies

Kahit na online game ito, may opsyon ang mga manlalarong i-save ang kanilang progreso sa laro kung nais nilang mag-exit sa adventure stages at bumalik sa lobby screen. Kung hindi pa gaanong maalam ang manlalaro sa cards at mga karakter o kung gusto lang matutunan ang tungkol dito, nakakatulong ang guides at library para rito. Nakalagay sa guide section ang mga impormasyon tungkol sa attack at skill cards na ginagamit ng heroes sa battles. Pumunta lang dito kung nais mong malaman kung gaano kalakas ang partikular na card laban sa opponents. Samantalang ang nilalaman naman ng library section ay ang mga impormasyon tungkol sa players at maging sa enemies. Nahahati ito sa Items, Partners, Journal, Cards, Talents, Creatures, at Leaderboard. Nakakaakit din ang graphics ng laro, partikular na sa character designs at visual effects nito. Sinamahan din ito ng magandang background music. 

Gayunpaman, may ilang cons pa rin ang laro tulad ng napakaraming card effects na mayroon ito na maaaring maging overwhelming para sa mga bagong manlalaro. Mayroon din itong forceful ads na minsang lumalabas na walang ibang opsyon para mai-skip at maalis ito. Kahit na F2P game ito, kailangan pa ring magbayad ng aktwal na pera ng mga manlalaro kung nais nilang ipagpatuloy ang paglalaro pagkatapos ng unang chapter na Riverbank Reminisce. Sa tatlong chapters, dalawa rito ang kailangang bayaran para ma-unlock at malaro ang mga panibagong istorya, enemies, at adventures. Kung ikukumpara ang presyo nito sa ibang laro, masasabing mas mura pa rin ito. Kaso ang disadvantage rito ay kapag hindi nagustuhan ng manlalaro ang unang chapter pero nais niya pa ring bigyan ng pagkakataon ang ikalawang chapter, malamang ay hindi niya na lang ito itutuloy dahil may bayad ito. 

Dagdag pa rito, mayroong kaunting mga isyu ang maaaring ma-encounter habang naglalaro tulad ng posisyon ng mga karakter at graphics placement na posibleng maharangan ang mga importanteng impormasyon sa screen habang nasa kalagitnaan ng labanan. May mga pagkakataon ding hindi gaanong maayos ang translation kaya nahihirapan ang ibang maintindihan ito. Kaya imbes na matutunan mo ito sa pagbabasa ng deskripsyon, ang gagawin mo na lang ay alamin ito sa paraang trial at error.

Konklusyon

Bagay na bagay ang Indies’ Lies para sa mga manlalarong naghahanap ng strategy rogue-like single-player game na nais nilang paglaanan ng panahon at pera. Kung pamilyar ka sa Slay the Spire, mapapansin mong may pagkakapareho itong dalawa sa gameplay ngunit sinamahan pa rin ito ng karagdagang features tulad ng pagkakaroon ng multiple characters sa parehong run. Bukod pa rito, binubuo rin ito ng story at rogue-like modes. Dahil sa magandang gameplay, graphics, at feedbacks dito, mairerekomenda ng Laro Reviews na iyong subukan ang Indies’ Lies! Dahil ang unang chapter lang nito ang libre, nakadepende na sa’yo kung nais mong ipagpatuloy ang paglalaro sa pamamagitan ng pagbabayad ng aktwal na pera rito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...