Lands of Adventure Review

Kung naghahanap ka ng bago at kakaibang casual game app na mapaglilibangan, maaaring ang Lands of Adventure ang para sa’yo. Ang adventure game na ito ang magdadala sa’yo sa isang gaming expedition na puno ng aliw at kakaibang twists. Ito ay mula sa game developer na Guli Games. Sa kasalukuyan, bagama’t pwede na itong mai-download ay nasa early access version pa lamang ito. 

Ang layunin ng mga manlalaro rito ay sumabak sa isang kapanapanabik na pakikipagsapalaran at tulungan ang archeologist na si Jane at ang kanyang nakababatang kapatid na si Daniel na makita ang nawawalang artifacts ng kanilang lolo. Kapag nagtagumpay sila sa layuning ito, muli nilang mabibigyang-buhay ang museo ng kanilang pamilya. Ito na ang iyong pagkakataon upang madiskubre ang mga misteryong bumabalot sa mga nawawalang sibilisasyon. Sumabak sa isang kapanapanabik na pakikipagsapalaran at lutasin ang mga challenging na puzzle rito.

Paano I-download ang Laro?

Sa kasalukuyan, ang early access version ng gaming app na ito ay available pa lamang sa Google Play Store para sa Android devices. Hindi pa ito maaaring laruin gamit ang iOS devices. Sa kabilang banda, kung nais mo namang gumamit ng laptop o desktop, maaari mong i-download ang APK file ng laro at gumamit ng Android emulator para i-run ito. Bilang alternatibo, maaari mo ring gamitin ang mga sumusunod na link: 

Download Lands of Adventure on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.theguligames.landsofadventure&hl=en&gl=US

Download Lands of Adventure on PC https://napkforpc.com/download/apk/com.theguligames.landsofadventure/

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Ang gaming app na ito ay nasa development stage pa lamang kaya marami pang dapat ayusin at maaaring baguhin. Sa katunayan, wala pang masyadong impormasyon tungkol dito sa internet. Gamit ang gabay na ito mula sa Laro Reviews, halina’t alamin ang game mechanics at kakaibang features ng adventure game app na ito.

  • Gameplay

Sa larong ito, kinakailangan mong samahan si Jane Bishop at si Daniel sa kanilang paglalakbay para masundan ang yapak ng kanilang lolo. Tutulungan mo silang ayusin at mabuksang muli ang museo ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng paghahanap sa mga nawalang artifact. Sa pakikipagsapalarang ito, magagawa mong maglakbay sa tropical jungles, snowy peaks, underwater islands, mga disyerto at iba pa. Dito ay makikilala mo rin ang iba pang nakakaaliw na game characters at malalaman mo ang kanilang di-pangkaraniwang mga kwento.

Bukod sa pangangalap ng resources, kinakailangan mo ring lutasin ang iba’t ibang puzzles upang makakuha ng karagdagang coins. Bukod dito, makakakuha ka rin ng clues na maaaring makapagturo sa kinaroroonan ng mga artifact at ng kanilang lolo. Kung kaya, huwag mong kakaligtaang kumpletuhin ang game activities. Madalas ay kinakailangan mong alisin ang mga puno at halaman na humaharang sa daan at para makalikom na rin ng sapat na energy units.

Kinakailangan mo ring tuparin ang lumilitaw na tasks sa kaliwang bahagi ng gaming screen. Upang magawa ito, i-tap ang magnifying glass at basahin ang instructions. Minsan ay kailangan mo ring galugarin ang mga partikular na bahagi ng isang isla o kaya ay tulungang maisalba ang iyong kapatid mula sa panganib. 

  • Toolbox at Maps Features

Ang toolbox ay naglalaman ng mga kagamitan para sa ekspedisyon. Ang mga lugar na iyong lalakbayin ay mga abandonado at mapanganib. Kinakailangan mong gumamit ng tools para mahawi ang mga hamog o kaya ay para maalis ang mga harang sa daan. Ang toolbox icon ay automatic na lilitaw sa screen tuwing ito ay kailangan.

Ang maps ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng laro. Ito ang nagsisilbing gabay sa mga lugar na iyong tatahakin. Sa kasalukuyan, may 11 maps sa laro na kumakatawan sa 11 lugar na kinakailangan mong lakbayin tulad ng Mansion, Mysterious Island, Viking Village, Lonely Rock, Lost Ship at iba pa. Paunti-unti mong maa-unlock ang mga ito habang nagli-level up ka sa laro. Ang map icon ay makikita sa kaliwang-ibabang sulok na bahagi ng gaming screen.

  • Resources

May tatlong pangunahing resources na dapat ipunin sa laro: energy, coins at gems. Kinakailangan mo ng energy units para magawa ang mga aktibidad tulad ng paglalayag sa mga isla, paggalugad ng mga lupain at pagpapatayo ng mga istruktura. Ito ang pangunahing ginagamit sa laro at pinakamadaling kolektahin na game resources. Maaari kang makakuha nito mula sa mga halaman, puno, bulaklak at bato sa paligid. Sa kabilang banda, ang coins naman ang nagsisilbing pangunahing game currency. Maaari itong gamitin para makabili ng kagamitan sa shop. Makakakuha ka ng coins kapag nakumpleto mo ang tasks o kaya ay kapag nakahanap ka ng mga artifact. Napakabihira namang makakuha ng gems sa larong ito. Ang mga ito ay maaari mong gamitin upang makabili ng karagdagang coins kung kinakailangan o kaya ay bilang pambayad para mabilis na matapos ang tasks. 

Pros at Cons ng Lands of Adventure

Ang ginamit na 3D graphics at animations ng casual adventure game na ito ay talagang kahanga-hanga. Ang game visuals ay nakakabilib at nakalulugod tingnan. Ang de-kalidad nitong background music at sound effects ay nagdudulot ng tila makatotohanan at exciting na vibe sa laro. Ang mga ito ay talagang tugma sa mga itinatampok na lugar. Gayundin, ang game controls ay madaling matutunan at gamitin. Kinakailangan lamang i-tap ng mga manlalaro ang angkop na icons. Ang dami ng energy units na kinakailangang gamitin sa bawat game activities ay tamang-tama lang at hindi magastos sa resources.

Gayunpaman, tulad ng nabanggit, ang game app na ito ay nasa early access stage pa lamang. Bagama’t ito ay available para laruin, ito ay nasa testing stage pa lamang at marami pa ring dapat ayusin dito. Marahil isa sa mga pangunahing isyu ng larong ito ay ang madalas na pagla-lag ng app. May mga oras din na bigla na lamang itong hindi gumagana ng maayos. Kinakailangan ding maghintay ng mga manlalaro ng medyo matagal dahil napakabagal nitong mag-load. May mga pagkakataon na halos tumatagal ng ilang minuto ang mga simpleng aktibidad tulad na lamang ng pagputol ng mga halaman. Ang app ay madalas ding nagka-crash lalo na sa kalagitnaan ng paglalaro. 

Konklusyon

Sa kasalukuyan, wala pang available na ratings ang Lands of Adventure dahil ito ay nasa development stage pa lamang. Kung sakali mang subukan mong laruin ito ngayon, huwag kang masyadong umasa na magiging maayos ang iyong paglalaro sa lahat ng oras dahil sa lags at biglaang pagka-crash ng app. Kung ikaw ang tipo ng manlalaro na medyo maikli ang pasensya pagdating sa mga bagay na ito, pag-isipan mo muna bago ito i-download. Inirerekomenda ng Laro Reviews na hintayin mo na lang munang mailabas ang official version nito. Sa ganitong paraan, magiging mas maayos ang iyong gaming experience at mas mai-enjoy mo ang mga nakakaaliw na pakikipagsapalaran sa larong ito. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...