Magic Rampage Review

Nagmula ang istorya ng laro noong sinakop ng makapangyarihang Warlock ang isang castle. Dahil sa kaguluhang ito, ang tungkulin ng manlalaro ay alamin kung sino ang nasa likod ng lahat ng ito. Kasama ang ibang soldiers, tungkulin ninyong protektahan ang hari at castle. Upang magawa ito, kalabanin ang guards at mga halimaw na umaatake sa inyo at lampasan ang bawat pagsubok!

Ang Magic Rampage ay isang action role-playing game (RPG) mula sa Asantee. Binubuo ito ng iba’t ibang karakter na maaaring piliin ng manlalaro para gamitin sa paglalaro. Dito ay makakalaban niya ang makakapangyarihang mga halimaw kagaya ng multo, zombie, dragon, at marami pang iba upang malampasan ang kakaharaping pagsubok. Ihanda ang sarili sa matinding adventure sa castles, forests, at swamps! Narito ang Laro Reviews para magbigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa laro.

Features ng Magic Rampage

10 characters na mapagpipilian – Mayroon kang tatlong slots para magsimula ng panibagong laro. Sa RPG na ito, pwede kang gumamit ng ibang karakter sa bawat slot. Narito ang stats ng bawat isa:

  • Ranger – Mayroong +25% sword attack power, axe attack power, at spear attack power. Ito naman ay may +20% power pagdating sa armor, at may +5% jump impulse.
  • Druid – Parehong +30% ang magic power at spear attack power. Mayroong +20% staff attack power, +3% speed, at +6% jump impulse.
  • Mage – Ang magic power at staff attack power ay parehong +30%. Samantalang may +20% ang axe attack power, +2% sa speed, at +4% jump impulse ito. Pagdating naman sa hammer attack power, mayroon itong -30%.
  • Rogue – May +45% dagger attack power, +6% speed, at +5% jump impulse. Pareho namang -30% ang axe attack power at hammer attack power nito.
  • Black Mage – Ito ay may +30% magic power at staff attack power, +20% dagger attack power, +4% speed, +4% speed, +2% jump impulse, at -30% hammer attack power.
  • Priest – Ang magic power, staff attack power, at armor ay +20%. Mayroon din itong +3% speed, +4% jump impulse, at -30% dagger attack power.
  • Warlock – Mayroong +30% magic power, +25% sword attack power, +20% dagger attack power at axe attack power, +40% spear attack power, at +4% speed.
  • Thief – Parehong +30% ang dagger attack power at hammer attack power. Mayroon ding +20% sword attack power, +6% speed, +7% jump impulse, at -30% staff attack power.
  • Paladin – Lahat ay +20% sa magic power, sword attack power, axe attack power, hammer attack power, at armor. 
  • Warrior – Ito ay may +30% sa sword attack power, axe attack power, hammer attack power, at armor. Pagdating naman sa staff attack power, ito ay nasa -40%.

Four game modes – Pumili sa magkakaibang game modes. Nasa sa iyo kung alin sa mga sumusunod ang nais mong laruin.

  • Campaign – Ang main story ng laro kung saan binubuo ito ng levels na kailangan mong makumpleto. Ito ang unang mode na iyong lalaruin sa umpisa. Tuluy-tuloy ang pagdagdag ng levels nito kaya parating may panibagong challenge ang naghihintay sa iyo. 
  • Competition – Makipaglaban sa iyong mga kaibigan at sa iba pang players sa paglalaro ng Competitive Dungeons. Pero bago ito ma-unlock, kailangan mo munang makakuha ng maraming experience points. Magagawa mo ito sa paglalaro ng Solo Dungeons.
  • Survival – Binubuo ito ng anim na level na pwedeng laruin. Bawat level ay mayroong hinihinging bilang ng kalaban na kailangang mapatay bago ito ma-unlock. Iba’t ibang lugar din ang mapupuntahan sa kada level.
  • Golden Chest – Maglaro ng panibagong dungeon kada linggo. Iba’t ibang challenges at rewards ang nakaabang sa’yo rito. Binubuo ito ng time at star challenges ng may tatlong levels ng difficulty. Bukod pa rito, makakatanggap din ang manlalaro ng karagdagang Rank points sa pagkumpleto nito bawat araw.

Game controllers – Maaaring laruin ito gamit ang joysticks, gamepads, at physical keyboard. Nakadepende sa’yo kung saan mo gustong maglaro para sa mas makatotohanang gameplay experience.

Saan Pwedeng I-download ang Magic Rampage?

Kasalukuyang available ang Magic Rampage sa Android, iOS, at PC devices. Para i-download ito sa iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, i-click ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ng lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Magic Rampage on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.asanteegames.magicrampage

Download Magic Rampage on iOS https://apps.apple.com/us/app/magic-rampage/id952423968

Download Magic Rampage on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/magic-rampage-on-pc.html

Kung napili mong maglaro ng Magic Rampage sa iyong PC, kailangan mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa official website nito. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Isa sa movements ng karakter ay ang pagtalon. Kailangan mong tumalon dahil may mga nakaangat na platform kung saan matatagpuan ang vases at coins, at para makatawid sa mga cliff. Dahil dito, dapat ay marunong kang tumantiya ng tamang timing sa pagtalon. Mayroong panganib kung wala sa timing sa iyong pagtalon dahil pwede kang mahulog o malaglag sa obstacles tulad ng apoy, spikes, at iba pa. Bukod pa rito, may mga pagkakataong kailangan mong tumalon para matamaan ang kalaban gamit ang iyong weapon. Para magawa ito, kailangan mong magkaroon ng saktong timing sa pagpindot ng magkasunod sa buttons para sa jump at weapon. Nakakatulong din ang ganitong paraan para matamaan mo sa ulo ng kalaban at maging critical hit ang ginawang atake. Ito ang mairerekomenda kong sanayin mo dahil habang tumatagal, nagiging mas mahirap patayin ang mga kalaban kung hindi rin critical hit ang tatama sa mga ito. Mainam ding sanaying tamaan sa ulo ang kalaban dahil nagsisilbi itong proteksyon para sa iyo kapag pareho kayong gumamit ng weapon. Dahil kapag mas mataas ang weapon mo, magiging panangga ito sa weapon ng kalaban. 

Huwag ding kalilimutang libutin ang lugar kada level sapagkat maraming tagong bahagi o Secret Areas kung saan makakakuha ka ng gems, equipment, at iba pang items. Malaki ang maitutulong nito para hindi mo na kailangang bumili ng items sa shop. Kabilang sa equipment na mapapakinabangan mo nang lubusan ay ang Jumping Suit. Kapag ginamit mo ito, papataasin nito ang kakayahan ng karakter na tumalon kaya hindi ka na mahihirapang abutin ang mas matataas na Secret Areas na hindi mo kadalasang naaabot. May iba ring armors na magsisilbing proteksyon mo sa obstacles. Halimbawa, kapag gumamit ka ng Air Attribute armor, magkakaroon ka ng immunity sa spikes, samantalang ang Fire armor ay para sa mga apoy na iyong madaraanan.

Importante ang stamina habang nakikipaglaban ka. Makikita mo ang kasalukuyang stamina level sa colored dots na nasa ilalim ng HP bar. Mapapansing nababawasan ang karakter ng isang dot sa bawat paggamit mo ng weapon. Kaya ito ang magiging batayan kung ilang beses at kung gaano kadalas ka pwedeng umatake. Dapat palagi mo itong ikonsidera kapag nakikipaglaban dahil mapanganib kung nasa gitna ka ng labanan at naubos ang iyong stamina. Kapag ganito, hindi ka pwedeng tumira kaya maaari kang mamatay agad dahil wala kang magagamit bilang proteksyon at depensa laban sa kalaban. 

Mainam ding alamin kung ano ang special skills ng iyong karakter. Pag-aralan kung paano ito gamitin para mapakinabangan mo ito sa susunod na levels. Bukod dito, maipapayo ko ring alamin mo ang iba’t ibang gamit ng weapons para malaman kung kailan ito dapat gamitin. Halimbawa, kailangan mong matamaan ang switch pero masyadong masikip ang daanan nito kaya hindi itong pwedeng gamitan ng hammer. Sa halip, ang dapat mong gamitin sa ganitong sitwasyon ay sword o knife. May weapons ding malakas ang impact ngunit maiksi lang ang flight time, tulad ng hammer. Samantalang ang iba naman ay may maliit o malaking Area of Effect (AoE). 

Pros at Cons ng Magic Rampage 

Nakatanggap ang laro ng mataas na ratings sa App Store na may 4.8-star rating at Google Play Store na may 4.7-star rating. Madali lang ang game mechanics nito kaya madali lang ito maintindihan ng manlalaro. Habang tumatagal ay mas nagiging challenging ang levels kaya lalo kang magiging determinadong malampasan ito. Hindi rin kumplikado ang controls ng laro, at suportado rin nito ang paggamit ng joysticks, gamepads, at physical gamepads. Kaya naman maaaring pumili kung aling game controller ang pinakabagay sa iyong playing style. May opsyon ka ring i-adjust ang size, opacity, at pagkakaayos ng screen pad para i-ayon ito kung saan ka kumportable. Bagaman F2P ang laro, wala itong ads na biglang lalabas habang naglalaro kaya tuluy-tuloy lang ang kasiyahan sa paglalaro. Hindi rin ito pay-to-win (P2W) kaya kahit hindi ka bumili ng in-app purchases ay magiging maganda ang progreso ng laro.

Maganda rin itong laruin kung nais mong magpalipas ng oras dahil pwede itong malaro kahit walang internet connection. Gamit ang offline mode nito, tamang-tama itong laruin kapag naghihintay sa labas o nasa byahe. May pagkakataon lang na minsang nagla-lag ang screen pero madalas namang smooth ang controls nito. Nagkakaroon din minsan ng problema sa sounds nito kung saan biglang nawawalan ng background music habang naglalaro. Pasado naman ang 2D graphics nito at kuhang-kuha nito ang 90’s old classic platformer na art style. Gayunpaman, mayroon pa itong ma-iimprove lalo na pagdating sa animations. 

Konklusyon

Kung naghahanap ka ng classic action RPG na may offline mode, ito ang perpektong laro para sa iyo. Hindi kumplikado ang controls at mechanics nito pero ang maganda rito ay hindi pa rin nawawala ang pagiging challenging ng bawat level. Marami rin itong modes na pwedeng laruin ng manlalaro kaya madali lang lumipat ng game mode kung nais mo ng ibang approach sa laro. Talagang nakaka-enjoy laruin ang Magic Rampage kaya mairerekomenda ito ng Laro Reviews sa lahat, anuman ang edad.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...