Monsters & Puzzles: God Battle Review

Hindi maikakailang isa ang puzzle themed games sa pinakasikat na genre sa buong gaming community. Ilan sa mga ito na tunay ngang marami ang nahuhumaling ay tulad na lamang ng Candy Crush Saga, Tetris, Sudoku Puzzle, at maraming pang iba. Kung ikukumpara sa ibang laro, hindi gaanong kumplikado ang kanilang game mechanics subalit mayroon itong tamang timpla ng hamon para patuloy na ma-hook ang mga manlalaro. Bagama’t paulit-ulit, may kakaiba rito kaya huling-huli ang kiliti ng karamihan – anuman ang edad. Paano pa kaya kung sinamahan ito ng mga makakapangyarihang halimaw, pantasya, at mahika? Nakaka-excite diba! Ito ang sunod na larong ipakikilala at susuriin ng Laro Reviews kaya tiyaking basahin ang artikulong inilathala hanggang dulo! 

Ang Monsters & Puzzles: God Battle ay isang Japanese turn-based role-playing game (RPG) na dinevelop ng Indiez Global. Bilang isang manlalaro, tungkulin mong talunin ang mga halimaw na sumasalakay sa iba’t ibang kontinente. Subalit taliwas sa nakagawiang RPG na kung saan may joystick at iba’t ibang icons na kailangan pindutin para ma-activate ang skills, ang Monsters & Puzzles: God Battle ay ibang-iba rito. Para ma-activate ang skills ng iyong monsters at pets, kailangan mong pagsama-samahin ang mga batong magkakatulad ang kulay at disenyo. Dahil turn-based din ito, salitan din ang tira sa pagitan mo at ng katunggaling halimaw. 

Gabay para sa mga Baguhang Manlalaro ng Monsters & Puzzles: God Battle

Kung pamilyar ka sa game mechanics ng Candy Crush, hindi na magiging bago sa iyo kung paano laruin ang Monsters & Puzzles: God Battle. Ang pagkakaiba lamang ay sa halip na candies ang kailangang pagsama-samahin, dito naman ay mga bato. Nahahati ang mga ito sa limang klasipikasyon:

  • Attack Stone – Ito ay kulay dilaw na bato. Aatake ang iyong fighter gamit ang normal attack.
  • Shooting Stone – Kulay pula naman ito. Mababawasan nito ang dugo, mana, at summon point ng katunggali.
  • Blood Stone – Berde ang kulay nito. Mahi-heal nito ang fighter na nakatanggap ng damage at nabawasan ang kanilang HP. 
  • Mana Stone – Kulay asul ito. Gagamitan ng special skill ang kalaban. 
  • Summon Stone – Kulay pink naman ito. Masa-summon mo ang iyong pet para magbigay ng dagdag-suporta at damage. 

Gamit ang iyong daliri, i-swipe lamang ang mga bato at pagsama-samahin ang mga magkakatulad ng disenyo’t kulay. Iisa lamang ang set ng mga bato na kung saan idaraos ang palitan ng tira. May time limit ding sampung segundo at nakalaan ito sa bawat tira mo. Limitado lamang din ang galaw ng magkatunggaling fighters dahil kailangang may tanghaling panalo sa loob ng 20 tira. Sa madaling sabi, dapat hindi lalagpas sa sampu ang iyong maging tira. Dito na papasok ang estratehiyang kailangang buuin para maging produktibo ang bawat mahalagang galaw. 

Saan Pwedeng I-download ang Monsters & Puzzles: God Battle? 

Hindi pa maaaring ma-download ang larong ito sa PC kaya gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman sa iOS users. I-type ang Monsters & Puzzles: God Battle sa search bar at pagkatapos ay pindutin ang Get o Install button katapat ng icon nito. Antaying matapos ang pagda-download para mabuksan ang app. Kumpletuhin lang ang mga kailangan sa sign-in details at pwede ka nang makapagsimula ng paglalaro! Sundin lang ang instruksyong ito mula sa Laro Reviews sa pagda-download.

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Monsters & Puzzles: God Battle on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.indiez.monsters.puzzles&showAllReviews=true

Download Monsters & Puzzles: God Battle on iOS https://apps.apple.com/us/app/monsters-puzzles-god-battle/id1522240551

Download Monsters & Puzzles: God Battle on PC https://www.gameloop.com/ph/game/role-playing/com.indiez.monsters.puzzles

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Kung ikaw ay baguhang manlalaro ng Monsters & Puzzles: God Battle, ang pinakamahalaga mong gawin ay kabisaduhin ang indikasyon ng bawat kulay sa bato. Dahil ito ang tutukoy kung ano ang magiging epekto nito sa iyo at sa iyong kalaban, ito ang unang hakbang sa iyong kasanayan. Gaya ng naipaliwanag sa Gabay para sa mga Baguhang Manlalaro, nailathala na rito ang iba’t ibang klasipikasyon ng bawat bato. Ang maidaragdag na lamang ng Laro Reviews ay kung maaari, magkaroon ng combo sa tatlong magkakaibang klase ng bato para ma-activate mo ang iyong Ultimate Skill. ‘Di hamak na ito ang itinuturing na pinakapamatay mong move kaya magandang mai-activate ito maya’t maya. 

Tandaang sampung segundo lamang ang nakalaang oras para pag-isipan ang gagawing tira. Pagmasdan muna ang mga kulay ng bato at hanapin kung may angat bang kulay dahil mapapansing kumpul-kumpol ang mga ito. Umpisa pa lamang ng laban ay magandang mapuruhan mo na ang iyong kalaban kaya iprayoridad ang pagtira ng dilaw, asul, at pink na bato. Isunod naman ang pula at berde dahil mas nakatuon ang epekto nito sa stats ng fighters. Ingatan ding huwag bumaba nang bumaba ang HP at mana dahil malalagay sa panganib ang buhay ng iyong karakter na ginagamit. 

Huwag ding kaliligtaang gawin ang newbie at daily quest, tower of trial, at adventure. Makakakuha ng iba’t ibang rewards na makakatulong sa iyong mabilis na pag-level up. Sa pag-summon naman ng monsters, mas maganda kung bultuhan ang iyong pag-summon para mas tumaas ang drop rate ng limitadong karakter. Kumbaga sa halip na isahang pull, gawing sampung summon sa loob ng isang pull. 

Pros at Cons ng Monsters & Puzzles: God Battle

Hindi maikakailang isa sa kapansin-pansing katangian ng Monsters & Puzzles: God Battle ay ang makukulay at astig nitong disenyo ng monsters. Kasiya-siya rin ang skills na ipinakikita ng iyong fighters sa tuwing nakakabuo ka ng combo, lalo na iyong pagkakataong nasa-summon mo ang iyong pet. Pasisiklabin din ng larong ito ang pagiging competitive mo dahil may leaderboard at PvP na kung saan maaari kang makipaglaro sa ibang manlalaro sa iba’t ibang parte ng daigdig. Bukod sa kasiyahang dulot ng digmaan, narito rin ang pagkakaibigang namumuo sa loob ng mga manlalaro. 

Sa kabila nito, bagama’t nabanggit na positibong aspeto ang visual ng laro, masasabing may pag-iibayuhin pa ang graphics nito. Nakikita sa ilang pagkakataon ang pag-drop ng frame rate at compressed ang pixels sa maliit na espasyo kaya nagiging mukhang malabo ang ilang bahagi ng laro. Dahil makikita rin ang gacha system sa pag-summon ng monsters, mababa diumano ang drop rates at puro shards na lang ng monsters ang nakukuha, sa halip ng aktwal na mga karakter. Ang kinalabasa’y may ilang umayaw sa umpisa pa lamang dahil sa negatibong impresyon nila rito. Hindi rin maganda na walang option na mag-skip habang nasa tutorial mode. Masyado itong mahaba at nakakabagot para sa mga manlalarong pamilyar naman na sa mechanics ng laro. 

Konklusyon

Kung ikaw ay naghahanap ng isang larong may elemento ng pantasya at monsters na hinaluan ng paglulutas ng puzzles, ang Monsters & Puzzles: God Battle na ang larong para sa iyo! Sa larong ito makikita ang iba’t ibang monsters at pets na may iba-ibang kapangyarihang tutulong sa iyong pagkapanalo. Malaki ang potensyal ng larong lumago kung pagtutuunan lamang ng game developers ang ilang hinaing ng mga manlalaro gaya na lamang sa usaping teknikal at hindi pantay-pantay na drop rates.

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...