Rakshasa Street (Early Access) Review

Sa pamamayagpag ng anime ilang dekada na ang nakalipas, hindi maikakailang hanggang ngayon ay lalo pang umuusbong ang naturang industriya. Kaya hindi na rin nakapagtataka kung lilikha rin ang ibang bansa ng sarili nilang industriya sa animation. Isa na rito ang Donghua o Chinese Anime na unti-unting nakikilala dahil karamihan sa mga palabas ay sinamahan ng elemento ng kanilang kultura. Hindi lamang sa industriya ng palabas nagtatangka ang mga production company kundi maging sa gaming industry din. 

Isa na rito ay ang Rakshasa Street o kilala rin bilang Zhen Hun Jie na ipinalabas noong taong 2016. Tumatakbo ang istorya sa Rakshasa Street, lugar na kung saan tahimik na namumuhay ang mga buhay at ang mga espiritu. Tanging ang Spirit Master lamang na may Guardian Spirit ang makakapasok dito. Makapangyarihan ang katawang taglay ng mga Spirit Master dahil kaya nilang mapasunod ang mga Guardian Spirit sa anumang kanilang naisin, maging ang paglahok sa digmaan. 

Halaw sa parehas na pangalan, inilabas din ang game version ng Rakshasa Street. Ito ay dinevelop ng Onefun Games na naglabas din ng mga sikat na laro tulad ng Echoes of Magic at Lost Empires. Bilang manlalaro, ikaw ay magiging isang ganap na Spirit Master na may tungkuling protektahan ang mga naaapi. Ito ay isang turn-based RPG na kung saan maaari kang pumili ng heroes na may iba’t ibang angking abilidad upang tulungan kang magapi ang pwersa ng kasamaan. Kung handa ka na, halina’t tumuloy sa Rakshasa Street! 

Gabay Para sa mga Baguhang Manlalaro ng Rakshasa Street (Early Access) 

Bilang isang Guardian Master, tungkulin mong protektahan ang sanlibutan laban sa pwersa na kasamaang nais bahiran ang mundo ng poot at galit. May kakayahan kang i-summon ang mga Guardian Spirit na dating mga respetadong hero at patuloy na pinaninindigan ang kanilang mga paniniwala hanggang sa kanilang huling hininga. Bilang mga taga-protekta ng mga tao, sila ay tinawag mong muli para tugunan ang lumalalang isyu – ang korapsyon sa puso ng mamamayan. Ilan sa mga pwede mong i-summon ay sina Anubis, ang Diyos ng Kamatayan ng mga Ehipto, o kaya naman ay si Guan Yu, isang Tsinong Heneral na responsable sa pamamayagpag ng kanyang nasyon. 

Ang Rakshasa Street (Early Access) ay isang natatanging dual card na sistema dahil taliwas ito sa nakagawiang card games. Sa larong ito, mangongolekta ka ng asul, dilaw, at pulang spiritual energies na iyong magagamit sa pag-summon sa Guardian Spirits. Dapat iisa ang kulay ng spiritual energy sa naatasang kulay ng Guardian Spirit para maging epektibo ang iyong pag-summon. 

Saan Pwedeng I-download ang Rakshasa Street (Early Access)? 

Sa kasamaang palad, hindi pa available ang larong ito sa PC at App Store. Ngunit huwag mag-alala dahil pwede naman itong laruin sa iyong Android devices. ​​Sundin lang ang mga sumusunod na hakbang sa pag-download ng laro. Pumunta sa Google Play Store at i-type ang Rakshasa Street (Early Access) sa search bar. Pagkatapos ay i-click ang icon nito at ang Install button. Hintaying makumpleto ang pag-download dahil tinatayang kinakailangan ng humigit kumulang 1GB ang kinakailangan free space ng iyong device. Buksan ang app at kumpletuhin ang sign-in details. Ayan, pwede ka nang makapagsimula ng paglalaro! Kung interesado kang malaman pa ang tungkol sa laro, patuloy na basahin ang artikulo. Inihanda ng Laro Reviews ang tips, tricks, pros, at cons nito para makatulong sa iyo. 

Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Rakshasa Street (Early Access) on Android https://apkpure.com/p/com.onefun.zhj.gp

Tips at Tricks sa Paglalaro

Sa umpisang bahagi pa lang ng paglalaro, mahalagang matukoy mo na ang kahinaan ng iyong katunggali. Mula rito, malalaman mo kung sinong Guardian Spirit ang pwedeng i-utilize para epektibong ma-counterattack ang lahat ng atakeng gagawin ng kalaban. I-click lamang ang skill ng kalaban na matatagpuan sa itaas na bahagi ng iyong screen. Siguraduhing basahin ang detalyadong paliwanag ukol sa skills na taglay nila. Nakalagay rin dito ang percentage ng kanilang damage at kung may iba pa ba itong passive skills. Ganoon din ang prosesong kailangan mong gawin upang malaman naman ang skills na iyong taglay. I-long press lamang ang iyong skills. Mapaghahambing at matitimbang kung akma nga ba ang estratehiyang nais gawin. 

Ang sunod na dapat mong pagtuunan ng pansin ay ang Qi o Spiritual Energy na matatanggap sa umpisang bahagi ng bawat tira. Ito ay importanteng combat resource. Malalaman mo rin ang kasalukuyang taglay na Qi ng kalabang nakalagay sa Enemy Info. Gaya ng nabanggit kanina, nahahati ito sa tatlong kulay: pula, dilaw, at asul. Ang Spirit Master ay may kakayahang taglayin ang Qi na base sa angking kulay ng sariling Qi. Samantalang ang Guardian Vessel naman ay nakabatay sa kulay ng Qi ng Guardian Spirit. Importanteng maging wais sa pag-summon ng Spirits sapagkat may katumbas din itong action slot. Kapag nakita mong nakaipon ka nang sapat na dami ng Qi, ilabas na ang iyong trump card – ang Ultimate. Malakas ang damage effect nito kaya mainam din kung iyong imo-monitor ang HP ng kalaban para malaman kung sasapat nga ba ang atakeng gagawin. 

Ang pinakapundasyon ng iyong mataas na damage output ay ang pag-upgrade ng Guardian Spirits na gagamitin sa iyong hanay. Pindutin lamang ang Spirit tab na matatagpuan sa iyong home page. Kaya siguraduhin ang tamang pamamahala ng resources at fragments dahil limitado lamang ang pagkuha nito, lalo pa’t kung balak mong maging F2P na manlalaro. Gamitin ang mga ito sa Spirits na may mataas na rarity dahil mas mataas ang kanilang base stats kumpara sa ibang Spirits na may common rarity. 

Pros at Cons ng Rakshasa Street (Early Access)

Dahil ito ay nasa early access mode pa lamang at kasalukuyang dinedevelop pa ng Onefun Games, marami-rami pa ang mga dapat pag-ibayuhin sa laro. Gayunpaman, may iilan pa ring positibong aspeto ang laro. Isa na rito ang soundtrack na ginamit sa laro. Kung ikaw ay mahilig sa Chinese traditional songs na nilakipan ng modernity, magugustuhan mo ang maririnig na musika. Kitang-kita ang bakas ng kanilang kultura sa musikang ginamit. Marami-rami rin ang animated cutscenes na ipinakita para mas lalong masubaybayan at maintidihan ang daloy ng kwento. Maayos din ang voice acting na ginamit sa mga karakter. 

Subalit sa kabila nito, gaya ng nabanggit ng Laro Reviews na ito ay kasalukuyang dinedevelop pa lamang, hindi pa ito ganoon kapulido. Mas mainam kung pagtutuunan pa nila ng ibayong pansin ang graphics na ginamit sa laro. Makikita ang mababang frames per second pagdating sa ibang animated cutscenes at ultimate attack ng karakter. Nakaka-enganyo sana ito lalo na kung mahilig kang manood ng anime subalit sa kasalukuyang kalidad ng kanilang visual na ipinakikita, hindi pa ito papantay sa ibang RPGs. Bukod pa rito, inirereklamo rin ng ilang manlalaro ang mababang drop rates ng kanilang limited banner. Dahil gacha system ang ginamit na pamamaraan para makakuha ng Spirits, hindi ito naging mabenta dahil sa hindi makatarungang porsyento ng tsansa. Maliban na lamang kung handa kang gumastos nang malaki para dito, doon mo pa lamang makukuha ang featured na limited na karakter. 

Konklusyon

Bagama’t nasa early access pa lamang ang Rakshasa Street, nakikitaan na ito ng potensyal para lumaki. Mula sa combat system at animated cutscenes, hanggang sa soundtrack na ginamit, makikitang mapupukaw na ang atensyon ng mga manlalaro. Subalit kailangan pang pag-ibayuhin ng Onefun Games ang graphics at ang gacha system nito. Hindi ganoon kaswabe ang daloy ng graphics. Maganda rin kung magkakaroon ng iba pang Spirits na patok sa aesthetic ng mga mahihilig sa anime. Bukod dito, mainam din kung ngayon pa lang ay babaguhin na nila ang drop rates ng kanilang limited banner. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...