Solitaire TriPeaks Journey Review

Malamang ay nalaro o narinig mo na ang larong solitaire noon. Isa ito sa mga pinakakilala at maituturing na klasikong card game. Kaya naman hindi na nakakapagtaka pang mainit din ang pagtanggap dito ng madla nang naging available ito sa computer. Sa pag-usbong ng mobile games, mas naging accessible ang paglalaro ng solitaire dulot ng iba’t ibang klase ng solitaire na maaaring laruin, katulad na lamang ng larong tatalakayin sa article na ito. 

Ang Solitaire TriPeaks Journey ay isang card game na ginawa ng game developer na ME2ZEN Limited. Madaling mapamilyar ang mga manlalaro sa laro dahil matutunghayan dito ang tradisyunal na Klondike card games na sinamahan ng iba’t ibang panibagong features tulad ng Magic Boosters, Streak Meter, themes, at obstacles.

Features ng Solitaire TriPeaks Journey

Thousands of Levels – Mahigit pitong libo ang kasalukuyang kabuuang bilang ng levels ang nag-aabang para sa mga manlalaro. Hindi mauubusan ng panibagong hamon dahil nadadagdagan ito kada dalawang linggo. Habang tumatagal ay mas nagiging nakaka-enganyo ang paglalaro!

Multiple Themes – Nahahati ang levels sa mga chapter kung saan ang bawat isa ay mayroong natatanging tema. Sari-saring lugar ang mapupuntahan mo habang nagpapatuloy sa paglalaro. Hindi rin maipagkakaila ang magandang disenyo ng pagkakalikha sa bawat tema. Kabilang dito ang Undersea World, Dark Forest, Grassland, Savanna, Tropical Island, Circus, at marami pang iba.

Masters League – Magkakaroon ka ng access dito kapag nakumpleto ang lahat ng levels. Sa oras na matapos ang kahuli-hulihang level, magkakaroon ng pagkakataon ang manlalaro na maglaro ng Master Levels at makipaglaban sa Master Tournament. Nakapaloob dito ang rankings ng Masters’ Tournament na nakabatay sa dami ng Master Levels na nalampasan ng manlalaro. Mayroong mga premyo ang nakaabang sa mga manlalarong makakabilang sa sampung pinakamataas sa rankings.

Offline Mode – Maaari mo itong laruin kahit walang internet connection. Hindi na kailangang konektado sa Wi-Fi o mobile data sa larong ito. Kaya naman pwede mo itong laruin kahit saan at anumang oras! Tamang-tama ito para maging pampalipas ng oras lalo na kung ikaw ay may hinihintay o nakapila. 

Mini-Games – Hindi lang nagtatapos sa pagkumpleto ng levels ang laro! Mayroong daily missions at nakakapanabik na mini-journeys ang maaaring kumpletuhin ng manlalaro upang makakuha ng bonuses, Wild Cards, at Magic Boosters. 

Saan pwedeng i-download ang Solitaire TriPeaks Journey?

Sa seksyong ito ng article itururo kung saan at paano i-download ang Solitaire TriPeaks Journey. Kasalukuyang available lamang ang laro para sa Android at iOS users dahil wala pa ito sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at hanapin ito sa search results. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo na simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Solitaire TriPeaks Journey on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.me2zen.tripeaks

Download Solitaire TriPeaks Journey on iOS https://apps.apple.com/us/app/solitaire-tripeaks-journey/id1434648535

Tips at Tricks sa Paglalaro

Ang mechanics ng laro ay katulad sa tradisyunal na Klondike card games. Kailangan mong hanapin ang card na mas mataas o mababa ng isang numero sa face-up card na nasa ibaba ng screen. Layunin ng manlalarong ubusin ang lahat ng cards na nasa play area para malampasan ang nilalarong level. Mapapansin na mayroong nakataob na cards na matatagpuan din sa ibaba ng screen, ang tawag dito ay draw pile. Pwede mo itong pindutin para mag-draw ng panibagong card kapag wala nang ibang cards sa play area ang may numerong nauuna o kasunod ng face-up card. Ngayong alam mo na ang basics ng laro, iisa-isahin naman natin ang tips at tricks na ihinanda ng Laro Reviews para matulungan ka sa paglalaro.

Mayroong streak meter ang laro kung saan napupuno ang meter kapag itinira ang kailangang bilang ng cards nang sunud-sunod at walang pag-draw ng card mula sa draw pile. Mainam na i-maximize ang feature na ito dahil makatatanggap ka ng bonus tuwing nabubuo ito. Makikita ang partikular na bonus na matatanggap na nakalagay sa mismong streak meter at kasama sa maaaring makuha ay coins, Wild Cards, o +3 cards.

Pagdating sa pipiliing card, bukod sa kailangang kasunod nito ang numero ng face-up card, huwag basta-bastang pipindutin ang unang card na makikita mong tugma rito. Mainam na magkaroon ng estratehiya dahil labis na makakatulong ito para palaging makabuo ng streak meter. Kung mayroong mahigit sa isang card ang pwede mong piliin, doon ka sa mas maraming card ang nasa ilalim para iba-ibang cards ang maipapakita pagkatapos. Bilang resulta, madadagdagan ang tsansang makakuha ng card na mas mataas o mas mababa sa face-up card ng isang bilang.

Bukod sa Wild Cards at +3 cards na mapapakinabangan mo sa laro, mabuti ring makatanggap ng 50 coins mula sa streak meter. Magagamit ang nalikom na coins kung nais mong gumamit ng Wild Card na nagkakahalaga ng 3000 coins o kaya ng reverse button para ma-cancel ang huling tira at maibalik ang lahat sa nakaraang posisyon. Ang presyo ng reverse button ay pataas nang pataas sa kada gamit. Bukod dito, maaari ka ring bumili ng Magic Boosters gamit ang coins. 

Mayroong apat na Magic Boosters ang maaaring pagpilian ng manlalaro bago laruin ang bawat level. Ang karaniwang kabilang dito ay ang Blit Blitzball, Wild Switch, Lucky Dice, at Suit Match. Magkakaroon ng bisa ang Blit Blitzball sa umpisa ng laro kung saan mababawasan ka kaagad ng tatlong cards. Pagdating sa Wild Switch, may kakayahan itong gawing Wild Card ang isa sa mga nakalatag na card sa play area. Ang Lucky Dice naman ay para madagdagan ang draw pile depende sa kinalabasan ng pag-roll ng dice. Kung anim ang lumabas sa dice, ibig sabihin ay makakatanggap ka ng karagdagang anim na cards. Samantalang sa Suit Match, mabibigyan ka ng cards kung saan ang bawat isa ay magsisilbing Wild Card ngunit limitado lamang sa Heart at Diamond cards o sa Spade at Club cards. Sa umpisa ng iyong paglalaro, libre mong makukuha ang mga booster na ito at maaari itong gamitin ng tatlong beses. Bukod pa rito, magkakaroon ka rin ng ibang klase ng boosters habang tumatagal.

Importanteng makapag-ipon ng coins para magamit mo ito kapag kinakailangan. Kaya huwag kalilimutang buksan ang star chest kapag nakumpleto ang bilang ng stars na kailangan nito. Dagdag pa rito, pagpunta sa maps, makikita sa kaliwang ibaba ng screen ang task na maaaring makapagbigay sa’yo ng karagdagang coins. Para makuha ang reward, kailangan mong kolektahin ang cards batay sa nakalagay sa task. Halimbawa, sa loob ng mahigit isang araw, ang nakapaloob sa task ay mangolekta ng 50 Club cards. Sa tuwing nakukumpleto mo ang task, pataas nang pataas ang kinakailangang bilang nito. 

Pros at Cons ng Solitaire TriPeaks Journey

Paminsan-minsan ay may ads na lumalabas matapos ang paglalaro ng isang level. Bagaman kailangang maghintay ng ilang segundo para matanggal ang ads, may offline mode naman ang laro kaya maaaring mawala ang ads kapag ikaw ay hindi nakakonekta sa Wi-Fi o mobile data. Maganda ang graphics ng laro pati na rin ang ilang effects nito. Dahil libu-libong levels ang mayroon ito, hindi maiinip ang manlalaro dahil palaging may nakahandang bagong challenge na kanyang kakaharapin. Sapagkat pagkatapos ng levels, mayroon pa itong Masters League. Nakaka-enganyo na kahit katulad ng tradisyunal na Klondike card games ang mechanics nito, marami pa ring ibang features ang idinagdag na nagbibigay ng bagong timpla sa laro. 

Sa kabilang banda, isa sa mga inaangal ng mga manlalaro ang labis na kahirapan na malagpasan ang ibang levels. Kaya kadalasang nauuwi sa pagbili ng in-app purchases ang iba para magkaroon ng coins pambili ng gamit na makakatulong para malampasan ang level tulad ng Magic Boosters at Wild Card. Dahil dito, itinuturing na masyadong pay-to-win (P2W) ang laro habang tumatagal. 

Konklusyon

Bilang konklusyon, mairerekomenda ng Laro Reviews ang Solitaire TriPeaks Journey dahil nakaka-enganyo itong laruin. Lalo na sa mga pamilyar na sa gameplay ng Klondike card games, tiyak na ma-eenjoy mo ito kasama ng mga dinagdag nitong features. Nakadadagdag din sa ganda ng laro ang iba’t ibang tema na nag-aabang sa mga manlalaro para magpatuloy sa pagkumpleto ng bawat chapter. Kung hindi mo nais na magbayad ng aktwal na pera para sa laro, marami pa ring pagkakataong kumita ng coins sa laro. Ngunit, hindi maipagkakaila ang kalamangan sa paglalaro kung bibili ng in-app purchases nito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...